PAGPAPAALAM

9 1 2
                                        

PALUBOG NA ANG araw. Mag-isa kong tinahak ang Lumang Daan. Tanging mga lipon ng mga bulaklak ang naninirahan sa gilid. Pinitas ko ang pinakabukod-tangi sa kanilang lahat. Habang isa-isa kong kinukuha ang dilaw na mga talutot nito, napaisip ako ng aking sandamakmak na mga takdang-aralin.

Nagulat na lamang ako nang may matandang babaeng umeksena sa gitna ng daan. Nakadapa siya sa lupa, yakap-yakap ang mga bato. Nang dumaan ako sa kaniyang gilid, nanlisik ang kaniyang mga mata. Dahil sa kaniyang kakaibang pag-uugali, dumistansiya ako nang kaunti at tumigil saglit para kausapin siya.

"Ang iyong tinatapakan," dinilaan niya ang mabuhanging lupa, "sa mga oras na ito, ang siyang papatay sa'yo!"

Hindi ako umimik. Nandiri ako sa kaniya. Pinigilan ko ang aking bibig sa pagbulwak ng maingay na tawa at tinakpan ito gamit ang aking kamay.

"Mahalin mo," bumangon siya, "mamaya, ito'y mawawala!" Dinampot niya ang isang maliit na bato at ipinasok sa kaniyang bunganga at ninguya.

Nang masaksihan ko ang kaniyang ginawa, nanlaki ang aking mga mata at tumayo ang aking balahibo. Dahil hindi ko maunawaan ang kaniyang nais sabihan, dali-dali akong umalis. Kahit medyo malayo na ako sa babaeng iyon, rinig na rinig ko pa rin ang kaniyang sigaw: "Takbo! Takbo pa! Hahabulin ka ng lupa!"

Takbo ako nang takbo hanggang nakaabot na ako sa mga bahayan. Nang makita ko ang aking kaibigan na nagdidilig ng mga halaman sa labas ng kaniyang bahay, kumalma ang aking pakiramdam.

"Magandang hapon po, Tita Jeniffer," bati ko.

"Oh! Ba't parang pagod na pagod ka?" tanong niya.

"Ano . . . ang bigat po kasi ng bag ko ehhh," palusot ko.

"Hhmmm. Kung ako sa 'yo, bawasan mo na iyang mga dala-dala mo, tutal malapit ka nang magtapos."

"Hayaan niyo na Tita. . . . Sige, uuwi na po ako."

"Ikamusta mo ako kay Eric. Sabihin mo sa kaniya na pumunta siya dito."

"Tita, nakita niyo ba iyong baliw dun?"

Binaba niya ang tabo, at humarap siya sa akin. "Saan?"

"Andun sa bandang iyon." tinuro ko ang lugar. "Doon sa may mga bulaklak."

Hindi nagsalita si Tita nang ilang segundo. Direkta lang niyang tinignan ang aking mukha. Pagkaraan ng ilang sandali, dali-dali siyang pumasok sa kaniyang bahay at sinarado ang pinto. Nagtaka ako sa kaniya.

"Tita!" sigaw ko. "Naiwan mo ang balde at tabo mo."

Hindi bumukas ang pinto. Hinintay ko siya para sumagot pero wala. Dahil hindi niya natapos ang kaniyang pagdidilig, ako na lang ang nagpatuloy. Dahan-dahan kong ibinuhos sa mga halaman ang tubig, baka tumapon sa aking sapatos at mabasa ang aking medyas. Dahil wala naman dito si Tita Jeniffer, pumitas ulit ako ng isang nakakabighaning bulaklak mula sa kaniyang hardin.

Ilang minuto, may narinig ako mula sa likuran.

"Hala ka!" sabi ni Joseph, na sakay-sakay sa kaniyang bisikleta.

"Ha? Ehhhh . . . ano naman!" sabi ko sa kanya. Itinigil ko ang aking ginagawa at agad-agad tumakbo papalayo sa kaniya, pero naabutan pa rin ako ng lalaking iyon.

"Oy! Biro lang. Para kang bata." Tinigil niya ang pagbibisikleta, at humarang sa ang aking dinadaanan.

"Pasakay nga!" sabi ko.

Bagong DaanWhere stories live. Discover now