Chapter 1 - The Visit

4.2K 60 0
                                    

Tinanggal niya ang face mask na sumasakop sa kanyang ilong at bibig. Safe ang hangin sa lugar na iyon.

"Ikaw na si Rose Anne? Dalaga ka na, Hija!"

Hindi makapaniwala ang maliit na babaeng sumalubong sa kanya. Sa wari niya, nasa late fifties ang edad nito. Maluwang na T-shirt ang pang-itaas nito samantalang tila napaka-conservative sa mahabang palda. Nakapusod ang puting buhok nito at napailing na lang siya nang tangkain nitong kunin ang backpack niya.

"Huwag na po." Napansin niya ang medyo nakakubang likod ng kausap. "Medyo mabigat po... ako na po ang magdadala."

"Ako ng pala si Aling Sonya. Ewan ko kung naalaala mo pa ako. Maliit ka pa lang nang umalis kayo rito ng kuya mo."

Pamilyar kay Rose ang mukha ng babae. Bata-bata pa ito ay empleyado na ito ng Grandia Resort. Kasamahin na ng Tita Toria niya. Nakangiting itinango niya ang ulo sa kausap.

"Nasa resort si Victoria," anito. "May konting problema. Tatawagin ko lang siya. Ikaw ay pumasok na." Sinipat nito ang relong pambisig. "Alas onse na. Tamang-tamang kakain na tayo pagbalik ko."

Tinunghayan niya ang bahay, sa di kalayuan. Ancestral house iyon ng pamilya; dalawang palapag, yari sa bato at bagama't may kalumaan na, malaki pa rin ito sa pagkaalaala niya. Six years old siya nang lisanin nila ang lugar kasama ang kuya niya para manirahan sa Maynila.

"Pabayaan mo lang po si Tita. Ako po'y mamamasyal lang -"

"Gusto mong mag-swimming?"

"Naku, hindi po ako marunong lumangoy." Tinalikuran na ni Rose ang babae bago pa siya nito piliting tumigil muna sa bahay.

Sa totoo lang, hindi siya sigurado kung magandang ideya na makita siya ng tiyahin. Hundred percent na pagagalitan siya nito at pwedeng ipagtabuyan. Mas makabubuti na sumakay na lang uli siya ng traysikel pabayan at magpahatid sa estasyon ng Maynila. Pero paano naman ang pakay niya?

Konting katapangan, Rose Anne! sabi niya sa sarili at binaybay ang mapunong bahagi ng lupaing pag-aari ng angkan.

Umuwi siya sa Paraiso, Quezon para kausapin ang kapatid ng nasirang ama. Narinig niya na binabalak nitong ipagbili ang Grandia Resort at tutol siya. May karapatan din siya dahil isa siya nakapangalan sa titulo.

"What the Ef... There's no water!"

"This is insane. I want my money back!"

May ilang minuto rin siyang naglakad bago niya marinig ang mga nag-uusap mula sa direksyon ng ilog. Mga bisita at tila nagrereklamo. Pasan ang backpack ay naintriga siyang lumabas mula sa kakahuyan para sa ilog. Napamaang siya. Napakababaw ng tubig sa ilog na dapat sana'y lampas tao na. Kitang-kita ang mga malalaking bato nito sa ilalim.

"What happened here?"

Dalawang Amerikano ang nabungaran niya sa gilid ng ilog. Kapwa naka-rash guard ang mga ito. Tila magkasintahan ang dalawa. Ang babae ang tinanong ni Rose pero ang partner nito ang sumagot.

"They said it was 'sabotage'. There was an explosion earlier. But hey, sweetie... Why are you alone?"

Obvious na gusto pang mag-flirt ng turistang lalaki sa kanya, hinila na ito paalis ng kasama na umirap pa sa kanya.

Hindi katangkaran o kaseksihan si Rose. Maigsing female barber's cut din ang buhok niya pero may hitsura siya. Pinakang-best asset daw niya ay ang matangos na ilong at mata niyang mapupungay na animo'y laging nag-aantok.

No time for love life, gusto niya sanang sabihin sa Amerikana; napakibit-balikat lang siya. ... too many issues to resolve. Hika ko na nga issue na. Love life pa kaya?

