Ikaw ba ay isang mambabasa ng sinasabi nilang Wattpad? Kung oo, bakit dito ka nagbabasa? Sa panahon ngayon, wala nang hindi nakakaalam kung ano ang Wattpad. Halos karamihan ng kabataan ay naaadik o nahihikayat na magbasa rito. May mga tao rin na nais maging manunulat at nais nilang simulan sa Wattpad ito. Ano nga ba ang Wattpad? Ang Wattpad ay isang application sa online na nagmula sa Canada, kung saan pwedeng magbasa ang kahit na sino ng mga kwento at nobela na ginawa ng mga iba't ibang awtor. Isang malaking komunidad ang nakapaloob dito dahil ito ay sikat sa buong mundo. Pwede ka rin magsulat, at kung nanaisin ay makipag-usap o communicate sa mga ibang manunulat at mambabasa rin. Maraming mga genre ng kwento ang makikita mo dito. May Fan Fiction, Romance, Fantasy at iba pa. Meron ka ring makikitang mga 18+ genre o mature content sa Wattpad. Halos lahat makikita mo dito. Maraming manunulat at mambabasa sa Wattpad dahil ito ay popular sa buong mundo. Layunin ng mga manunulat sa Wattpad na tangkilikin at makilala ang kanilang istorya, at mailimbag ito sa libro. Kung mas papalarin, maaari rin itong gawing palabas sa sinehan kapag pumatok sa karamihan. Gaya na lang ng "Diary ng Panget" na isinulat ni Have You Seen This Girl na pinagbidahan nila James Reid, Yassi Pressman, Andre Paras, at Nadine Lustre noong taong 2015. Sinundan pa ito ng maraming pelikula na nanggaling sa Wattpad kaya't mas lalong nahikayat at na-inspire ang mga tao na humugot ng inspirasyon mula sa mga taong nagtumpay sa kanilang layunin na pasikatin ang kanilang istorya. Marami ring mga istorya sa Wattpad na umabot ng milyon-milyong tagatangkilik o mambabasa katulad ng "Possessive Series" "Wolf Child" "My Husband is a Mafia Boss" at iba pa. Meron din ang sinasabi nilang "Watty Awards" para sa mga pinakakilala at ang mga pinakasikat na mga istorya sa Wattpad, monthly at yearly. Meron ding mga istorya sa Wattpad na dahil sa sobrang sikat at sa sobrang ganda ng kwento, ginagawan nila ng "Movie Version" ang mga istorya na iyon katulad ng pelikula nila Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na pinamagatang "She's Dating The Gangster." Napakagandang pakinggan ng Wattpad. Pero ano ba ang mga epekto na naidudulot nito sa atin?
Simulan natin ito sa mga maganda at hindi gaanong magandang epekto ng Wattpad. Sa milyong-milyong istoryang nakikita mo sa application na ito, hindi maiiwasan na maubos ang oras mo kababasa ng mga kwentong nakakaakit, nakakakilig, at malupit. Kaya isa sa mga epekto nito ay mauubos talaga ang oras niyo kababasa dahil libre lahat ng mga kwento dito kahit piso ay wala talaga! Ang kailangan mo lang ay Internet at ang iyong selpon o tablet upang makapagbasa dito. Kakailanganin mo lang ng Internet kapag gusto mong maghanap ng mga librong babasahin. Matapos mong mahanap, maaari mo itong ilagay sa iyong library at mababasa mo na ito kahit hindi ka online. Isa pang nangangailangan ng Internet sa paggamit ng Wattpad ay kapag kailangan mong mag-publish ng kabanata ng istorya na iyong sinusulat. Kaya hindi talaga mahirap na masulit ang oras sa pagbabasa ng Wattpad. Yun nga lang, kapag napabayaan at hindi nalimitahan, marami kang mapapabayaan. Balik tayo sa piso. Speaking of piso, isa din sa mga epekto nito ay lahat libre! Kaya hindi mo na kailangang gumastos ng libo-libo kakabili ng mga librong fan fiction sa mga book stores. Siguradong hindi uubusin ng Wattpad ang pera niyo. Sana all. Magandang opportunity rin ito sa mga manunulat na gustong i-express ang mga sarili nila o sa mga nagsisimula pa lamang gumawa ng mga kwento. Magandang training ground ang Wattpad para sa kanila dahil dito nila masusubok ang galing at talento nila sa pagsulat ng istorya. Hindi lahat ng istorya ay papatok sa mambabasa kung kaya't kinakailangang pag-isipan ang bawat eksena, script, at takbo ng istorya sa pagsusulat. Isa pang hindi gaanong maganda sa Wattpad ay ang malayang pagpapahayag ng mga mambabasa tungkol sa kanilang mga binabasa. Hindi maiiwasan na ma-criticize ang iyong nobelang sinusulat kaya't dapat na matatag ka at tibayan ang loob na pagbutihin pa. Hindi maiiwasan ang ganitong mga klase ng opinyon ngunit kailangan nating buksan ang isipan para maunawaan ang ganitong klase ng mga bagay. Ngunit sa kabila ng mga pangit na komento, nariyan rin naman ang mga makakapagpagaan ng iyong saloobin. May mga magsasabi na maganda ang istoryang nagagawa mo, at may iba naman na tahimik lang na nagbabasa. Sila ang tinatawag na mga "silent readers." Isa pang dulot ng Wattpad ay ang pagpapadali nito sa buhay ng mga manunulat. Kung hindi na kailangang gumastos para lang makapagbasa dito, hindi na rin kailangang gumastos ng mga manunulat upang magsulat rin dito. Noon, mano-mano ang pagsulat ng mga nobela sa papel. Isang pagkakamali mo lamang ay uulit ka na. At mahal ang pagpapalimbag. Hindi lahat ay may kakayahan na makapaglaan ng oras at pera upang makapaglimbag ng maraming kopya ng libro kung kaya't ang kagandahan ng Wattpad ay kitang-kita. Bukod sa hindi na magastos sa paglimbag ng mga istorya, mas madali na ring maihahatid sa mga mambabasa ang istorya mo nang libre at walang bayad. Mas madali at mabilis maging popular sa Wattpad kesa sa pagbenta ng libro na walang masyadong bumibili. Malaki ang diperensya ng Wattpad sa libro kung realidad ang pag-uusapan. Ngunit, sa kabilang banda, nawawala naman ang kulturang nakasanayan. Ang epekto ng paghawak ng selpon kesa sa libro. Kapag magdamag mong hawak ang selpon mo at Wattpad lamang ang inatupag mo, maraming pwedeng maging masamang epekto ito sa iyong kalusugan. At isa pa, ang publishing companies. Trabaho nila na maglimbag ng mga libro. Kung mawawala na ang mga libro, paano na lamang ang mga industriyang ito na matagal nang tinatakbo ang kompanya nila sa loob ng maraming taon? Mas gugustuhin pa rin naman natin na makitang may hawak na mga libro ang kabataan kumpara sa selpon na hindi magawang bitawan. Isa pang magandang epekto ng Wattpad, sa kakabasa mo, matututo ka ng mga bagong salita na hindi pamilyar sa'yo, at lalawak ang iyong bokabularyo. Lalo na kung Ingles na lenggwahe ang iyong babasahin, malaking tulong ito. Made-develop rin ang skills mo sa pagsulat ng mga istorya nang dahil sa mga nabasa mo na. Isa pang epekto ng Wattpad, marami kang makikilala. Gaya ng nabanggit kanina, ang Wattpad ay isang malaking komunidad kung saan pwede kang makipag-usap o communicate sa iba. May mga makakasundo ka at makikilala na mga bagong tao. Sa dami ng mga nabanggit na dulot ng Wattpad, mahalaga pa rin ang patnubay at gabay ng mga magulang sa kanilang mga anak sa paggamit nito. Ang Wattpad ay may iba't-ibang content at mayroon ditong hindi dapat makita agad ng isang taong minor de edad pa lamang. Marapat na gabayan ng magulang ang anak nila kung ano ang binabasa nito at sinusulat.
Tunay nga namang napakasaya at ganda ng Wattpad. May mga pangit na dulot ito sa atin, ngunit mas marami pa ring magandang dulot ito sa mga tao. Marami nang mga research at pag-aaral noon na nagsasabing walang epekto ang Wattpad sa academic performance ng isang tao, basta ba't kayang i-balanse at limitahan ang sarili pagdating sa pagwa-Wattpad. Masasabi ko rin na magandang ang Wattpad dahil nahihikayat nito ang mga taong magbasa at magsulat. Sa panahon kasi ngayon kung saan wala ng interes humawak ng libro ang mga tao, kahit papano ay nakakatulong na rin ang Wattpad na hindi tumigil ang mga taong matuto, magsulat at magbasa. Kailanman ay hindi magiging masama ang kagustuhang magbasa at makagawa ng mga panibagong istoryang mahahatid sa iba.
