"Dapat ay nakuntento ka na lang sa pagtatanim, Telmarin. Hindi bagay sa inyong angkan ang pagpapanggap na kaya ninyong manggamot tulad ng mga Vidrumi," anas nito. Nilapitan ng isang kawal ang matanda at agad na ginapos ang kamay nito bago lumapit sa akin ang punong kawal.

"Bitawan ninyo siya!"

Hindi ako pinansin ng kawal. Bagkus ay hinila niya ang aking braso at sapilitan akong pinatayo. Sa bilis ng galaw ay muntikan pa akong bumagsak kung hindi lamang sa mariin nitong pagkakahawak sa akin.

"Sasama kayong dalawa sa amin," pinal na sabi ng punong kawal. Marahas na itinulak ng mga kawal ang matanda habang hinihila kami palabas.

Sumakay agad ang punong kawal sa kanyang kabayo bago hinawakan ang dulo ng gapos namin ng matanda. Mabilis na naglinya ang iba pang kawal sa magkabilang gilid namin para barikadahan kami ng matandang Telmar.

"Sa palasyo ng hari," anunsyo ng punong kawal. Napasinghap ako mula sa narinig. A-anong gagawin namin sa palasyo?

Hindi ko na nagawa pang magtanong noong hinila na ng punong kawal ang aming gapos para makapaglakad na kami. Sa sobrang panghihina ay naging mabuway ang aking hakbang.

Anong nagawa naming kasalanan para tratuhin kami na parang mga kriminal? At agad ay idederetsyo kami sa palasyo ng hari? Para saan?

Bumagsak ang aking tuhod mula sa sobrang panghihina. Ang mga preskong sugat sa aking braso at binti ay muling nagdugo mula sa aking pagkakadapa. Naramdaman ko ang kamay ng mga kawal sa aking gilid na pilit akong itinatayo.

"Mahina pa ang binibini. Hindi ba pwedeng sumakay man lang siya sa inyong kabayo?" untag ng matanda habang sinusubukang lumapit sa akin. Nilingon lamang ako ng punong kawal bago ako hinila ng iba pa niyang sundalo para makatayo.

"Sa palasyo, madali," aniya. Itinulak ako ng mga kawal para makapaglakad ng muli. Ang kirot mula sa mga nagbukas kong sugat ay mas lalo lamang nakapagpahina sa akin.

Higit dalawang oras rin bago namin narating ang bukana ng Briaria. Noong makapasok kami sa lungsod ay nakuha agad namin ang atensyon ng marami sa mga mamamayan. Ilang bulong bulungan ang narinig ko habang nakatingin sila sab akas ng Rornos sa aking balat.

"Hindi ba't isa siyang Klintar? Akala ko ba ay hindi nakukuha ng mga maharlika ang Rornos?"

"Nakakadiri. Mababang uri talaga ang mga Klintar kaya kabilang sila sa pinarurusahan ng Dyosa."

"Ito na ang sumpa ng Dyosa dahil sa lahat ng kasamaan ng mga Klintar."

Nilingon ko ang mga babaeng pinagbubulungan ako. Sinalubong nila ang aking tingin bago napailing habang nandidiring tumititig sa akin. Napakabigat para sa aking dibdib na hinihusgahan ako ngayon dahil lang sa angkan ko. Hindi nila ako kilala. Hindi nila alam kung gaano kabait ang aking pamilya. Ang tanging alam lang nila ay ang pagiging Klintar ko, at wari ba'y parang sapat na ang katotohanang iyon para ipako nila ako sa kasamaan.

Nakita ko ang matandang Telmar na nakatingin sa akin. Alam kong narinig rin niya ang mga binibini ngunit nanatiling blanko ang kanyang ekspresyon. Hanggang sa makapasok kami sa palasyo ng hari ay wala akong natanggap mula sa kaniya kahit na isang salita.

Dinala kami sa bulwagan ng mga Vaurian. Sa gitna ay naroon ang trono ng hari at reyna. Sa magkabilang gilid ng bawat upuan ng mga pinunong iyon ay may estatwa ng leon na may sakay na arkanghel. Kulay pula ang bawat trono na napapalamutian ng asul at puting puntas.

Nagtama ang paningin namin ng Haring Armeo, ama ni Elric at Amreit. Ang malamig nitong berdeng mata. Nakasalumbaba siya at hinihintay ang pagluhod namin ng Telmar sa kanyang harapan.

The Prince's FianceeTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang