Kabanata II: SIYA SI NIKKOLO

63 4 0
                                    

KABANATA II: SIYA SI NIKKOLO.

NAGISING ako sa tunog ng alarm clock. Bago ko tuluyang idilat ang aking mga mata ay pasumandaling naisumpa ko muna ang kung sinumang herodes na nakaimbento ng alarm clock. Ngunit siyempre ay agad ko ring binawi iyon dahil kahit na ano pang inis ang maramdaman ko, kailangan ko pa rin naman talagang gumising nang alas-singko ng umaga. Ibig sabihin, may nag-iingay mang alarm clock sa tabi ko o wala, hindi na mababago ang katotohanan na sa araw-araw ng buhay ko ay kailangan ko talagang magising nang maaga.

     Idinilat ko ang aking mga mata. Kailangan ko nang simulan ang ordinaryong umaga ko. Bumangon ako—para lang muling mapahiga nang biglang may sumagi sa isip ko. No. Hindi katulad ng nakasanayan kong ordinaryong araw ang umagang iyon. May nangyaring kakaiba na siyang nagpapabaliw ngayon sa isip ko. At nang tuluyan kong maalala kung ano ang kakaibang pangyayari na iyon ay sumigaw ako nang pagkalakas-lakas. Sa sigaw na iyon ko inilabas ang lahat ng takot ko. Dugo…mga matang kulay silver…kamay na nakasakal sa leeg ko. Papatayin ako ni Nikkolo! Takot na takot talaga ako at wala akong pakialam kahit magising ko pa sa sigaw ko pati na ang mga nanahimik na kaluluwa. Kailangan ko ng tulong kundi papatayin ako. Sana may makarinig sa akin. Sana may magligtas sa akin…

     Isang malakas na sampal sa pisngi ko ang tila gumising sa akin sa aking bangungot. Naisara ko ang aking bibig.

     “Ano ba ang nangyayari sa 'yo, Annie? Ang aga-aga nambubulahaw ka?”

     Si Tita Mia ang nakita ko. Kunot na kunot ang noo niya at iritasyon ang ekspresyon na mababasa sa mukha niya. “Tita, papatayin ako ni Nikkolo! Papatayin niya ako!” paulit-ulit kong wika.

     “Nababaliw ka na ba? Sino naman ang Nikkolo na tinutukoy mo? Malamang ay binabangungot ka lang. Please. Lahat ng tao dito ay pagod. Huwag mo naman sana kaming idamay sa kalokohan mo. Ulitin mo pa itong mambulahaw, Annie. Sinasabi ko sa 'yo, hindi lang sampal ang mapapala mo.” Pagbabanta ng tiyahin ko.

     “P-pero…” nanginginig ang aking mga kalamnan.

     “And one more thing. Alam mo ba kung papaano ka nakauwi kagabi? Natagpuan ka ng tito mo na nakahandusay sa labas ng gate. Nawalan ka ng malay sa sobrang kalasingan! Kung ako nga lang ang masusunod baka ngayon pa lang ay pinapalayas na kita. Sino ang maysabi sa 'yo na puwede kang magbisyo at may lakas ka pa ng loob na ipakita iyon sa amin? Paano kung gayahin ka ng mga pinsan mo? Hindi ka na nahiya! Ang kapal ng mukha mo na gumawa ng kabalastugan. Ang dami naming sakripisyo sa 'yo pagkatapos ganito lang ang igaganti mo sa amin?”

     “Tita, hindi po ako lasing. Nawalan lang po ako ng malay dahil kay Nikkolo—”

     Muling lumagapak ang palad ni Tita sa pisngi ko. “Ano, gising ka na ba? Baka gusto mo nang kumilos at pagsilbihan kami? O magpapatuloy ka pa rin diyan sa kaka-‘Nikkolo’ mo? Aba, gulpi di-gulat yata talaga ang gusto mo! Bumangon ka na riyan. Kundi kakaladkarin talaga kita palabas ng kuwarto mo.”

     Kahit napakabigat ng aking pakiramdam ay pinilit ko ang sarili ko na bumangon na. Alam ko naman na hindi basta-basta maniniwala si Tita Mia sa sinasabi ko. Sino nga ba ang maniniwala kung sasabihin ko ang nasaksihan ko kagabi? Baka katulad ni Tita ay mapagkamalan din akong nababaliw na ng ibang tao.

     Pinilit ko ang sarili ko na kumilos katulad ng pang-araw-araw na ginagawa ko. Ngunit sa lahat ng iyon ay hindi pa rin mawala-wala sa akin ang takot. Hindi ako makapaniwala na buhay pa rin ako hanggang ngayon. Bakit hindi ako pinatay ni Nikkolo katulad ng sinabi niya? Ano ba talaga siya? Hindi pa rin malinaw sa akin ang bagay na iyon. Tama nga si Tita Mia. Para akong galing sa isang bangungot.

     Napahawak ako sa aking mga labi. Doon lang bumalik sa akin ang huling alaala na meron ako ng gabing iyon. Nanlaki ang mga mata ko nang maalala kong hinalikan ako ni Nikkolo sa mga labi! May kung anong damdamin ang bumangon sa dibdib ko. Isang mainit at masarap sa pakiramdam na damdamin. Biglang nanghina ang mga tuhod. Para kasing nalalasahan ko pa ang labi ni Nikkolo kahit pa hindi ko na maalala ang nangyari pagkatapos niyon. Hinalikan niya ako! Iyon ang first kiss ko! Isang nilalang pa na hindi ako sigurado kung ano ang nakakuha ng unang halik ko. Dapat ba akong magbunyi dahil alam kong hindi isang ordinaryong tao lang si Nikkolo o dapat akong matakot dahil hindi ko alam kung ano talaga siya? Pero iisa lang ang alam ko. May binuhay na damdamin sa puso ko ang halik na iyon. Para akong napailalim sa isang ritwal na humihigop ng tuluyan sa buong pagkatao ko.

Midnight KissTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon