"Galit ka ba kay Osang?"


Hindi ko sinagot si Maricel.


"Uy, galit ka ba sa kanya?" Siniko niya ako. "Hindi mo siya pinapansin, e. Iniiwasan mo pa siya."


"Pagod lang ako..." mahinang sabi ko. Lumakad na rin ako palayo dahil ayaw ko ng usisain pa ako ni Maricel.


Nakokonsensiya ako dahil mabait naman si Osang. Pero anong magagawa ko? Nasasaktan talaga ako kapag nakikita ko siya.


Kaya ng mag-a-alas sais na ng hapon ay humiwalay na ako sa kanila. Ganitong oras kasi darating si X.


Alam ko na ang schedule ni X. Sa inaraw-araw ay ganoon ang siste niya. Kapag magdidilim na ay darating na siya sa simbahan kung saan kami nagtitinda ng sampaguita. Susulpot siya ron at kunwari ay tatambay, iyon pala ay babantayan si Osang.


O di sila na! Bagay sila! Magsama sila! Basta wag nila akong guguluhin sa buhay ko!


Kung lalayo ako, e di makikita ni X na wala siyang aasahan sa akin kung sakali man na gugustuhin niyang magpalakad. Don siya kay Maricel magpalakad at wag sa akin! Mabuti na lubayan niya na ako bago pa ako tuluyang mahulog sa kanya.


Ang kaso ay hulog na hulog na ako. Ang sakit-sakit.


Dinibdiban ko ang sarili ko. "Letseng pusong 'to, ang harot-harot!"


Hindi pa ubos ang paninda ko pero naglakad na ako pauwi. Bahala ng mapagalitan ako sa bahay dahil bente lang ang kinita ko. Di bale ng mabulyawan ako ng tiyahin ko. Ang importante, hindi sasakit ang puso ko. Pero masakit na. Masakit na masakit na!


Tapos kahit wala naman si X sa harapan ko ay parang nakikita ko siya. Ganito ba talaga ma-in love? Kahit saan makikita mo ang mahal mo?


Iyong naglalakad ka lang tapos biglang akala mo ay nasa harapan mo siya at nakatingin sa'yo—


"Hindi pa ubos iyan, ah?"


Napatingin ako sa hawak kong sampaguita saka ko muling ibinalik ang paningin ko sa kanya. Pormal ang mukha niya habang nakatingin sa akin.


Kumurap ako ng sampung beses. Pero nanakit na ang talukap ko sa pagkurap ay nasa harapan ko pa rin talaga siya.


"Rita..."


"Ha?" Parang kumikiliti sa tainga ko ang pantay at malamig na tono ng boses niya.


Namutla ako. Si X... totoo siya? Hala! Naririto nga si X sa harapan ko!


"Bat uuwi ka na?"


"Ah... a-ano kasi... g-gabi na... H-hinahanap na kasi ako sa—" Hindi ko natapos ang sinasabi ko ng bigla niya akong hinila at kinorner sa pader.

His Bad WaysWhere stories live. Discover now