"Ako ang pinakamahina sa grupo ng mga nag-eensayo noong panahon ko. Baka nga ako ang pinakamahina sa lahat ng nakatira sa Emperyo," nakangiti man ay naroon ang pait hindi lang sa tinig kung hindi maging sa alaala ni Maxpein.

"Ako ang pinakamabagal. Ako ang pinakaiyakin, pinakakawawa, gutumin, sakitin..." may mas ipapait pa pala ang tinig ni Maxpein. "Wala ni isa sa mga 'yon ang mag-aakalang ako ang tatanghaling pinakamataas na rango. Wala kasi 'yon sa katangian ko."

Napatitig si Deib Lohr sa asawa. Narinig niya na ang kwento nito, hindi lang isang beses, ilang ulit na. Pero ngayon lang niya nakita ang ganoong emosyon sa mga mata at tinig nito. Habang ang paningin ay naroon sa anak, makabagbag-damdamin ngayon itong magkwento.

"Napilitan akong paghusayan ang pag-aaral dahil iyon ang gusto ng chairman. Pero kung ako ang masusunod noon? Tatakas ako araw-araw at makikipaglaro sa mga kaedad ko. Pero hindi gano'n sa Emperyo, Deib Lohr. Iba ang buhay ro'n."

"Hindi ko naranasang mag-ensayo ng pansarili bago pumasok sa ensayo. Nabigla ako." Mapait na tumawa si Maxpein nang balikan ang nakaraan. "Walang mahalaga sa akin kung hindi ang maglaro, kumain at matulog. Para sa 'kin, iyon ang pinagkukunan ng lakas, iyon ang pangunahing pangangailangan ng bata. Nagkamali ako."

Napabuntong-hininga si Deib Lohr. "But look at you now," hindi matapos-tapos ang paghanga niya. Ang kwento ng kaniyang Taguro ang hindi niya pagsasawaang pakinggan. "Ikaw ang pinakamahusay sa lahat, hindi lang sa bansa ninyo, kahit dito, Taguro. Bilib na bilib ako sa 'yo."

Ngumiti si Maxpein at nilingon ang asawa. "Totoo," hindi niya intensyong magyabang. Sa katunayan ay emosyonal niyang sinabi 'yon. "Pero ang pinagdaanan ko bago marating ang pwesto kung nasaan ako ngayon ay impyerno."

Muling nilingon ni Maxpein si Spaun. Na nakaawang man ang labi, halos tumulo na ang laway, kahanga-hangang tila pinag-iisipang mabuti ang susunod na hakbang upang masugpo iyong mga nakatayo sa gitna.

"Sa dami ng pinagdaanan ko, maski kamatayan ay hindi ko na kinatatakutan, handa pa nga 'kong makipaghabulan," patuloy ni Maxpein. "Pero nagbago ang pananaw ko nang isilang ko ang anak natin, Sensui."

'Ayun na naman ang mga alinlangan ni Maxpein na binubuo ng takot, pag-aalala at kaba. Sa kabila nang katotohanang naroon pa si Mokz, ang isa sa mga naging pundasyon niya, pakiramdam niya ay kulang na kulang sila para mahubog si Maxspaun gaya ng pagkakahubog sa kaniya. Gustong-gusto niyang magtiwala, katulad ng tiwalang ibinigay ng mga ito sa kaniya. Pero parating umiiral ang damdamin niya bilang ina. Napakahirap labanan ng isip at damdamin ng isang magulang.

"Ngayon ko lang naiintindihan ang lahat ng naramdaman ng daddy ko noon. Ganito pala ang pakiramdam niya, at mag-isa niyang pinagdaanan 'yon dahil wala ro'n ang nanay ko para samahan siyang magdusa."

Talagang ngayon lang nauunawaan ni Maxpein ang lahat. Huli na para magsisi pero ang mahalaga ay tumindi ang paghanga at respeto niya para sa kaniyang mga magulang.

"'Yong...gusto mong panooring lumaki ang anak mo but at the same time, parang ayaw mo siyang umedad. Nang dahil sa batas na sinusunod ng pamilya natin." Hindi na mapantayan ang emosyon ni Maxpein.

"'Yong sabik kang turuan ang anak mo pero sa kabilang banda, ayaw mo siyang matuto. Dahil para matuto kailangan niyang maranasan ang sakit, pagod, gutom at paghihirap. Ganito pala ang pakiramdam."

Bumuntong-hininga si Deib Lohr saka inakbayan ang asawa. "Lalaki ang anak natin, Taguro," ngumiti siya, binibigyan ng lakas ng loob si Maxpein. "Hindi siya dadaan sa proseso na gaya ng sa 'yo. I'm sure, kakayanin niya ang ensayo at proseso na para sa mga lalaki."

MWhere stories live. Discover now