Sino ang Pilipino? ni Aina Wayne Dizon

274 0 0
                                    

Sino ang Pilipino?

            Sino nga ba ang mga Pilipino? Sa ating pagkakaalam mula nang tayo’y mag-aral at pumasok sa paaralan, ang mga Pilipino ay ang mga taong naninirahan sa Pilipinas, o naninirahan sa sarili nitong bansa. Ngunit iyon lamang ba talaga ang kahulugan nito? Masasabi mo bang Pilipino ang isang tao kung sapat na, na dito siya naninirahan? Sa aking pananaw, hindi karapat dapat na tawagin na isang Pilipino ang isang tao  kung narito nga siya sa ating bansa, ngunit ang mga tinatangkilik naman niya ay puro banyaga. Sa madaling salita, ang puso niya ay nasa ibang bansa.

Pilipino ngunit tinatangkilik ang mga bagay na gawa sa ibang bansa. Sila ang mga taong laging gustong sumabay sa uso, at laging ginagaya ang lahat ng kanilang napapanood, at nakikita sa kompyuter. Para sa kanila ay mas maganda ang sa iba, matibay ito at mas kaaya-aya. Pati sa mga damit, bag, sapatos, mga kagamitan sa bahay, hanggang sa personal na gamit, sa iba ang mas maganda. Sa pagbili ay tinitignan muna kung saan ito yari, at pag gawang Pinoy ay hahanap nalang ng iba. Hindi ba’t Made in the Philippines ang maganda? Nasaan ang pagka Pilipino?

Pilipino ngunit ang mga tipong pagkain ay parang naiiba. Mas masarap ba ang pagkain nila? Ang  mga lutong bahay na kay sarap, kinalimutan na lang ng tuluyan. Ang ating mga tradisyunal na kinakain ay parang inilista nalang sa hangin, at ang  mga ngayo’y kinakain, mga lutong mga banyaga na at hindi nakikilala. Gusto kasi ng mga  Pilipino ay laging nasa uso at nasa daloy ng mundo. Nakalimutan na, na siya ay nasa Pilipinas at wala sa Amerika o kung saan pa. Hindi ata nila nakikilala ang pagkaing Pinoy. Nasaan ang pagka Pilipino?

Pilipino ngunit naiiba ang musika. Marami ang nabibighani sa musika ng iba. Sabi ng iba mas maganda daw ang musika, sabi naman ng iba’y mas magaling ang kumanta, at ang iba nama’y maganda raw ang liriko. Bakit hindi nalang tangkilikin ang mga musikang gawa sa atin? Maganda ito at masarap sa tenga, may damdamin pa at talagang napakaganda. Dapat tangkilikin ang OPM na sarili nating wika, damadamin, at musika. Ngunit mistulang ang mga Pilipino ay mas nabibighani pa sa mga awit ng iba, kaysa sariling atin. Nasaan ang pagka Pilipino?

Pilipino ngunit tila hindi maintindihan ang kanyang sinasalita. Mas gusto ang Ingles kaysa Filipino, Intsik kaysa Filipino, Korean kaysa Filipino, yan ba ang Pilipino? Ang Panginoon ang nagbigay sa atin ng ating sariling wika. Pantay pantay lang ang lahat, at walang mas nakakahigit o nakakaangat. Bakit di natin magawang mahalin ang sariling atin? Nasa Pilipinas tayo kaya dapat ay magwika tayo ng Filipino. Ang wika naman natin ay  tulad din sa iba. May sariling alpabeto at mga letra, pero mas tinatangkilik pa rin ang salitang banyaga. Nasaan ang pagka Pilipino?

Hindi sapat ang manirahan sa Pilipinas upang tawagin itong Pilipino. Dapat ay ipakita natin ito. Mas tangkilikin natin ang sariling atin, hindi porket mas maganda ang kanila, iyon narin ang gusto natin. Maging tapat tayo sa ating bansa. Ipakita natin na karapat dapat tayong manirahan dito at tawagin na mga Pilipino. Patuloy nating mahalin ang ating bansa at magpakita tayo ng suporta. Sa bawat araw ay isaisip natin at isapuso na tayo ay nasa Pilipinas. Kung ako’y tatanungin kung sino ang Pilipino, iyon ang mga nagpapaka Pilipino.

Sino ang Pilipino Entry - CaviteWhere stories live. Discover now