CHAPTER 02

117 5 2
                                    

Pagkababa ni Drew sa cellphone niya ay umupo ang kanyang ina sa kanyang tabi. Nakaupo siya sa sofa at nakatutok ang atensyon sa TV. Alam niya na may sasabihin ito sa tuwing lalapit ito sa kanya. Tinawagan kasi niya si Sabrina at sinabi niya na magkita sila mamaya dahil may bibilhin siya sa supermarket. Pumayag naman ito kaagad. Iyon nga lang may klase pa raw ito kaya mamayang hapon na lang daw sila magkita. Pinagpatuloy niya ang ginagawang pagpindot ng remote upang maghanap ng palabas sa cable.

"Kumusta naman ang batang 'yon?" Alam niyang si Sabrina ang tinutukoy nito ngunit gusto muna niyang asarin ang nanay niyang may pagka-pikon.

"Okay naman si Maricar. 'My." Hinampas nito ang hita niya. Tumawa lang siya nang makitang nanulis ang nguso nito.

"Gusto mong mawalan ng allowance?" Mas lumakas ang tawa niya sa tinuran nitong iyon. Parehong-pareho ang nanay niya at pati si Sabrina sa aspetong 'yon. Madalas siyang pagbantaan at may halo pang pisikal na pananakit ang mga bantang iyon. Hindi naman iyong tipo na malala at makakapagbigay sa kanya ng peklat at pasa. Kumbaga, mga pabirong hampas lang ng paglalambing.

Hindi rin naman kaila sa kanya na mas boto ang kanyang ina kay Sabrina kaysa kay Maricar. Aminado naman siya na espesyal ang tingin niya sa best friend niya ngunit pilit niyang ibinabaling sa iba ang pagtingin dito. Hindi sila talo, hindi rin niya hahayaang mawala ito sa kanya kung sakali man na maging sila at hindi mag-work out ang relasyon nila.

Hindi naman sa wala siyang tiwala sa sarili niya ngunit mas mabuti na 'yung nag-iingat. Kaya mas pinili na lang niya na maging magkaibigan sila. Tinulungan din naman siya ng pagkakataon dahil nang mapagpasyahan niya na maghanap ng iba ay lumapit naman si Maricar sa kanya at kaagad nagpakita ng motibo.

Nakilala niya ito nang minsang isama siya ng kanyang ama sa kaarawan ng ama ng dalaga. Hiningi nito ang number niya at ibinigay naman niya kaagad iyon. Hindi naman nagtagal ay naging sila at ngayon ay halos dalawang taon na silang magkasintahan. Ipinakilala niya rito si Sabrina at sinabing hindi nito dapat na pagselosan ang kanyang kaibigan ngunit madalas pa rin na nangyayari iyon. Madalas nilang pag-awayan ang pagseselos nito kay Sabrina ay hindi naman sila umaabot sa hiwalayan nang dahil doon.

Hindi naman siya pabayang boyfriend. Ginagawa pa rin niya ang responsibilidad bilang boyfriend nito at hindi iyon labag sa kalooban niya. Sadyang hindi lang niya maiwan mag-isa si Sabrina, lalo na ngayon. Sabihin man ng ibang tao na hindi tama ang ginagawa niya ay wala siyang magagawa.

Iba si Maricar, iba si Sabrina. Doble pa ang ibinibigay niyang atensyon kay Maricar dahil nga ito ang girlfriend niya at maayos ang pakikitungo niya sa pamilya nito kahit pa ramdam niya na hindi siya gusto ng ina nito. Kaagad niyang naramdaman iyon nang ipakilala siya ng dalaga rito.

"Sabrina's doing fine, 'My," maikling sagot niya.

"Mabuti naman. Eh, ang Tito Ronald mo?" Hindi nito naitago ang lungkot sa boses. Hindi naman niya ito masisisi sapagkat matalik na magkaibigan ang mga ito. Saksi siya sa pagkakaibigan ng nanay niya at tatay ni Sabrina.

"Sabi ni Sab kagabi okay lang naman daw si Tito." Huminto na siya sa ginagawang pagtsa-channel surfing at hinayaan na lang iyon sa Cartoon Network.

"Alam kong oras ang kailangan ni Ronald. But until when? Kawawa naman ang anak niya."

"He'll be okay, darling." Sabay silang napalingon ng kanyang ina sa kanyang ama na hindi nila namalayan na nakalapit na pala sa kanila. Umupo ito sa tabi ng kanyang ina at inakbayan ito.

"Si Sabrina ang inaalala ko, 'Ling," sagot naman ng nanay niya sa kanyang ama.

"Sabrina's one tough girl." Siya naman ang nilingon ng ama niya. "Hindi ba, Drew?" Kinindatan siya nito. Napangiti siya at tumango. "Hindi naman siya hahayaan ng anak mo." Lalo pang inilapit ng kanyang ama ang katawan nito sa kanyang ina na puno pa rin ng pag-aalala. He sighed, how he loves his family. He wants to have this kind of family in the future no matter who he ends up with.

Her Own Happy EndingWhere stories live. Discover now