KAHIT MABIGAT ang mga dala ay mabibilis pa din ang hakbang ni Cookie papuntang library. Kailangan kasi niyang matapos ang plate niya na hindi niya nagawa kagabi dahil sa sobrang pagod. Tumulong pa kasi siya sa mga magulang sa pag-aayos ng mga gamit nila sa bago nilang tirahan. Unang linggo pa lang ng pasukan sa bago niyang eswelahan ay may deadline na kaagad sila. Magkaganon man ay unti-unti na siyang nakakapag-adjust sa bago niyang eskwelahan. Mabuti na lang at likas siyang palakaibigan kaya naman nakasundo na niya ang mga bagong kaklase. Sa klase nila ay tatlo lang silang babae at ang isa ay tagilid pa. Kaya naman agad niyang nakasundo si Yanna. Unang kita pa lang niya dito ay alam na niyang makakasundo na niya agad ito. Usapan nilang magkikita sila ng library at late na siya ng labing limang minuto. Siguradong tatalakan na naman siya nito. Sa kakamadali niya ay hindi na niya napansin ang nakasalubong niya. Namalayan na lang niyang bumangga siya sa isang matigas na bagay. Sa lakas ng impact niyon ay nabitawan niya ang mga dalang t-square, tracing tube, at maging ang rolyo ng atenea na plate niya. Namalayan na lang niyang nakaupo na siya sa sahig dahil sa sakit ng pang-upo niya.
"Ang plate ko!" tili niya. Hindi na niya ininda ang sakit ng pang-upo niya sa pag-aalala niya sa plate niyang ipapasa. Agad siyang tumayo at pinulot ang mga gamit niya. Handa na siyang talakan ang kung sino mang nakabangga niya pero natahimik siya ng makita ang pagmumukha nito. Nakakatakot kasi ito kung makatingin sa kaniya. Idagdag pa na napakagwapo nito. Ito na yata ang pinakagwapong nilalang na nasilayan niya mula nang ipinanganak siya ng nanay niya. Napalunok siya ng dumako ang mga mata niya sa mga mata nito. Nagkatitigan sila. Saglit na parang may dumaang rekognisyon sa mukha nito pero bago pa niya masiguro iyon ay agad din iyong nawala. Pagkatapos siyang titigan ng masama ay tinalikuran na kaagad siya nito. Dahil doon ay nahimasmasan siya. Hindi man lang ito humingi ng tawad sa kanya. Sa inasta nito ay parang ito pa ang nasaktan samantalang siya itong napaupo.
Talipandas na unggoy! Kala mo naman kung sinong gwapo!
Nang maalala si Yanna ay agad na siyang pumuntang library.
SIYA NGA PALA si Cookie Sy. Kasalukuyan siyang nasa ika-tatlong taon sa kolehiyo sa kursong Architecture sa Saint Alloysius University. Half-Filipino siya at half-Chinese. Purong Chinese kasi ang papa niya pero ayon na rin dito kahit dugong Chinese ito ay Filipino at heart naman ito. Kaya naman kapag nagsalita ito ng Tagalog ay talaga namang diretso. Ang mama naman niya sa kabilang banda ay isang Pilipina na siyang dahilan kaya itinakwil ang papa niya ng sarili nitong pamilya. Mabuti na lamang at likas na maabilidad at matalino ang papa niya kaya naman kahit itinakwil ito ng pamilya nito ay nakaya sila nitong buhayin ng mama niya. Dahil sa kasipagan ng papa niya kaya ito na-promote sa trabaho at madestino sa bagong branch ng kompanyang pinapasukan nito. Iyon ang dahilan kaya sila lumipat ng tirahan. Dahil nag-iisa siyang anak ay hindi siya pinayagan ng mga itong maiwan kaya naman pinagtransfer din siya ng mga ito ng eskwelahan. Sobrang tinitingala niya ang kanyang ama, kaya siguro hindi pa siya nagkakanobyo dahil gusto niyang maging katulad ng lalaking mamahalin niya ang kanyang ama. Gusto niyang ipaglaban din siya nito katulad ng kung paano sila ipinaglaban ng papa niya. Biglang sumagi sa isip niyang isang batang lalaking nakasalamin. Aminin man niya o hindi, isa rin si Gregory sa dahilan kung bakit hindi niya sinubukang makipagrelasyon kahit na may mga manliligaw naman siya. Masasabi niyang ito ang first love niya dahil kung hindi dahil sa pagkahumaling niya dito ay hindi niya magagawang ipagsigawan sa buong Saint Alice Academy na gusto niya ito. Itinaon pa niyang may program sa school nila nang ginawa niya iyon. Magaling kasi siyang kumanta kaya tuwing may program sa school nila noon ay pinakakanta siya ng mga teacher nila. Inialay niya ang kanta niya dito pero pagkatapos na pagkatapos ng kanta niya ay isang lumalagapak na 'hindi kita gusto' ang natanggap niya dito. Mula noon ay iniwasan na siya nito. Nagtapos sila ng elementary ng hindi siya kinakausap nito. Hindi niya alam kung ano ba ang nakita niya dito, marahil dahil nuknukan ito ng katalinuhan. Sa katunayan ay ito ang valedictorian nila. Napakatahimik nito dahilan para magmukha itong misteryoso. Oo, aaminin na niya, kahit binasted siya nito ay hindi maikakailang gwapo ito kahit na may suot itong salamin at patpatin. Nalaman na lang niyang umalis na ito sa dating lugar nila at pumunta sa probinsiya ng tatay nito. Mas mabuti na rin sigurong lumayo ito dahil baka hindi kayanin ng puso niya ang sakit na idinulot nito sa kanya sa tuwing makikita niya ito dahil sa ginawa nitong pambabasted sa kanya. Magmula rin noon ay wala na siyang balita tungkol dito.
Nagising lang siya sa pagmumunimuni nang sitahin siya ng guard sa school nila. Kaya pala siya sinita nito ay dahil muntik na siyang bumangga sa poste. Pagkatapos magpasalamat dito ay nagpatuloy na siya sa paglalakad. Daig pa niya ang zombie sa kinikilos niya. Himala nang nakakapaglakad pa siya ng maayos gayong halos wala na siyang tulog sa pagra-rush niya ng plate niya. Labeling na lang ang kulang at tapos na siya. Sinadya niyang maagang magpunta sa school kahit alas diyes pa lang ang klase niya. Dahil alas otso palang ng umaga ay may dalawang oras pa para magawa niya ang plate niya. Kapag kasi sa bahay niya gawin iyon ay matutukso siyang matulog na lang. Dumiretso siya ng library para doon na lang gawin iyon. Nagulat na lang siya ng may humatak sa braso niya. Tinatamad na binalingan niya ang kung sino mang pangahas na iyon. Sa sobrang antok niya ay kahit makipag-away ay di niya magawa. Balak sana niyang titigan lang ito ng masama at talikuran na lang pero nalaman niyang si Yanna pala iyon.
"Hoy! Okay ka lang? Kanina pa kita tinatawag pero hindi mo yata ako naririnig. Halos tumingin na sa akin lahat ng tao dito sa covered walk pero ikaw wapakels pa din," natatawang sabi nito sa kaniya.
"Tapos mo na 'yong plate natin sa Building Tech?" tanong niya dito. Para kasing hindi ito galing sa pagpupuyat. Nagulat pa siya nang bigla na lang itong sumigaw.
"Oh my God! Panginoon ko! Diyosmiyo! Ngayon ba ang deadline 'non?" halatang nawindang na tanong nito sa kaniya. Sa ginawi nito ay nasagot ang tanong niya sa sarili kanina.
"Gumala ka na naman kagabi? Napapala mong babae ka. Bilisan mo at gawin na lang natin sa library. May dalawang oras ka pa naman 'eh, goodluck!" Ito na yata ang pinaka-carefree na taong nakilala niya.
"Hala! Paano na iyan? Mai-incomplete tiyak ako niyan kay Architect Perez," nanlulumong sabi nito. Ang tinutuoy nitong Perez ay ang professor nila sa subject na iyon. "Ikaw, tapos mo na ba?" baling nito sa kaniya.
"Labeling na lang," nakangising sabi niya dito. Natawa siya sa itsura nito, daig pa kasi nito ang binagsakan ng mga naglalakihan bato.
"Hah! Ganyan ka na ha. Porke't patapos ka na. Walanghiya kasi si Cedrick! Bad influence!" nanggigigil na sabi nito.
"Mas matino si Cedrick sa iyo. Lagi mo na lang sinisisi iyang bestfriend mo. Kilala na kita, malamang sa malamang ikaw ang humatak doon sa tao," natatawa pa ding sabi niya dito. Kapag kasi sumasabit ito ay ibinubunton nito ang sisi sa bestfriend nito. Natigil siya sa pagtawa dahil sa gulat ng bigla na naman itong sumigaw.
