"Hara? Tapos na ba kayo sa inyong pagligo? Nakahanda na ang inyong hapunan sa hapag," anas nito. Umikot ang kamay ni Amreit sa aking beywang bago siya yumuko. Naramdaman ko ang kanyang bibig sa puno ng aking tenga at para akong tuod na nanigas sa kinatatayuan.

"Sumagot ka, Hara," masuyo niyang bulong. Naramdaman ko ang pagpula ng aking pisngi bago tumikhim para makasagot.

"S-Saglit lamang, Ginang," anas ko. Nagtama ang paningin namin ni Elric at siya ang naunang nag-iwas ng mga mata. Tahimik lamang siyang naglakad sa aking bintana at bigla na lamang nawala.

Naiwan kaming dalawa ni Amreit sa silid. Noong mapag isa kami ay mabilis niya akong binitiwan. Sumunod siya kay Elric sa bintana ngunit napatigil noong tawagin ko ang kanyang pangalan.

"Kamahalan, bakit mo sinaktan ang damdamin ng iyong kapatid?"

Natigilan sa pag alis si Amreit bago ako hinarap. Bakas sa kanyang mukha ang paghihirap dala ng ginawa.

"Hindi na niya dapat pang naisin ka, Hara."

Niyakap ko ang aking sarili at napayuko.

"Kailangang maluklok si Elric bilang bagong hari ng Setrelle. Ang pag-ibig niya sa iyo ay magiging hadlang lamang sa pangarap kong iyon para sa aking kapatid. Kaya bago pa man niya tuluyang talikuran ang trono para sayo, puputulin ko na ang kahit na anong ugnayang mayroon kayo," sagot niya. Hindi na ako nakapagsalita pang muli dahil katulad ng kanyang kapatid, nawala na rin si Amreit sa dilim ng gabi.

Hirap akong makatulog sa gabing iyon. Kaya noong ginising ako ni Ginang para sa almusal ay hindi ako agad nakatayo. Noong makarating ako sa hapag ay malawak ang ngiti ng mga Destal na nagsisilbi sa akin.

Nilingon nila ang isang tangkay ng puting rosas sa tabi ng pagkain na nakahanda para sa akin. Pinaghila ako ng isang Destal ng mauupuan bago ko inabot ang bulaklak. Doon ay napansin ko ang isang maikling sulat na kaakibat ng bulaklak.

Nais ko sanang humingi ng tawad sa naging gulo sa pagitan namin ng aking kapatid. Nawa'y mapatawad mo kami, Hara.

Kumain ka ng mabuti. Hiling ko sana ay muli tayong magkita sa ilalim ng kambal na wilow kung wala ka namang pagkakaabalahan. Maghihintay ako roon, aking Hara.

Nilingon ko ang dalawang Destal na ngiting ngiti habang nakatingin sa akin. Pinamulahan ako ng mukha bago ibinaba ang rosas at ang sulat sa tabi ng aking pinggan.

"Binasa ba ninyo ang liham?" tanong ko. Sabay na umiling ang dalawa at ngumiti.

"Hindi kami marunong bumasa, Kamahalan," sagot ng isa sa kanila. Umawang na lamang ang aking bibig bago tahimik na humingi ng tawad. Nagsimula na akong kumain noong humahangos na dumating si Ginang.

"Hara! Ipinapatawag ka sa punong bulwagan ng hari. Naroon na ang lahat ng Vaurian at ikaw na lamang ang wala," pagod niyang sabi. Binitiwan ko ang tinapay na aking kinakain bago nangunot ang noo.

"Ako? Bakit?"

Napalunok si Ginang at namutla.

"Ang pinuno ng mga Arransar at ng mga Vidrumi ay narito para hilingin ang pagpapatalsik sa iyo bilang Hara ni Prinsipe Amreit," balita nito. Nanuyo ang aking lalamunan bago nanginig.

"Ginang, tulungan mo akong pumunta sa bulwagan," anunsyo ko. Mabilis tumango ang aking tagapagsilbi at sabay sabay kaming humangos papunta sa palasyo ng hari.

Noong makarating ako sa punong bulwagan ay naroon na lahat ng pinuno ng limang angkan. Nakaupo ang hari sa kanyang trono, nakadantay ang mukha sa kanyang kamao at mukhang inip na inip sa pinag uusapan.

The Prince's FianceeWhere stories live. Discover now