Sa pagtakbo ko, hindi ko nakita ang pagsabit ng laylayan ng aking damit sa bota ng Prinsipe. Huli na ang pagsubok kong pumihit at bumagsak na ako. Gumalaw si Amreit at hinawakan ang aking braso para alalayan ako ngunit bumagsak pa rin ako sa kanyang kandungan.

Nanlalaki ang aking mata noong magtama ang tingin namin ng prinsipe, lilang mata laban sa kanyang berde. Nakita ko rin ang parehong ekspresyon sa kanyang mukha habang magkadikit ang aming katawan.

"Ma..."

Tumikhim siya bago inilayo ang kanyang mukha sa akin. Bahagya kong napansin ang pamumula ng kanyang pisngi sa bawat pagdaan ng mga alitaptap para magbigay ng liwanag.

Hindi ko napigilan ang pagbilis ng tibok ng aking puso habang nakikita ang hugis ng mukha ng Prinsipe sa malapitan. Ngayon ko nakikita ang pagkakahawig nila ng kanyang nakababatang kapatid na si Elric. Pareho ang kurba ng kanilang labi, ng kanilang pisngi at ng kanilang mata. Tanging pinagkaiba lamang ay ang kulay berdeng mata ni Amreit.

Ngunit hindi nabawasan ng pagkakaibang iyon ang katotohanang sadyang matipuno ang dalawang prinsipe. Kaya hindi na rin ako nagugulat na maraming binibini ang nagkakandarapa sa kanila. Lalo na kay Amreit dahil siya ang tagapagmana ng hari.

"Hara..."

Ilang beses akong kumurap at hinintay ang kanyang susunod na sasabihin.

"Patawad ngunit napakabigat mo," aniya. Pakiramdam ko ay nawalan ng kulay ang aking mukha mula sa narinig sa kanya. Mabilis akong napatayo at dahil sa ginawa ay nawalan na naman ako ng balanse. Muntikan na naman akong matumba kung hindi lamang sa bilis ng pagkilos ni Amreit. Agad pumulupot ang kanyang braso sa aking beywang at hinila ako palapit sa kanya.

Tumaas ang sulok ng kanyang labi habang nangingiting nakatunghay sa akin.

"Hindi ko alam na lampa pala ang aking Hara," tudyo niya. Nag init ang aking pisngi at pinilit siyang itulak palayo. Dahan dahan naman niya akong binitiwan ngunit ang ngiti niya ay naroon pa rin sa kanyang labi.

Isang tikhim ang nagpalingon sa aming dalawa. Doon ay nakita ko si Ginang na nakatayo ilang dipa lamang ang layo sa amin. Hindi sila nakatingin sa aming dalawa ngunit bakas sa kanilang mga mukha ang paghihinala sa aming ginagawa dito sa liblib na sapa.

"Kamahalan. Mahal na Hara. Ipinapatawag kayo ng Amang Hari sa kanyang tanggapan," anunsyo ni Ginang. Naramdaman ko ang paninigas ni Amreit sa aking tabi bago hinawakan ang aking braso.

"May sinabi ba siyang dahilan?"

Umiling lamang si Ginang at nilingon ako. Yumuko siya sa Prinsipe at sinenyasang lapitan ako ng tatlo pang Destal niyang kasama.

"Patawad, Kamahalan. Ngunit kailangan ng Hara na maghanda para sa pagharap sa ating hari. Kung mararapatin lamang po ninyo..."

"Walang anuman, Ginang. Hayaan na ninyo akong ihatid ang aking Hara sa kaniyang tahanan," seryosong sagot ni Amreit. Ilang saglit na lumingon si Ginang sa tatlong Destal na kasama bago tumango.

"Kung iyon ang inyong nais," sagot ni Ginang. Inalalayan ako ni Amreit sa paglalakad, ang kanyang palad ay mainit habang nakadantay sa aking braso. Nilampasan namin ang dalawang punong nakayuko habang iyong mga alitaptap ay tahimik na sumusunod sa amin.

Mabilis ang aming pagbabalik sa aking tahanan. Noong papasok na ako ay bigla akong natigilan at hinarap si Amreit na tahimik lamang na naghihintay sa aking pagpasok. Isang maliit na tango ang kanyang ibinigay sa akin habang ako ay yumuko.

"Paalam sa ngayon, Hara Amelia," aniya, nakakapanginig ang mababang boses. Tumikhim ako para mawala ang bikig sa aking lalamunan sabay yuko bilang paggalang.

"Mag iingat ka, Kamahalan," sagot ko. Walang sabi sabing naglakad siya palayo, palabas sa aking tahanan. Noong maisara ang pintuan sa aking punong bulwagan ay dumiretsyo na ako sa aking silid.

"Handa na ang iyong panligo, Hara. Maging ang iyong susuotin para sa hapunan mamaya ay nakahanda na rin. Nasa loob na rin ang mga Destal na nakatalagang pagsilbihan ka habang---"

"Ginang, kaya ko pong paliguan ang sarili ko ng mag isa."

Bahagya pang nagulat ang GInang sa aking tinuran bago mabilis na umiling. Ibinaba niya ang kanyang ulo para yumuko bago itinapat sa kaliwang dibdib ang kanang kamay.

"Ngunit Hara, tungkulin naming mga Destal na pagsilbihan ka bilang---"

"Huwag kang mag alala, Ginang. Hindi ko lulunurin ang aking sarili. Hamo't tatawagin ko kayo kung may kakailanganin ako. Ngunit sa ngayon sana ay mapagbigyan ninyo ako sa munting hiling kong ito," pagputol ko sa kanyang sinasabi.

Masakit ang loob ni Ginang noong tumango siya para pagbigyan ako. Tinawag niya ang mga Destal na nasa loob ng aking silid at pumwesto na lamang sila sa tapat ng aking pintuan. Noong masiguro kong wala na sila ay doon pa lamang ako tuluyang pumasok.

Sinalubong ako ng malamig na hangin mula sa bukas kong bintana. Agad akong lumapit para isara sana iyon, malamang ay naiwan ng mga Destal, noong biglang may malamig na kamay na humawak sa aking palad. Akma sana akong sisigaw noong hinapit ni Elric ang aking katawan bago tinakpan ang aking bibig.

"Aking binibini, ako ito," pabulong niyang sabi. Nanginginig pa ako sa takot ngunit unti unti ng bumitiw ang kamahalan sa akin.

"A-anong...Kamahalan!"

"Patawarin mo ako. Nais kong bisitahin ka agad noong araw na hinirang kang Hara ngunit ang aking Ama..."

Nanlabo ang kanyang mata at mabilis na umiling. Tatlong hugot ng malalim na buntong hininga ang ginawa niya bago ako dahan dahang binitiwan.

Nagtaas siya ng tingin at nakita ang ginintuang palamuti sa aking noo, tanda na ako ay ikakasal na sa kanyang kapatid. Nakita ko ang pagtangis ng kanyang bagang at walang sabi sabing hinila iyon paalis sa akin.

Kumalampag ang mga dyamante at gintong nasira mula sa palamuti. Napasinghap ako sa nangyari at marahas na hinarap ang kamahalan.

"Prinsipe Elric---"

"Hiningi ko sa aking ama ang iyong kamay, Amelia. Ako ang humingi ng pahintulot na maikasal ka sa akin. Ako dapat ang magpapangalan sa iyong hara kaya bakit? Bakit napunta ka sa aking kapatid?" mapait niyang sabi. Kumuyom ang aking palad at mabilis na umiling.

"Hindi ko rin ninanais ito, kamahalan."

Nagningning ang kanyang mata bago ako inabot. Mariin ang kanyang pagkakahawak at seryoso akong tinitigan.

"Kung gayon, tumakas tayo. May malayong lupain sa labas ng teritoryo ng Setrelle. Maari tayong tumakbo roon, mamuhay na tayong dalawa lamang. Marunong akong mangaso at sigurado akong hindi ka mahihirapan sa aking piling, Binibini," pagsusumamo niya. Puno ng desperasyon ang kanyang asul na mata habang hinihintay ang aking sagot.

"Amelia---"

Hinila ko ang aking kamay palayo sa kanya bago umiling.

"Patawad, Kamahalan..."

Nalaglag ang kanyang panga sa narinig sa akin. Gulat na gulat siyang nakatingin habang hinihintay ang aking magiging sagot.

Anong nais mo, Elric? Kung tatakbo tayo ay tatalikuran mo ang iyong tadhana. Ikaw ang nakatakdang mag hari sa Setrelle. Ikaw ang magtutuwid ng lahat ng kamalian sa bayang ito. Kaya patawad ngunit hindi ako tatakbo kasama mo.

"Amelia, anong---"

"Patawarin mo ako, Prinsipe. Ngunit hindi na ako ang binibining naging kaibigan mo noon sa kapitolyo."

Nagtangis ang kanyang bagang sa narinig. Ilang beses siyang umiling bago hinila ang maiksi niyang buhok.

Taas noo ko siyang tinitigan kahit na nanginginig pa.

"Ako na si Amelia, ang Harang nakatakda para sa iyong kapatid na Prinsipe. At hanggang dito na lamang ang ating...." Tumigil ako para maghanap ng karapat dapat na salita para tukuyin ang namamagitan sa aming dalawa.

Pumikit ako ng mariin at umiling.

"Ako na si Hara Amelia ni Prinsipe Amreit. At hanggang dito na lamang ang ating relasyon, Kamahalan."

The Prince's FianceeWhere stories live. Discover now