“Hi!” Nasa labas na pala ng building ang lalake, kampanteng nakasandal sa kotse nito. At nakapagpalit na ng polo shirt dahil aquamarine na ang kulay ng polo shirt nito. “Kumusta ang trabaho?”

“Andito ka pa rin?” Hindi makapaniwala si Stella. Binuksan ni Drew ang passenger’s door at pinasakay siya.

“E di ba may dinner tayo ng seven?” Ngumiti ito. Nalanghap ng dalaga ang amoy nito. Pinaghalong sabon at men’s cologne pero hindi matapang.

“Akala ko nagbibiro ka lang,” amin niya. “Hindi ko ini-expect na totoo pala.”

“Hindi ako nagbibiro when it comes to asking a girl out.”

“Mukhang lagi mong ginagawa.” Hindi napigilan ng dalaga ang sarcasm sa tono niya.

“Mas madalas na ako ang niyayaya,” he chuckled. Napatingin ang dalaga. “Joke lang.”

“Alam mo bang hindi ko alam ang apelyido mo. I don’t even know you.” Huli na rin nang maisip yun ng dalaga. Bigla na lamang siyang sumama. Paano pala kung killer ang lalake? O kaya ay rapist?

Hindi naman siguro. Mukha namang matino.

“Ayan ang ID ko, para mapanatag ka,” narinig niyang wika ni Drew na tila nahulaan ang iniisip niya.

Lt. Andrewford Buenavista, PAF. Presidential Security Group.

“Militar ka?” Hindi makapaniwala si Stella. Tumango si Drew. “At sa Malacanang ka naka-assign?”

“Bakit parang gulat na gulat ka? Hindi ba ako mukhang sundalo?”

“Anong ibig sabihin ng PAF?”

“Philippine Air Force.” Nasa Ortigas area pa rin sila. “Saan mo gustong kumain?”

“Taga-Air Force ka?”

“Oo. Nagpapalipad ako ng chopper. Now, saan mo gustong kumain?”

“Kahit saan.” Hindi siya nagugutom actually. Hindi pa rin siya makapaniwala na si Drew ay isang military man. “Kahit sa fast food ay okay lang.”

“Grabe ka naman. Diyan na lang tayo sa Podium. Madaming masasarap na restaurants diyan.”

“Bahala ka.” Pasimpleng tiningnan ng dalaga ang lalake saka muling nagsalita. “Di ba delikado ang trabaho niyo? Madaming namamatay sa mga sundalo di ba.”

“Yung iba, natitiyempuhan. Pero kahit saan naman, delikado e. Nagkataon lang na nasa military kami.”

“Mas mataas ang death rate sa propesyon mo,” nasabi ni Stella bago pa napigilan ang sarili.

The Cavaliers: DREWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon