"Kamahalan!" bati sa akin ng isa sa kanilang mga alipin. Bumaba ako sa aking kabayo at nagmamadaling sinalubong iyong matandang Destal na nag-aalalang lumapit sa akin.

"Patawad, ngunit hindi kayo maaring makalapit," nanginginig nitong sabi. Nilingon ko ang bukana ng kanilang tahanan at nakita ang isang matandang Vidrumi, duguan ang kasuotang pangmanggagamot.

Nagimbal ako sa nakita. Inalis ng manggagamot ang kanyang maskara bago inabot iyon sa isa pa niyang kasama. May sinabi siya rito ngunit natigilan noong makita niya akong nakatayo sa gilid. Mabilis lumapit sa akin ang apat nilang kasama habang iyong manggagamot ay nakasunod sa kanilang likuran.

"Kamahalan? A-anong ginagawa ninyo rito?" takang tanong noong mangagagamot. Pinalibutan ako ng apat pa niyang kasama, nagtatangkang paalisin ako.

Lumipat ang aking kamay sa espadang dala. Tinitigan ko ng mariin ang manggagamot bago ako nagsalita.

"Kaninong dugo iyang nasa kasuotan mo, Vidrumi?" malamig kong tanong. Napalunok ang manggagamot bago sinubukang burahin ang dugo. Kumalat iyon at mas lalong nagmantsa, tanda na bago pa lamang iyong nailagay sa puti niyang damit.

"S-sa isang Destal na alipin, k-kamahalan..."sagot nito. Umigting ang aking panga at sa isang iglap ay iniumang ko ang patalim ng aking espada sa kanyang lalamunan. Pumitik ang ilalim ng aking mata, tanda na ang kakaunti kong pasensya ay malapit nang maubos.

"Uulitin ko ang aking katanungan, manggagamot, kaninong dugo ang nasa iyong kasuotan?" anas ko. Idiniin ko ang aking patalim sa kanyang balat. Isang maliit na patak ng dugo ang tumagas mula sa sugat nito.

Naramdaman ko ang paggalaw ng kaniyang mga kasama sa aking gilid. Hinila ko sa aking gilid ang isa ko pang punyal at itinutok sa kanila iyon.

"Ginoo, ayaw kong dungisan ng dugo ang lupain ng aking binibini. Ngunit hindi ko mapipigilan ang aking punyal na kitilin ang inyong buhay kong mananatili kayong pipi sa aking katanungan," banta ko. Nagtinginan ang mga ito bago suminghap ang mangaggamot.

"P-patawad kamahalan. Kahit bawian pa ninyo ako ng buhay---"

Hindi ko pinatapos ang sinasabi ng manggagamot. Umigkas ang aking kamao at tumama iyon sa kanyang panga. Humawak sa akin iyong isa pang ginoo ngunit naging mabilis ang aking galaw. Pinatama ko ang siko ko sa sikmura nito at kasama siyang bumagsak ng mangaggamot.

Inapakan ko ang dibdib ng mangagamot bago muling tinutok sa kanya ang aking espada. Iniumang ko naman ang punyal sa kanyang mga kasama habang isa isa silang tinitigan.

"Huling pagkakataon! Bilang isang Vaurian, sagutin ninyo ako! Sino ang may karamdaman at kaninong dugo ang nasa kasuotan ng Vidruming ito?!" malakas ang boses kong pagkakasabi. Nagtinginan ang tatlong natitirang nakatayo bago ko narinig ang isang boses.

"Sa aking anak, kamahalan," anas ng boses sa aking likuran. Marahas ang naging pagharap ko sa Madam noong marinig ko ang kanyang tinuran.

"Kasinungalingan. Maayos pa ang lagay niya noong naghiwalay kami sa Briaria..." bulong ko. Nabitiwan ko ang aking espada at nanlambot. Lumapit sa akin ang Madam at iniabot ang isang maskara.

"Hindi nanaisin ng aking anak na pati ang kanyang prinsipe ay mahawa sa kanyang karamdaman," mahinhing anas ni Alena Kleona. Tinitigan ko lamang ang maskara bago umiling.

"Aanhin ko iyan, Madam? Hindi ako natatakot."

"Ngunit kamahalan..." pag angal niya. Umiling lamang ako at tuluyang umupo sa damuhan. Mabilis na tumayo iyong mangagamot at ang isa niyang bumagsak na kasama bago lumuhod sa aking tabi.

"K-kamahalan, nakikiusap kami. Hindi mo maaring lapitan ang binibini dahil maari ka ring mahawa," atungal nito. Hindi ko siya pinakinggan. Tumayo ako at nilampasan ang ginang bago pumasok sa kanilang tahanan.

The Prince's FianceeWhere stories live. Discover now