Iibigin ko muna siya bago ikaw
Bago kita ilagay sa pedestal na kasing taas ng araw
Pedestal na kakayanin ko lang matanaw
Na sa aking pagtingala ay ako lang din ang masisilaw
Bago kita mahalin, siya muna
Aalamin ko muna kung paano maging tunay na masaya
Kung papipiliin man ako sa inyong dalawa
Alam ko na siya ang mananatili maging sa aking pag-iisa
Hahayaan ko muna na mahalin niya ako
Na tanggapin ang aking buong pagkatao
Na makita ko ang totoong halaga ko
Para sa harapan mo, kakayanin kong magpakatotoo
Sa kanyang pagmamahal ako muna ay magpapalakas
Matuto kung paano umibig ng tama at wagas
Sapagkat di kita intensyon na gawin lang pampalipas oras
Sisikapin ko na ang tayo di kaagad magwakas
Iibigin ko muna siya, tama lang naman di ba?
Siya na kaharap ko sa salamin bawat umaga.
Siya na kasama ko sa aking pag-iisa
Siya na kasama ko kahit noong wala ka pa
Siya ay ako, ako ay siya
Kakabisaduhin ko muna ang aking halaga
Bago kita tuluyang mahalin, oh aking sinta
Hindi ko intensyon ipasa ang responsibilidad na ako'y mapasaya
Ang relasyon ay para sa dalawang taong magbibigayan
At di para sa mga taong gustong tumanggap lang
Na ang nais ay mabusog sa pagmamahal ng iba
Sapagkat pagmamahal sa sarili ay hindi magawa
Kaya kaibigan, bago maghanap ng sinisinta
Siguraduhin na handa ka na talaga
Hindi lang basta tumuntong ka ng dalawampu't dalawa
Dahil kapag maling tao ang napili mo, patay kang bata ka.
Ibigin mo ang iba gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili, sabi sa bibliya
Eto ang susi kung paano magmahal ng tama
Eto ay kapag handa ka nang ibigay ng lahat ng mayroon ka
Pero respeto at pagmamahal sa sarili ay alam mong itira
