PROLOGUE

98 17 2
                                    


Prologue

Nangingiti si Minana habang minamasdan si Crescentine sa hindi kalayuan na bahagi ng kagubatan. Napakaganda ng puti nitong pakpak, tila iyong perlas na kumikinang sa tama ng araw.

Lumingon si Crescentine sa kanya kaya lalo siyang nangiti dahil nakaguhit ang ngiti nito sa labi. Walang hihigit sa anyo nito para sa kanya kahit pa sabihin na halos magkakamukha lang ito at ang mga kapatid.

Ang pilak nitong buhok na humahaba na ay isinasayaw ng hangin.

Sumenyas ito na lumapit siya kaya nagsimula siyang humakbang hanggang maging patakbo iyon para mas madaling makarating dito. Natatanaw na niya ang kulay asul na mga mata nito na tila napakalalim na karagatan na hindi niya kayang arukin ang lalim. Ang matangos nitong ilong ay nakuha nito sa ama at ang labi nito ay katulad nang ina nito na tila masarap halikan. Ang kulay nito sa tuwing tatamaan ng araw ay tila kumikinang sa malayo.

"Kakain na ang prinsipe at si Minana."Nginitian niya ito.

Nginitian lang siya nito at nag-angat nang tingin.

Hindi ito ginaya ni Minana dahil gusto niyang pagmasdan ang leeg nito at maging ang adam's apple nito na nagbababa at taas. Tila ito isang perpektong larawan sa kahit anong gawin nitong ayos. Kahit ang damit na sira-sira at luma ay kung susuotin nito ay nasisiguro niyang hindi ikababawas nang kakisigan nito. Mataas din itong lalaki na tumatayo sa anim na talampakan.

"Minana, sasamahan mo ako hanggang sa dulo, hindi ba?"

Tumango si Minana at ngumiti kahit nakatingala pa rin ito.

"Sasamahan ni Minana ang prinsipe hanggang kamatayan!"

Narinig niya ang mahinang pagtawa nito.

"Hanggang kamatayan..." pabulong na ulit nito sa huli niyang sinabi.

Nalungkot siya, "Hindi ba naniniwala ang prinsipe kay Minana?"

Nagbaba ito nang tingin habang nakaguhit ang matamis na ngiti.

"Minana, aasahan ko ang sinabi mo na hanggang kamatayan."

Nag-init ang mukha ni Minana, pakiwari niya ay namumula siya dahil sa salitang binitiwan nito.

Humakbang ito at hinawakan ang baba niya at marahang inangat habang bumaba ang mukha nito. Lalo siyang pinamulahan.

"Minana, ako lang ang kailangan mo. Hindi mo kailangan ang iba. Ako lang ang susundan mo at hindi ang iba."

Hindi alam ni Minana kung bakit iba ang dating ng salitang iyon. Parang bigla, hindi na ito ang kanyang prinsipe na mahinahon at kalmado magsalita. Kalmado pa rin ito pero malamig ang dating ng salita't boses nito.

Nanlaki ang mga mata niya nang makitang ang asul na mga mata nito ay naging kulay dugo na tila nasa babasaging kristal. Ang mga bagwis nito ay naging itim nang mabilisan. Ang napakagandang kagubatan na puno nang masasaganang puno ay nagkamatayan at nagkaroon ng maraming bilang ng mga uwak. Ang mabangong amoy ng sariwang hangin kahalo ang matamis na amoy ng mga bunga ng kapunuan at mga bulaklak na namumukadkad ay naglaho at nangibabaw ang tila amoy ng mga patay—nakasusulasok.

"Prinsipe—" natakot siya sa naging pagbabago.

Pero hindi nagbabago ang ngiting nakaukit dito.

"Minana, natatakot ka ba sa akin?"

Nangilid ang kanyang luha nang makita ang kalungkutan sa mga mata nito.

"Hindi matatakot si Minana sa kanyang prinsipe!"

RUINA IMPERII ( CRESCENTINE WOLVEUS & MINANA )Where stories live. Discover now