"Mama, tingnan mo ang babae, ang itim niya," usal ng paslit habang nakalingon pa rin sa kanya. "Tapos green ang hair. Tingnan mo."

"Sinong babae?" inis ng sabi ng ina, nagpalinga-linga ito sa paligid.

"Ayon po!" Tinuro ng bata ang kanyang kinatatayuan.

Napatigil ang ina nang makita siya. Hindi naman siya nagpahalatang naririnig niya ang usapan ng mga ito kahit pa sa kalayuan at patuloy lamang sa pagkain ng natutunaw na ice cream habang nagkukunyaring nakatingin sa malayo. "Ikaw na bata ka, kung anu-ano ang sinasabi mo, ang ganda ng dalagitang tinuturo mo. Halika na nga at umuwi na tayo. Anong oras na, hindi pa ako nakakapagluto ng pananghalian para sa tatay mo, magagalit na naman iyon sa atin." Hinila nito ang anak papasok sa nakaparadang trisiklong naghihintay na lamang mapuno. Nang makasakay na sila ay umandar naman kaagad ang sasakyan.

Habang papalayo ang trisiklo ay nakapako pa rin ang tingin ng bata sa kanya. Dinilaan niya ito, na kinalaki ng mga mata nito at napahawak pa sa braso ng ina dahil sa gulat; marahil ay dahil sa asul niyang dilang nahahati ang dulo.

Nakahinga siya nang maluwag nang lumiko ang trisiklo sa may kanto. Kung kailan na nakalabas ulit siya buhat nang huling insedenteng kanyang kinasangkutan sa binatang mortal na nakakakita rin lampas sa kanyang bighani ay saka lamang ulit siya nakalabas sa kanyang lungga. At ito, isang mortal na naman ang nakakita sa kanyang pagbabalat-kayo. Humihina na ba ang kanyang bighani? Hindi maaari.

Kailangan niyang pag-ibayuhin ang kanyang balat-kayo, ibig sabihin ay kailangan ulit niyang makipagpalitan sa isa pang engkantong nananahan sa maliit na bayan. Natagpuan siya nito, isang araw, at nag-alok ng inuming-bighani na mas matagal ang bisa, kapalit ng mga kaalaman. Noong una'y ayaw pa niyang maniwala rito, subali't nang magpalit-anyo ito sa kanyang harapan ay noon lamang siya naniwala. Sa paglipas ng mga taon ay napag-alaman niyang nagmula ito sa kaibuturan ng karagatan, at kung ano man ang ginagawa nito sa lupain ng mga mortal ay wala na siyang pakialam, basta't hindi siya nito pinanghihimasukan ay ayos lamang sa kanya. Malaki rin naman ang kanyang pakinabang sa mga inaalok nito. Ano kaya ang sunod niyang ipagpapalit ritong karapat-dapat ng mas malakas na inuming-bighani?

Nagsimula siyang maglakad palayo habang kumakagat sa natitirang apa ng ice cream, at napansing andap na nagliwanag ang bato ng pulseras na suot. Bigay ito sa kanya ng engkanto nang walang kapalit, at ibiniling magliliwanag ito bilang hudyat tuwing may magbubukas na lagusan mula sa malapit na engkantadong lupain. Nagbigay rin ito ng munting mangkok na gawa sa pinagtagpi-tagping bato mula sa bahura, at naglalaman ng tubig na hindi matapon-tapon kahit na tumaob pa ito. Isang patak ng dugo at ipapakita nito ang paparating, ang bilin pa sa kanya.

Ito ang kauna-unahan, naisip niya. Hindi pa niya ito nagagamit sapagka't sa kanyang pagkakaalam ay sarado ang lahat ng lagusan patungo sa mundo ng mga mortal, ang iilang mga takwil na engkanto sa munting bayan at kalapit-bayan nito ay hindi naman umaalis sa kani-kanilang kinalalagyan. Kinabahan siya; mabilis ang pagpulso ng liwanag mula sa bato ng pulseras. Hindi lang iisa ang paparating. Itinapon niya ang hawak na apa at nagmamadaling bumalik sa kanyang lungga.

--------

"Nabanggit ko na ba sa iyo na nanggagamot rin si Nana Aya sa mga piling pagkakataon?" untag sa kanya ng dalaga.

Naging tahimik siya ng mga sandaling iyon, nag-iisip, tinitimbang ang mga pangyayari nitong mga nakalipas na mga araw. Sobrang dami ng mga naganap nitong mga nakaraan na sa palagay niya ay kakaiba. At hindi niya alam kung ano ang iisip sa mga ito.

Umiling siya sa tanong ng dalaga. Hawak na naman nito sa dalawang kamay ang palad ng kanyang ate. Wari bang sa simpleng galaw na iyon ay mapapagaling nito ang karamdaman ng nakatatandang kapatid.

"You never even mentioned," pilit ang ngiti na iginawad niya sa dalaga. "Wala naman kasi tayong matinong pinag-usapan, kung hindi ka masungit, lagi mo akong inaaway."

"Ako talaga?" irap ni Serena. "Ikaw kaya ang gumagawa ng dahilan para mag-away tayo."

"There, ako na naman ang sinisi mo," depensa niya. "Later, hindi mo na naman ako papansinin."

Napangiti ang dalaga. Tila naaliw sa kanyang argumento. Marahil ay naisip rin nitong may punto siya. "O sige, hindi na muna kita susungitan o aawayin. Saka na kapag magaling na ang iyong ate."

"Kailangan talagang may conditon?"

"Oo naman," natatawang sabi ng dalaga.

Napailing si DJ, nguni't nagsimula na rin siyang ngumiti ng totoo. "Usapan iyan ha. But I hoped you'll changed for good and be nicer towards me." Itinaas niya ang kanyang hinliliit. "Promise me."

Tinitigan ni Serena ang kanyang hinliliit, bago ito napatingin sa kanya. Buong akala niya ay tatarayan na naman siya nito, subali't nagulat siya nang ikawit rin nito ang hinliliit sa naghihintay na daliri habang nakahawak pa rin ang isang kamay sa palad na kanyang ate.

Tila tumigil ang oras ng mga sandaling iyon. Mistulang hinigop ng magkarugtong na mga hinliliit ang hangin sa buong silid at kaagad rin itong pinakawalan. Sumambulat sa kanyang mukha ang mabangong halimuyak na hindi niya matukoy, samantalang nilipad naman ang mahabang buhok ng dalaga. Mukhang silang dalawa lamang ang naapektuhan sa pangyayari sapagka't hindi naman gumalaw ang kurtina na tumatakip sa bintana, maging ang iba pang mga kagamitan sa loob ng silid. Subali't sa hiram na sandaling iyon ay napako ang kanilang tingin sa katawang napapagitnaan nilang dalawa. Pareho silang nagulat sa nakita at pareho silang nahintakutan.

"It's not my elder sister!" hayag ang takot nang siya ay makapagsalita matapos ang ilang saglit.

Ang katawang nakaratay sa kama ay halos kawangis ng kanyang ate sa lahat ng aspeto, maliban na lamang sa balat nitong tila puno ng saging at buhok nitong waring lumot.

"O hindi!" napabitiw ang dalaga sa pagkakakawit sa kanyang hinlilit at napatakip ng bibig. "Napalitan siya! Tinangay siya, DJ! Tinangay siya ng isang engkanto!"

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon