26. Ang Supot ng Ginintuang Pulbos at ang Balahibo

Start from the beginning
                                    

Masyadong manipis ang supot at naaninag niya ang nilalaman nitong ginintuang pulbos, na sa bawat paggalaw ay kumikintab sa bawat sinag ng liwanag. Hindi na niya kailangan pang hulaan na yari ito sa isang uri ng halamang-dagat. Sa kabila nang maraming pagsusuring ginawa ng mga pantas rito, ay walang kahit na anong tupi o gasgas siyang napansin mula rito. Malasutla ito sa pakiramdam at ang hinabing taling nakabigkis rito ay napakanipis na mga sinulid. Hindi! Umiling-iling siya. Hindi sinulid. Mga hibla ng buhok!

Dala-dala ito ng dayo nang siya ang kanilang unang madakip. Hindi siya ang unang humawak sa naturang supot kung kaya't noon lamang niya ito nasuri sa malapitan. Hindi lingid sa kanyang kaalamang bihasa ang mga engkantong-tubig sa paghabi, subali't noon lamang niya nahinuhang higit pa silang magaling sa larangang ito.

At ang ginintuang pulbos? Hindi niya maipagpalagay kung papaanong nakagawa sila ng ganoon kakintab na pulbos, gayong imposible itong mangyari sa ilalim ng tubig. Hindi. Maaaring nakuha nila ito sa ibang paraan. O mayroon silang sinuhulan upang gawin ito para sa kanila. Hindi ito karaniwang pulbos lamang. Ginawa ito sa pamamagitan ng kakaibang salamangka.

Hindi niya tinangkang buksan ang supot upang suriing maigi ang pulbos. Sa halip ay hinigpitan pa niya ang pagkakatali rito. Sana lamang ay walang mangyari sa kanya dahil sa nalanghap na langsa ng supot.

Isinukbit niya ito sa sinturong-balat na nakapulupot sa kanyang baywang at tinungo ang lagusan palabas ng silid. Panahon na marahil na dalawin niya ang nag-iisang nilalang na maaari pa niyang lapitan. At matatagpuan niya ito sa ipinagkalunong bahagi ng kaharian.

--------

Hinigpitan ni DJ ang pagkakahawak sa maliit na zipper ng bag at hinila ito pasara. Punung-puno ito ng lamang mga damit: tatlong t-shirt, tatlong board shorts, apat na sando, dalawang pares ng rash guard, extra undies at dalawang malalapad na tuwalya; kasama na pati ang mga toiletry na kanyang ginagamit. Ipinagsiksikan niya ang lumalabas na tuwalyang nasa ibabaw at muling hinila ang zipper nguni't nanlalaban ito sa kanyang puwersa. Maliit lamang kasi ang sling bag na kanyang napiling dalhin para sa sasamahang outing ng mga panauhin kung kaya't ipinagpilitan niya itong pagkasyahin sa loob ng bag kahit na kung tutuusin ay hindi naman niya magagamit ang lahat ng mga ito.

Puwersahan niyang diniinan ang hindi magkasyang tuwalya subali't hindi ito natinag. Napakuyom siya ng kamao sa gigil at sa kanyang pagkainis ay hinablot niya ito upang tanggalin na lamang. Kailangan niya itong iwan sapagka't hindi na talaga ito magkasya sa loob. Sapat na marahil ang isang tuwalya para sa kanya. Noon lamang niya naisarang maigi ang dadalhing bag.

Huminga siya nang malalim at napasipol pa nang magpahid ng noo. Isinukbit niya ito sa kanyang balikat at napangiwi sa bigat nito nang kunin ang shades na nakapatong sa kanyang bedside table. Akmang isusuot na sana niya ito nang matigilan dahil sa narinig.

"Hindi! Ayokong sumama!"

Tinig iyon ni Marietta at mukhang galit ito.

Mabilis siyang lumapit sa bintana at natanaw ang kasambahay na akmang paalis na mula sa silid nina Arabella at ng tiyahin nito. Bitbit nito ang laundry basket na nag-uumapaw sa mga labahing damit. Hindi lamang ito makalakad palayo dahil sa pinipigilan ito nang nakapatong na kamay ng matangkad na ginang. Agad niyang itinabing ang kurtina upang magtago.

"Pakiusap, Mayumi," pabulong na makaawa ng ginang; halos hindi na niya marinig ang boses nito sa sobrang hina. Kinailangan pa niyang dumungaw nang kaunti, habang nakatabing ang kurtina nang hindi nila nakikita. "May malaking panganib na darating at kailangan ka namin sa aming hanay," patuloy ng ginang. Wala ang nag-uumapaw na lakas ng loob sa tinig nito, na siyang unang impresyon niya rito at sa halip ay kakikitaan nang masidhing pag-aalala ang mukha nitong maganda.

Sa pagbanggit nito ng pangalan ay nangunot ang kanyang noo. Mayumi? Tinawag niyang Mayumi si Marietta! Bakit niya ito tatawagin sa ganoong pangalan?

Nakita niyang nabakasan nang dagling takot ang mukha ng kasambahay. Nagpalinga-linga ito sa paligid at mahahalata ang pangamba nito na baka-sakali ay may nakarinig sa kanila. "Huwag mo akong tatawagin sa pangalang iyan," anito sa mahina nguni't nagbabantang himig. "Matagal na akong nagbago. Matagal ko nang pinutol ang kung ano mang ugnayan ko sa inyo. Baka nakalilimutan mo? Hindi ba't naroon ka rin sa paglilitis? Hindi ko na suliranin ang kung anumang delubyo ang paparating sa inyo ngayon. Malaya na ako. Malaya at masaya at ginagawa ang lahat nang ibig kong naisin." Sa isang kibit-balikat nito ay tuluyang bumitaw ang ginang sa kanyang balikat.

"Subali't hindi ka nabibilang rito, batid mo iyan! Bakit ka ba nagtitiis rito at nagsisilbi sa mga..."

"Sa mga ano? Sa mga tao? Mga mortal sa inyong paningin?" hamon niya rito.

"Hindi mo basta-basta mapuputol ang ugnayan mo sa tunay mong katauhan, Mayumi. Sapagka't hindi ka karaniwan nilalang lamang," pagpapatuloy ng ginang na para bang hindi pinutol ng kasambahay ang pangungusap nito. "Mayroon kang napakahalagang tungkuling dapat gampanan."

"Nabibilang ako sa kung saan ko man naisin," mariing sabi ni Marietta. "At huwag mong kalilimutang kayo mismo ang nagtanggal ng tungkuling iyon sa akin. Tinatanaw kong utang na loob iyon sa inyo, nguni't hindi ko mapagbibigyan ang nais mong mangyari."

"Sa amin ka nararapat na mapabilang, Mayumi. Kami ang totoo mong mga kasama at hindi sila." Kumumpas ng kamay ang ginang at sa pakiwari niya ay silang mga tao, mortal, ang tinutukoy nito. "Ang anumang nangyari noon ay isa lamang pagkakamali na handa kaming itama. Tatanggapin ka naming muli, makakaasa ka. Bumalik ka lamang sa amin."

Umiling ang kasambahay. "Nagkakamali ka, Ysabelle. Ang anumang nangyari noon ay isang aral na hindi na mauulit pa at hinding-hindi ko pinagsisihan. Ang nararapat ninyong gawin ngayon ay ang tanggapin na ako ay isa nang malayang nilalang na hindi na pasasailalim sa inyong kapangyarihan." Humakbang na si Marietta palayo. "Masaya na ako ngayon sa piling ng mga taong itinuturing kong... pamilya."

"Sandali, pakiusap," awat ng tiyahin ni Arabella, bago pa makalayo ang kasambahay.

Nagbitaw nang isang malalim na buntong hininga si Marietta at napilitang lumingon. "May kailangan pa ho ba kayo?" sabi nito, nanumbalik na sa pormal at pagiging magalang ang tinig nito, na wari bang walang kumprontasyong nangyari.

Nag-ayos ng sarili ang ginang. Muli nitong isinuot ang maskarang lagi nitong pinapakita tuwing kaharap sila. Mula sa bulsa ng bestidang berde at dilaw na suot nito ay dinukot nito ang isang maputing bagay at ibinigay ito sa kasambahay. Nagdadalawang-isip na tinanggap ni Marietta ang inalok sa kanya.

"Batid kong hindi mo pa kami tuluyang kinalilimutan. Hinding-hindi mo matatakasan kung sino kang talaga... Marietta. Magbabalik ka rin sa amin, natitiyak ko." Pagkatapos niyon ay pinagsarhan na nito ng pinto ang kasambahay.

Natuod sa kinatatayuan si Marietta. Hindi man ito nakaharap sa kanya ay alam niyang nilukob ng lungkot at pagkalito ang pagkatao nito. Magkakilala ba ang dalawa? Nagkaroon ba ng alitan sa pagitan nilang dalawa noon? Marahil iyon ang dahilan kung bakit simula pa lamang ay tila iniiwasan at mapait na ang pakikisama ng kasambahay magbuhat nang dumating ang mga panauhin sa resort. Hindi naman ganoon ang pakikitungo nito sa nagdaang mga panauhin. At ano ang ibig sabihin ng tiyahin ni Arabella nang tinuran nitong hindi pangkaraniwang nilalang si Marietta?

Hindi niya lubos maintindihan kung ano ang nasaksihan sa pagitan ng kasambahay at ng panauhin, subali't tumatak sa kanyang isipan na itatanong niya ito kay Marietta sa tamang pagkakataon. May kung anong kutob rin na namuo sa likod ng kanyang isipan at hindi niya ito nagugustuhan. Malalaman rin niya ito sa huli.

Binalik niya ang tingin sa nanatiling nakatayong kasambahay. Nanginging ito sa tahimik na pag-iyak. Matapos ang ilang saglit ay nagpahid ito nang nakukubling mga luha at matapos humikbi nang ilang ulit ay iniangat nito sa kalangitan ang ibinigay ng ginang.

Kasing puti ito ng mga ulap at tila kasing gaan rin. Sumayaw-sayaw pa ito sa marahang gapyo ng hanging dumaan lamang habang hawak-hawak ng kasambahay.

Yumuko pa siya lalo sa bintana at nagsalubong ang mga kilay sa natanaw na tangan-tangan ni Marietta. Isa itong kuwentas, subali't kakaiba ang palawit nito. Isa itong... balahibo!

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Where stories live. Discover now