"Pokpok si X?" Nasambit ko iyon nang malakas dahil sa pagkabigla ko.


"Anong sabi mo? Anong pokpok si X?" Hinila ni Maricel ang buhok ko.


"Ha?" Tiningnan ko siya. "W-wala... hindi siya pokpok!"


Nagtataka ang mga titig niya sa akin, pero saglit lang ay napangisi na siya. "Dito ba nakatingin si X?"


Nang tumingin ako sa tapat ng simbahan ay muntik na ulit akong mamilipit ng makitang tila dito nga sa amin nakatingin si X. Wagi ang pokpok shorts—este, pekpek shorts!


"Parang dito nga! Nakatingin siya sa atin!" Umabante ng isang hakbang si Maricel at pinagbuti ang pagmamasid. "Problema non? Bat parang galit?"


Galit? Bat siya magagalit?


Tiningnan ko rin si X. Kahit malayo siya sa amin ay kitang-kita ko ang seryoso niyang mukha. Normal niya na siguro talagang reaksyon iyan. Hindi naman siguro siya galit.


"Baka nagalit sa itsura ng legs mo? Para kasing kahoy, e."


"Kesa naman sa'yo, maraming piso!"


"Pero bat nga ba nakatambay na naman siya dito? Wala naman si Osang, ah? Si Osang lang naman ang trip niyang bantayan sa ganitong oras. Bat nandito siya? Wag niya sabihing ikaw na ang type niya? Aba, hindi kayo bagay, ang pangit mo, Purita!"


"Pwede ba? Wag mo akong laitin dahil magkahulma ang mukha natin! Kung pangit ako, pangit ka rin. Saka malay mo naman, baka ikaw ang binabantayan niya. Pinababantayan ka ni Berting, baka kasi manlalaki ka raw." Boyfriend ni Maricel si Berting na tropa ni X.


"Oy, oy! Breyk na kami ni Berting, 'no! Hihintayin ko na lang lumaki ang kapatid ni Osang na si Monmon, mas pogi iyon. Tule na iyon. Tatangkad na iyon. Konting paghihintay na lang!" Tukoy niya sa kapatid kuno ni Osang. Iyong batang lalaki na inari ng kapatid ng kaibigan namin.


Natawa ako. "Gaga ka talaga! Ambata pa non!"


"Pero mas pogi iyon pag lumaki! Aba, tangos ng ilong pa lang, sigurado na agad ako sa magandang lahi!"


"Kung sa kanya magmamana ang lahi niyo? E paano kung sa 'yo? E di kulay uling ang mga anak niyo!"


Inirapan niya ako. "Black is byutipol!"


"Magtinda na nga lang tayo ng sampaguita!" Hinila ko siya sa braso, lilipat na kami ng pwesto. Hindi ko na rin kasi kaya ang intensidad ng mga titig ni X.


Pero hindi nagpahatak si Maricel. "Ay, hindi na pala ako magtatagal,"


"Bakit? May malubhang sakit ka?"


"Sira!" Humalakhak siya. "Sasamahan ko pa pala kasi si Osang sa ospital. Nandon iyong kapatid niya, na magiging future jowa ko, e."

His Bad WaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon