CHAPTER EIGHT

Magsimula sa umpisa
                                    

“Lakwatsera talaga ang mga iyun.” Tumingin sa kanya ang lalake. “Buti pala nasundo kita agad. Kung hindi, sa SPA ang diretso mo.”

“Alam ko namang susunduin mo ako e.”

“Paano mo nalaman?”

“Wala. Ramdam ko lang.” Totoo naman ang sinasabi niya sa nobyo. Kahit hindi ito nagtext sa kanya kanina ng mas maaga, ramdam niyang susunduin talaga siya nito kaya hindi siya nag-commit kina Joyce na sasama.

“Ang lakas pala ng pakiramdam mo,” biro ni Drew sa kanya.

“At ramdam ko rin na gutom ka ngayon kaya mag-drive-thru muna tayo sa Burger King diyan sa may Timog para makakain ka.”

“Hindi ka nagkakamali!” Napahalakhak ang lalake, kaya natawa na rin siya.

MALAPIT na silang mag-five months ni Drew. Abot-abot ang pasasalamat ni Stella dahil so far ay smooth ang relasyon nilang dalawa. Nagkakaintindihan sila ng lalake at unti-unti na niyang nakakalimutan ang takot na dulot ng sumpa.

Two days before their fifth monthsary ay nagkasundo sila ni Drew to spend the day at her apartment, tutal ay weekend naman. Saka wala din daw duty ang lalake sa araw na iyun. Balak ng dalaga na magluto ng spaghetti, barbeque saka tiramisu at manood sila ng DVD. It was a perfect plan.

Pero sa araw mismo ng fifth monthsary nila ay isang simpleng ‘I love you’ lang ang natanggap na text ni Stella. And it was five in the morning. Hindi na nasundan iyun. Ang akala naman niya ay baka may biglaang lakad ang lalake at busy lang, tutal ay after lunch pa naman ang usapan nilang magkikita. Pero alas-onse na ng umaga ay wala pa rin siyang nababalitaan mula kay Drew.

She tried calling his phone around twelve thirty pero naka-off iyun. Nagtaka naman siya dahil hindi naman ugali ng lalake ang mag-off ng cellphone.

Baka naka-charge, naisip na lang niya. After preparing the table ay mabilis siyang nag-shower para makapagpalit ng damit. Isang pulang tshirt at maikling maong shorts ang pinili niyang isuot. Itinali din niya ang buhok niya. Pagkatapos mag-ayos ng sarili ay bumaba na siya at sinilip ang tiramisu na nasa loob ng ref. Excited siya dahil alam niyang iyun ang paboritong dessert ni Drew.

Asan na ba siya? Nakita niyang one thirty na ng hapon pero wala pa ring bumubusina or kumakatok sa gate nila. Hindi naman nali-late yun. Muli niyang tinawagan ang cellphone ng lalake pero naka-off pa rin iyun.

Para malibang at hindi mairita ay nagpasya ang dalaga na manood ng TV. Nakapagpakabit na sila ng cable last month kaya may HBO na at ibang movie channels na puwedeng panoorin. Sleepless in Seattle ang palabas, at kahit napanood na niya iyun ay natukso pa rin siyang panoorin uli ang pelikula nina Meg Ryan at Tom Hanks. Natapos na ang palabas ay wala pa rin si Drew.

Nasaan ka na? Dalawang beses ipinadala iyun ni Stella sa cellphone ng lalake para siguradong makarating. Alas-tres na ng hapon pero ni isang text message ay wala pa ring natatanggap ang dalaga. Gutom na siya!

Nang bumaba si Mavi bandang alas-kuwatro ng hapon ay niyaya niya itong kumain. Binuksan niya ang tupperware na naglalaman ng spaghetti at barbeque at binigyan ang kanyang housemate.

“Nasaan si Drew?”

“Hindi pa nga dumarating.” Hindi na niya natiis ang gutom- sumubo na siya ng spaghetti. “Kaninang ala-una pa siya dapat na nandito e.”

“Baka may biglaang lakad.”

“Sana nagsabi siya di ba? Ni walang text or tawag e,” reklamo niya. Sa totoo lang ay inis na inis siya!

“Sinubukan mo bang tawagan?” Tumango siya.

“Naka-off nga ang cellphone, kanina pa.”

“Baka low-batt. Or nasira ang cellphone?”

“Kahit na. Sana ay gumawa siya ng paraan na makontak ako di ba? Kanina pa ako naghihintay dito, para akong tanga!”

“E di ba monthsary niyo ngayon?”

“Yun na nga! Kaya ako nagluto ng mga ‘to.” Hindi na niya napigilan ang magtalak. “Hindi na sana ako nag-abala! May tiramisu pa diyan sa ref.”

“Tatawag din yun. Malay mo, mayamaya lang ay nandito na yun.”

“Humanda siya sa akin mamaya!” Natawa na lang si Mavi sa sinabi niya.

Pagkatapos kumain ay maghuhugas pa sana ng pinggan si Stella pero pinigilan siya ng housemate.

“Ako na ang maghuhugas. Akon a rin ang bahalang magligpit dito. Magpahinga ka na lang muna para hindi ka masyadong ma-stress. Kapag dumating si Drew ay tatawagin na lang kita.”

Nagpasalamat siya kay Mavi saka umakyat na sa taas. Tig-iisa sila ng kuwarto ng babae. Humiga sa kama ang dalaga. Mayamaya ay bumigat na ang mga talukap niya. Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nakaidlip. Nagising na lamang siya nang marinig niya ang boses ni Mavi. Tinatawag siya nito.

Naisip niyang baka dumating na si Drew kaya inayos muna niya ang sarili bago bumaba. Pero walang tao sa sala nang bumama siya. Si Mavi lang ang naroroon at nakatutok ito sa TV.

“Anong meron?” Nakita niyang TV Patrol na pala ang palabas. Kung ganun ay lampas six thirty na ng gabi!

“May ipinakitang flash report ngayon lang….” halos nanginginig ang boses ni Mavi. Nagtaka naman ang dalaga.

“Tungkol saan?” Tiningnan niya ang cellphone. Wala pa ring message mula kay Drew!

“Huwag kang mabibigla….”

“Bakit?” Kumabog na ang dibdib ng dalaga. Paano siyang hindi mabibigla, e halos hindi na rin siya makahinga!

Magsasalita pa sana si Mavi pero biglang ipinakita sa screen ng TV ang Malacanang Palace, pagkatapos ay nagsasalita na ang isang reporter. Narinig ni Stella ang sinasabi nitong may isang presidential helicopter na bumagsak sa Ifugao. Hindi pa umano puwedeng i-release ang mga pangalan ng mga nakasakay at mga nasawi.

Nagdilim ang paningin ng dalaga. Saka siya nawalan ng malay!

The Cavaliers: DREWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon