Huwag kang mag alala. Ako ang magiging suporta mo sa lahat ng iyong pagdaraanan. Elric, tanggap ko ng wala na akong magagawa para iligtas ang aking sarili, pero ikaw...ikaw ang magliligtas sa buong Setrelle. Kung hindi ko man masasgip ang sarili kong buhay, kung ito talaga ang itinakda ng tadhana, kahit man lang ang matulungan kang maging hari ay magawa ko.

"Amelia?"

Napakurap ako ng marinig ang aking pangalan. Tuwid ng nakatayo ang prinsipe at nag aalala akong tiningnan.

"May dinaramdam ka ba? Ipapatawag ko ang manggagamot---"

"Maayos ako, kamahalan," putol ko sa kanyang sinasabi. Kunot ang kanyang noo at nag aalala ang titig habang pinapanood ang aking ekspresyon.

"Sigurado ka ba? Nakikusap ako, aking binibini. Panatagin mo naman ang iyong Prinsipe," pagmamakaawa niya. Nanlaki ang aking mata at mabilis siyang itinulak.

"Kamahalan! Baka may makarinig sa iyo! Ano ang maari nilang isipan kapag narinig nilang sinasabi mong akin ka---

"Hindi pa ba naging malinaw sa iyo, binibini? Noong sinabi ko sa iyo kanina sa hardin na iyo ako, tunay iyon," agap niya sa aking sinasabi. Niyakap ko ang aking braso bago mabilis na umiling.

"Ngunit kamahalan---"

Hinuli niya ang aking kamay bago may inilagay roong malamig at maliit na bagay. Hindi ko matukoy kung ano iyon dahil sa dilim. Mabilis na ikinuyom ni Elric ang aking palad at hinila ako palapit sa kanya.

"Labing pitong taon na ang nakalilipas noong nagkaroon ako ng pangarap, Binibini. Nangarap akong itutuwid lahat ng baluktot sa Setrelle kapag ako ang naluklok na hari. Noon ay pinapangarap ko lamang iyon ng mag isa ngunit ngayon, magmula ng makilala kita...mas naging malinaw sa akin ang lahat."

Pinuno niya ng hangin ang kanyang dibdib bago sinapo ang aking magkabilang pisngi.

"Sa unang pagkakataon hindi na ako tunay na mag isa. Dahil dumating ka, at ipinakita mo sa akin na kaya kong tuparin ang aking pangarap. Na kapag ikaw ang aking reyna, maitataguyod natin ang Setrelle bilang isang matuwid na bansa," aniya. Umiling ako at sinubukan siyang itulak.

"Bukas ay kakausapin ka at ang iyong ama ng aking Inang Reyna para sa alok na kasal. Ipinagdarasal ko sa Dyosa na sana'y tanggapin mo ang aking pangalan, binibini. Nawa'y ikaw ang aking maging prinsesa," pagpapatuloy niya. Binitiwan na niya ako at humakbang patalikod.

Yumuko siya at inilagay ang takas na buhok sa likod ng aking tenga.

"Ikaw ang aking Dyosa, at ang nag iisang babaeng nais kong aking maging reyna," sabi niya sabay hila sa aking kamay. Mabilis na dumampi ang kanyang labi sa likod ng aking palad bago niya hinila ang baging para makababa.

"Pag isipan mo, Klintar Amelia," aniya at tuluyan ng bumaba. Naiwan naman ako sa terasa, ramdam pa rin ang init ng labi ng prinsipe sa aking palad.

Noong wala na siya sa aking paningin ay doon ko binuksan ang aking palad. Sa ginta noon ay nakita ko ang isang gintong singsing na may kulay lila at asul na dyamante sa gitna. Hindi ko napigilan ang mapait na ngiti habang tinitingnan ang pagkinang ng mga bato sa ilalim ng buwan, mga batong sumisimbolo sa kulay ng aking mata at ng sa prinsipe.

Tunay ngang ipinatawag kami ng aking ama sa bulwagan ng reyna noong nag umaga na. Naging abala ang mga Destal na nagbibihis sa akin para maging presentable ako kapag hinarap ko na ang reyna.

Mas naging maayos ang pagkakatirintas ng aking pulang buhok. Mas mahigpit rin ang pagkakabigkis sa aking beywang. Ang damit na ipinasuot sa akin ay mas mahal ng sampung beses kumpara sa mga damit na ginagamit ko sa aming mansyon.

The Prince's FianceeWhere stories live. Discover now