'Naibigay na ang mga unan, binibini. Ipinaabot ng mga Destal ang kanilang pasasalamat.

Matulog ka ng mahimbing. Bukas ay magkikita tayong muli.'

Nang mabasa ko iyon ay mabilis lumipad palayo ang kwago patungo sa madilim na gabi, papunta sa direksyon ng palasyo. Hidi ko alam kung bakit pero napapangiti ako habang naiisip ko na nasa mga kawawang Destal na ang mga unan at pagkain na binili ko kanina.

Kakabigay lang kaya ng prinsipe sa kanila? Ano kayang sinabi ni Elric sa mga Destal? Nakausap kaya niya ang batang babae na nakita ko kanina?

Binasa kong muli ang sulat at hindi ko napigilan na ilapit iyon sa aking ilong. Ang pamilyar na amoy ng Prinsipe. Hinaplos ko ang mararahas na linya ng kanyang sulat kamay at di na napigilang mapangiti.

Napailing na lamang ako at inilagay sa ilalim ng aking unan ang sulat. Maya maya lang ay pinatay ko na ang ilaw sa tabi ng aking higaan para makatulog na.

Maaga kaming nagising kinabukasan. Naging abala ang buong sambahayan habang naghahanda ako at ang aking mga magulang patungo sa palasyo.

"Naku, binibini, ito ang isuot ninyo. Uso ngayon ito sa kapital," anas ng aking personal na katulong na si Dahlia. Itinaas niya ang kulay puti at lilang damit na umaabot hanggang sa aking tuhod.

"Bagay na bagay sa iyong mata ang damit na iyan, Amelia," sabat ng aking Mama. Sumandal siya sa pintuan habang may hawak na isang maliit na kahon. Tuwang tuwa akong lumapit sa kanya at agad na yumakap sa kanyang beywang.

"Mama! Tulungan po ninyo akong mag ayos ng buhok," napapangiti kong sabi. Hinaplos ni Mama ang aking pisngi at agad na lumapit sa aking tukador.

Umupo ako sa harap ng salamin habang sinusuklayan niya ako. Mabilis at elegante ang nagging paggalaw ng daliri ni Mama sa aking pulang buhok habang iniikot niya iyon. Tatlong pares ng maninipis na tirintas ang ginawa niya sa likod ng aking ulo habang iyong natirang buhok ay hinayaan niyang malaglag. Inayos ni Mama ang natural na kulot na dulo ng aking buhok bago siya naglagay ng kaunting hibla sa aking balikat.

"Hindi ko talaga kayang maniwalang si Isabella Vega ang pinakamagandang babae dito sa Setrelle. Binibini, hindi ka pa kasi nila nakikita," anas ni Dahlia habang napapanguso. Natigilan ako habang si Mama ay natatawang inaayos ang mga ligaw na hibla.

"Maganda naman ang Binibining Vega," sagot ko. Ngumuso si Dahlia at agad na umupo sa aking kama. Hinuli niya ang aking kamay at mariin iyong pinisil.

"Pero mas maganda ang binibini ng mga Kleona. Sana'y maniwala ka sa akin, binibini, dahil hindi ko sinasabi ito dahil lang sa katulong mo ako. Napakaganda mo, lalong lalo na ang mga mata mo. Manang mana sa madam," sagot niya sabay sulyap sa aking Mama na tahimik na nakikinig sa aming dalawa. Nagtama ang tingin naming ni Mama, ang aming parehong lilang mata,

"Pero ayaw kong maging pinakamaganda lang ang aking anak, Dahlia. Mas maraming bagay sa mundo na mas mahalaga sa panlabas na ganda. At alam kong alam mo iyon, hindi ba, Amelia?" masuyong sabi ni Mama. Mabilis akong tumango at nilingon si Mama.

Sumenyas ang aking ina para sa damit na inihanda ni Dahlia. Nauna na ang aming kasambahay sa banyo para ihanda ang aking iba pang gamit noong tinawag ako ng aking ina. Inabot niya ang dala niyang kahon sa akin.

"Buksan mo, anak," aniya. Inangat ko ang takip ng kahon at tumambad ang isang gintong kwintas. Sa pinakagitna nito ay may lilang baton a hugis rosas.

"Ipinagawa ng Papa mo iyan noong araw na malaman niyang babae ang ipinagbubuntis ko. Balak ko sanang ibigay iyan sa araw ng kasal mo pero nagbago ang aking isipan. Mas pinili kong ibigay ito sa iyo ngayon dahil alam kong ito ang unang pagkakataon mo sa palasyo, hindi ba?"

The Prince's FianceeWhere stories live. Discover now