Alam ko ang katotohanang iyon, ama. Kung maari mo lamang akong ipapatay ngayon para makoronahan si Elric ay gagawin mo. Ngunit sana'y maisip mo ring wala akong intensyon na palitan ka. Mas nanaisin ko pang maging alipin mo at kilalaning iyong anak kaysa maging isang hari pero tatratuhin mo namang kalaban.

"Nakalimutan kong sabihin sa iyo, ngunit nag ulat ang mga Vidrumi na nakatalaga sa ospital ng Apranya. May Rornos si Klintar Amelia," walang emosyong sabi ng aking ama. Nahigit ko ang aking hininga at hindi agad nakapagsalita.

Kaya ba nagmamadaling umalis si Elric kagabi at hanggang ngayon ay hindi pa rin nakababalik? Kung ganoon, nasa puder ba siya ni Amelia?

"Ama, umalis si Elric kagabi patungong Apranya. Hanggang ngayon ay hindi pa siya nagbabalik sa palasyo." Anas ko. Nawalan ng kulay ang mukha ng hari habang tinititigan ako.

"Pinuntahan niya ang binibini?"

Yumuko ako sabay ng pagtango.

Walang lakas na napaupong muli ang hari. Markado ang bawat linya ng kanyang mukha ng pag aalala para sa aking kapatid.

Ilang sandali lamang ay gumalaw ang aking ama. Kinuha niya ang opisyal na pangtatak ng hari at agad na nagsulat ng proklamasyon. Noong matapos siya ay nilagdaan niya iyon at agad na ipinasa sa akin.

"Vaurian Amreit, makinig ka. Magtungo ka sa Apranya sampu ng hukbo ng pinakamagagaling nating mga sundalo. Ipasara ninyo ang buong lupain ng mga Kleona at patayin ang lahat ng naroon, Destal man o Klintar. Wala kayong ititirang buhay," panukala niya. Binuksan ko ang kanyang kasulatan at nabasa roon ang kautusan ng aking amang hari.

"Ama, naroon si Elric---"

"At ibabalik mo siya rito ng buhay, malayo sa binibining lumalason sa kanyang isipan. Ikaw lamang ang may kakayahang makatalo sa iyong kapatid. SIgurado akong ipagtatanggol niya ang mga Klintar kaya ikaw lamang ang makakalaban sa kanya. Wala akong tiwala sa kahit na sinong Klintar, Amreit. At mas lalo akong walang tiwala sa isang Vaurian na umiibig."

Inalis ng aking ama ang kanyang salamin sa mata bago malungkot na tumitig sa kawalan. Napako roon ang kanyang tingin at bumuntong hininga.

"Pinaniniwalaan ng marami na kaya ang angkan natin ang namumuno sa Setrelle dahil wala tayong kahinaan. Hindi tayo sakim tulad ng mga Klintar, mayabang katulad ng mga Arransar, duwag tulad ng mga Telmar o di naman ay arogante na para bang mga Vidrumi. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay mayroong kahinaan ang ating angkan, Amreit."

Kumuyom ang aking palad at hinintay ang sunod na sasambitin ng aking ama.

"Puso ang tanging kahinaan ng mga Vaurian. Kapag natutong magmahal ang isang Vaurian ay itinataya niya ang lahat ng mayroon siya, maging ang kanyang buhay. Natatakot ako dahil baka ito ang ikabagsak ni Elric. Hindi dahil sa binibining iyon kaya hindi siya magiging hari, hindi ako makapapayag."

"Magtiwala kayo ama, gagawin ko ang lahat para masigurong maibabalik ko si Elric ng ligtas rito sa palasyo," pangako ko sa aking ama. Naging mapayapa ang kanyang mukha kahit papaano sa tinuran ko.

Natumba si Elric habang sapo ang duguan niyang dibdib. May dugo na ring dumadaloy sa puno ng kanyang kaliwang kilay habang nakatitig ng mariin si akin. Tahimik lamang ako at hinihintay ang kanyang pag atake. Ginamit niya ang kanyang espada para alalayan ang sariling makatayo.

Dahan dahan ang aking hakbang habang iniikutan siya. Dumura ng dugo ang aking kapatid at muli akong hinarap.

"Tama na. Bumalik na tayo sa Briaria, Elric," pagsusumamo ko. Pinahid ni Elric ang dugo mula sa kanyang labi at pagak na tumawa. Isang malakas na sigaw ang narinig ko bago siya muling umatake. Mabilis akong nakakilos at napigilan ang talim ng kanyang sandata.

The Prince's FianceeWhere stories live. Discover now