"Oh my God!" biglang sambit nito habang natutulala. Para itong nakakita ng pagkagandagandang bagay sa itsura nito.
"Ano na namang nangyayari sa iyo Marianna?" sinundan niya ng tingin ang tinitingnan nito. Pero likod na lang ng lalaki ang nakita niya. Napapailing na lang siya.
"Sino iyon? Kung makatitig ka, kulang na lang maglaway ka," takang tanong niya dito. Sobra kasi kung makatitig ito sa lalaking iyon. Kulang na lang ay sambahin nito iyon.
"Ano ka ba naman? Hindi mo ba siya kilala?" napapantastikohang tanong nito sa kanya. "Ay, oo nga pala," napapalatak na sabi nito. "Transferee ka pala. Para kasing ang tagal na nating magkakilala 'eh. Siya si Gray Tolentino ang pinakagwapo, pinakamayaman, pinakamatalino pero pinakasupladong lalaki dito sa SAU. Third year na siya sa kursong Civil Engineering. Minsan nga naging kaklase ko siya sa isang subject. Kahit siguro pinakamadaldal na taong kakilala ko mapapanisan ng laway sa kaniya. Kasi naman, kahit iyong mga talagang kaibigan niya ang kasama niya ay tahimik pa din siya. Kung hindi ko pa siya narinig na nagsalita aakalain ko talagang pipi siya." Madami pa itong sinasabi sa kaniya pero wala na siyang naiintindihan dahil antok na antok na talaga siya. "Hoy! Nakikinig ka ba sakin?" tanong nito sa kanya dahil sa paghihikab niya.
"Ewan ko sa 'yo. Ang gusto ko na lang ay matulog. Walanghiyang plate kasi iyon." Naiinis na sabi niya dito. Sa pagsambit niya ng salitang 'plate' ay napasigaw na naman ito. Marahil naalala nito ang plate nilang hindi pa nito nagagawa na nakalimutan nito dahil sa pagtitig sa lalaki kanina.
"Oo nga pala! Lagot! Hindi na lang muna ako papasok, bahala na! Sige girl, alis na ako, gagawin ko pa yung plate ko!" sabi nito at nagmamadali na itong umalis. Nabitin sa lalamunan niya ang sermon na dapat niyang sabihin dito dahil nakaalis na kaagad ito. Napapailing na lang na sinundan niya ito ng tingin at nagpatuloy na siya sa pagpuntang library.
Nang makahanap ng magandang puwesto ay agad niyang sinimulan ang pagle-label. Dahil labeling na lang ay agad siyang natapos. May isa't kalahati pa siyang libreng oras kaya napagpasyahan niyang maidlip muna. Wala na siyang pakialam kahit nasa library pa siya. Ang bigat na ng talukap ng mga mata niya. Ang gusto na lang niya ay matulog.
Iidlip lang ako, promise.
Naalimpungatan si Cookie nang gumalaw ang mesang inuokupa niya. Pakiramdam niya ay naalog ang utak niya sa nangyari. Handa na siyang sigawan ang kung sino mang salarin ng maalala niya kung nasaan siya. Nadoble pa ang shock niya ng maalalang may klase pa pala siya. Agad niyang hinagilap ang cellphone niya at tiningnan kung anong oras na. Muntik na siyang magmura ng malakas ng makitang late na siya ng fifteen minutes. Agad-agad niyang hinagilap ang mga gamit nang mapansin niyang siya lang at isang lalaki ang umuokupa sa mesa nila. Ibig sabihin ay ito ang salarin ng pagkaalog ng utak niya. Napanganga siyang ng malamang ito rin ang nakabangga niya noon. Nang tumingin ito sa kanya ay parang natigilan ito pero dagli rin iyong nawala at tinitigan siya na parang siya pa ang nakagawa ng masama. Hindi siya nagpatalo dito, inirapan niya ito at umalis na. Masiyado na siyang late para pag-aksayahan pa niya ng oras ito. Kahit papano ay may dapat siyang ipagpasalamat dito dahil nagising siya sa ginawa nito. Napansin nyang nakatingin ang lahat sa kanya at sa lalaking galit sa mundo.
Antok lang siguro to. Late na nga pala ako! I'm doomed!
YOU ARE READING
Gray's Cookie
Romance"Let's break up. I'm sorry." And he stood up, walked straight to the exit without even looking back. She was so shocked that she cant even utter a word to stop him from walking out of her life. It felt like a bomb was suddenly exploded right in fr...