May tatlong ektarya ang kanilang lupain sa Paraiso, Quezon. Kinapapalooban ito ng resort, gubat at ilog na sinusuplayan ng Imelda falls. Dumulo pa si Rose hanggang sa matanaw niya ang konkretong bakod na nagsisilbing hangganan ng resort. Dinama ang katahimikan at kaaya-ayang klima ng lugar. Tipong tamang lamig, tamang init lamang; atmosperang hinanap-hanap niya sa lungsod.

Dalawang lalaki ang namataan niya sa kabila ng bakod. Ang isa ay nakapukaw sa kanya ng pansin. Matangkad kasi ito at may matipunong pangangatawan. Bagama't ang pamahalaan na ng Paraiso, Quezon ang may-ari ng kabilang bahagi, delikado sa parteng iyon. Dapat ay may life guard na nakabantay sa dead end ng resort, pero wala siyang nakita. Saktong sisigawan niya ang dalawa para sitahin may kung anong tumisod sa kanya.

Isang pocketbook? Wala na ang mga lalaki nang mag-angat siya ng mga paningin. Itinuon na lang niya ang atensyon sa napulot. Marumi ang libro - isang romance novel. Nagdikitan na ang mga pahina nito sa mga natuyong tubig at putik. Mahilig siyang magbasa. Pero hindi tipong 'romance' ang trip niya. Imposible na ring pakinabangan ang napulot.

Isang imahe ng guwapong sundalo ang nasa cover nito at may sumurot sa puso niya.

"My Yummy Soldier," sambit niya sa pagkabasa sa title ng libro. Napangiwi siya. Malinaw na romance na walang katorya-torya ang istorya nito. Taliwas sa literal na soldier ng Kuya Jamie niya.

Ipinatong niya ang libro sa batuhan at mula sa back pocket ng jeans, kinuha niya ang alaala ng nag-iisang kapatid na iniwan na rin siya. Laruan itong sundalo na kulay green. Maliit lang ang pigura, kalahating pulgada. Lucky charm niya ang laruan kaya lagi niyang dala.

Labinlimang taong gulang ang Kuya Jaime niya nang mamatay sa cancer. At gusto pa naman nitong maging isang sundalo. Napabuntong-hininga na lang siya sa gunita at muling ibinalik ang laruan sa bulsa.

Pinag-iisipan na ni Rose na tumawid sa bakod, napansin niya ang sulat-kamay na mensahe sa inner book cover ng libro: 'Courage my dear from DC'.

Naantig siya sa nakasulat. Nag-alangan siya kung bibitbitin ang napulot; pero sa huli'y iniwan din niya ang maputik na libro.

May dalawang kilometro pa ang layo ng falls mula sa hangganan. Ang tubig na nagmumula rito ay dumadaloy pababa sa resort habang isang sangay nito ay pumupuno sa isang lawa. Palibhasa'y paakyat sa bundok na kinaroroonan ng Imelda falls, halos maglambitin sa batuhan si Rose para makarating sa itaas na ilog. Sadyang na-curious siya sa kung ano ang ginawa ng mga lalaki roon. May ilang sandali pa siyang naglakad sa ibabaw hanggang sa mapanganga siya sa natuklasan.

"What the -?" Malalaking bato, lupa at piraso ng mga puno ang tumabon sa ilog doon. Kaagad na rumihisto sa kanya ang dahilan kung bakit konting tubig lang ang dumadaloy patungo sa resort nila.

'Explosion'... 'sabotage', tila muli niyang narinig ang pilyong pananalita ng Amerikano. May sumabotahe. May nagpasabog sa bundok kaya nabarahan ang ilog sa ibabaw.

Gusto pang mag-imbestiga ni Rose. Maingat na binaybay niya ang malalaking bato paakyat sa ibabaw. Nagmistulang dam ang ilog sa itaas.

Mas malawak ang parteng iyon ng tubig. Makakapal ang mga lumot sa mga batuhang nakapaligid at lubhang mayayabong ang mga matatayog na puno. Halos hindi na pasukin ng sikat ng araw ang lugar kaya malamig. Masyadong tahimik, walang kuliglig, huni ng ibon o ingay ng palaka -

Nawalan siya ng panimbang sa pwersang tumulak sa kanya!

Paraiso de Maligno (Published by Lifebooks)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon