--------

Bigla siyang napaluhod sa isang tuhod nang lumabas sa lagusan. Tinukod niya ang isang kamay upang pigilan ang sariling pagtumba sapagka't umiikot ang kanyang paningin. Umiling-iling siya upang mawala ang hilong naramdaman nguni't pa rin bumuti ang kanyang pakiramdam.

Ito ang dahilan kung bakit noon pa man ay ipinagbabawal na ang paggamit sa mahigit sa isang lagusan sa magkakasunod na pagkakataon. Ang bawat lagusan kasi ay kumakain ng lakas, at sa pagkakataong gumagamit ka ng isa pang lagusan, doble ang kakainin nitong lakas buhat sa gumagamit. Kapag nilubos ang paggamit at naubos ang iyong lakas, katawan at laman naman ang kakainin nito, sanhi upang bigla na lamang tupukin ng apoy ang mapagsamantalang nilalang.

Sa gaya niyang makapangyarihang engkanto, batid niya ang kanyang hangganan. Nguni't kailangan pa rin niyang mag-ingat. Maraming engkanto na rin ang nagkamali dahil sa sobrang tiwala sa sariling kapangyarihan at lahat sila ay naging abo.

Humugot siya ng hininga at tumayo. Mula sa balat na sisidlang nakasukbit sa kanyang tagiliran ay lumagok siya ng pulo't gatang hinaluan niya ng katas ng mga piling prutas upang manumbalik ang kanyang lakas.

Sa kanyang pagtayo ay inikot niya ang kanyang paningin sa paligid. Tulad ng inaasahan ay lumabas siya sa pook na kung tawagin ng ilang mga engkanto, lalo na ng mga engkantong himpapawid, ay Hinunuong Kaluoy; mga batong matatayog at baliko, na kasing puti ng mga ulap at kasing bagsik ng nagbabagang mga bato mula sa bunganga ng isang bulkan. Matalas ito sa pakiramdam, at tila luwad na ubod ng puti. Ayon sa alamat, ginamit ito ng mga bathala upang puksain ang mababangis na mga halimaw na siyang unang nanirahan sa sansinukob, libu-libong dantaon na ang nakararaan.

Napaangat ang kanyang ulo nang umihip ang marahang hangin, para bang ito ay nagtataka sa pagdating ng isang dayo. Kakaiba ang gapyo nito, may dala itong kilabot sa kanyang pakiramdam, na waring nagtataboy at nang-iimbita pareho sa kanya. Nasa hangin pa rin ang amoy ng kamatayan kahit na maraming dantaon na ang lumipas, kamatayan ng mga nilalang na higit na mas makapangyarihan kaysa sa mga sumunod sa kanila. Bumubulong ito ng masasamang mga isipin, mga bagay na hindi nararapat pumasok sa isipan ng kahit sinong nilalang kung ayaw nitong mawala sa katinuan. Maging siya, sa antas ng kanyang pananggalang sa sariling isipin, ay nahihirapang iwaksi ito at labanan.

Muli siyang umiling ng ulo, habang napapakuyom ng mga kamao; para bang sapat na iyon upang pigilan ang nanghihimasok na maiitim na mga isipin sa kanyang utak. Napapikit siya at sa saglit na kadiliman ay nakita niya ang nakangiting mukha ng dayang, nakauntay ang isang braso at niyayakag siyang lumapit. Tila liwanag iyon na humawi sa kadilimang bumabalot sa kanya at nagbigay iyon ng panibagong lakas sa kanya.

"Ayos lamang, Laom. Magiging mabuti rin ang lahat," bigkas nito sa matimyas na tinig.

Sa muli niyang pagmulat, panibagong lakas ang kanyang naramdaman.

Inikot niyang muli ang paningin sa paligid. Sa kanyang paglingon sa likuran ay natigagal pa siya sagli't nang mahinuhang ang inakala niyang mga kakaibang batong nagkalat sa paligid ay mga dambuhalang buto pala ng kung anong halimaw. Sa kanyang kanan ay kapansin-pansin ang matayog na tore, na mistulang bantayog, napapaligiran ito ng mga punong-kahoy na lila ang mahahabang dahon at bughaw naman ang mga puno. Sa hindi kalayuan, isa ring matayog na tore ang nangingibaw sa mga kahoy na animo'y niyog kung hindi lamang sa dahon nitong kalimbahin at kahel na puno. Hindi na niya kailangang pagmasdan ang mga ito sa ikalawang pagkakataon upang sabihing ang mga ito ay dambuhalang mga pangil. Napaisip tuloy siya kung anong uri ng mga nilalang ang nanirahan rito libu-libong dantaon na ang nakararaan. Nguni't wala siyang panahon upang pag-aksayahan pa ito ng pag-iisip.

Dumukot siya sa isa pang sisidlan at inilabas ang isang bilog at pulang bato. Kinuyom niya ang kabilang kamao at sinugatan ang sariling palad gamit ang matatalas na kuko. Piniga niya ang sariling dugo sa batong nakapatong sa kabilang palad, at tumulo ang asul na dugo mula rito. Unang patak ay sumirit ang bato at naghalo ang pula at asul hanggang sa maging lila ito, saka ito umusok. Saglit pa ay unti-unting naging lila ang usok na wari bang sumasama sa usok ang kulay nito. Pinagdaop niya ang mga palad habang tumatagas ang usok mula sa mga daliri, at nagbulong ng isang makalumang dasal, saka niya inihagis sa berbeng langit ang bato. Kung hindi lamang sa usok, walang makakapagsabi kung gaano kataas ang naabot ng bato. Naglaho ito sa dilaw na mga ulap na tila mga barkong naglalayag sa langit.

Matapos iyon ay nagulat siya sa biglang pag-ihip ng hangin. Sa pagkakataong ito, tila hinawi niyon ang madilim na pakiramdam sa paligid. Nagmula ito sa kanyang likuran, pumaibabaw sa dakong kanyang tinatanaw, na wari ba'y sinundan ang landas ng batong itinapon niya roon. Tumindig ang matutulis niyang mga tainga at napahawak siya sa kanyang sandata.

"Sino ang nariyan?" Sigaw niya sa kawalan. "Magpakita ka!"

Kumaluskos ang mayayabong at pulang talahib sa kanyang kaliwa, at iniluwa niyon ang isang ulo na sa unang tingin ay kawangis ng isang pagong. Mayroon itong mga matang kakulay ng bilog na buwan, tila ba sumasalamin ang mga ito ng malawak na kaalaman. Ang itaas ng ulo nito ay tinubuan ng lumot na pula sa unahan, bughaw sa gitna at berde naman sa hulihan. Sa ibaba ng tuka nito ay tumutubo naman ang balbas na lila at kalimbahin ang kulay, na tuluy-tuloy namang tumutulay sa mala-ahas nitong leeg.

Hindi niya maalis ang paningin sa engkantadong hayop na sinusubukang alisin ang sarili mula sa mga talahib na tila bumuhol na sa mga paa nito. Akmang tutulungan na sana niya ito nguni't bigla itong nanuklaw. Maagap naman siyang nakaiwas sa kagat nito.

Ilang saglit pa ang lumipas bago ito tuluyang nakatakas sa talahiban. Gumulong pa ito nang sumabit ang isang paa sa nakalaylay na hibla ng talahid at tumaob. Noon niya napansin ang bao nitong animo'y marmol, sa ibabang bahagi at waring lupa naman sa ibabaw dahil sa mga halamang tumutubo roon. Pinagmasdan niya itong bumangon, kahit na hirap na hirap, marahil ay dahil sa bigat ng bao.

Nang makabangon na ito sa mahahabang mga paa, na sa unang tingin ay tila mga ugat, nakipagtitigan ito sa kanya sa mahabang leeg, pagkatapos ay lumabas ang dila nitong bughaw at mala-ahas sa haba. Wari bang inaamoy siya nito. Kapagkuwan, ay humakbang ito palayo sa kanya.

Natuod siya sa kinatatayuan, nag-iisip. Ayon sa alamat, naubos na ang uri ng mga nilalang na nasa harapan niya, nguni't ito at buhay na buhay ang isang ito. Isa nga ba itong... daruanak? Subali't dambuhala ang mga ito, sabi sa alamat. Sobrang laki na kailangan nitong lumusong sa karagatan upang makakilos.

Huminto sa paglalakad ang engkantadong hayop at lumingon sa kanya, tila naghihintay. Ibig yata nitong sumunod siya. Napilitan siyang humakbang at kumilos ulit ang daruanak.

Napalingon siya sa lagusang pinasukan, batid niyang naglaho na ito, nguni't hindi niya mapigilang mag-isip. Ibang mundo ba ang kanyang pinuntahan? Anong hiwaga ang hatid na pook na ito? 

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Where stories live. Discover now