Dito tayo, sa dalampasigan, noon nagtatawanan,
Dinadama ang isa't isa at sa hapo'y lilisan.
Dama rin ang alon na sa paa'y humahampas ng marahan,
Alon na ating naging inspirasyong harapin ang kinabukasan.
Kapwa natin sinasabi dati na dapat maging matatag,
Mahirap man ay kakayanin ang mga problemang nakalatag,
Kaya gaya ng mga alon tayo'y nagpursige at nagsipag,
Nag-iba lamang ang lahat nang ikaw ay nabitag.
Masaya na sana ang lahat hanggang sa magtapat ka,
Na ikaw ay nahumaling at natukso sa isang dalagita,
Maraming nangyari, mula sa yakap, halik at higit pa,
Napagtanto kong nahampas ka na pala ng alon ng iba.
Gayunpaman, kahit nadudurog, ako'y naging mahinahon,
Muling naalala mga alon ng nakalipas na mga taon,
Nais ka sanang patawarin pagkatapos ng aking tanong,
"Ngayon lang ba ito? O may nangyari pa noon?"
Ang iyong katahimikan, sa akin ay nagbigay-kalinawan,
Sa iyong pagluha, lubos ko ring naintindihan,
Na itong mga alon sa pinagtatagpuang dalampasigan,
Ay mga ala-ala ko na lamang kasama ng iyong paglisan.
