Nagkibit-balikat na lang ako. Nakarating na kami sa parking lot noon. Inaayos na niya ang motorbike niya. Pero napatingin siya ulit sa akin.

            “Do you like Ward?” tanong niya sa akin, out of the blue.

            Hindi agad ako nakapagsalita. How does a girl answer a question like that?

            “Granted na ako nga si Ward, bakit mo ako hahalikan?” pangungulit niya.

            Ano ang sasabihin ko? Na unang kita ko lang kay Ward, gusto ko na siya? Na naiinip ako dahil hindi niya ako nililigawan, na dare nina Karen na halikan ko siya para madaliin siya sa panliligaw sa akin? Babastusin din ba niya ako tulad nang pambabastos niya sa girl sa Starbucks?

            Now I’m beginning to see kung bakit gano’n ang reaksyon ni Edge nung halikan ko siya sa classroom. Dahil nga old-fashioned siya.

            “Uwi na tayo,” yun na lang ang nasabi ko.

            Nakatingin lang siya sa akin. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya.

            “Sakay na,” finally ay sabi niya.

            Umangkas ulit ako sa motorbike niya. Hindi na niya sinabing humawak ako sa bewang niya. Pero nang umandar na, medyo mabilis ang patakbo niya; at kung hindi ako hahawak sa kanya, baka malaglag ako. Wa poise. Kaya instinctively, napahawak ako sa bewan niya.

            “Just give me the directions to your house.”

            At nakarating kami sa tapat ng bahay namin. Bumaba na ako sa motorbike. Pero siya, hindi. Nakatingin lang sa akin. Papapasukin ko ba siya? Baka nandiyan na si Nanay. Natagalan din ako sa pag-uwi. Ayaw na ayaw nun na may manligaw sa akin.

            Pero mukhang walang balak pumasok si Edge. Ini-start niya ulit ang motorbike niya, e.

            “Thank you,” sabi ko na lang.

            “You’re Welcome…Carmela,” sabi niya.

            Nagulat ako. Bakit niya alam ang totoong pangalan ko?

            “Paano mo nalaman ang –“ hindi ko natapos ang tanong ko.

            Ngumiti lang siya. Then, pinatakbo na niya ang motorbike niya. Humarurot na siya paalis.

            Takang sinundan ko na lang siya ng tingin.

            Hindi ko talaga alam ang iisipin tungkol sa lalaking ito.

* * * * *

            Bago ako makapasok sa loob ng bahay namin, sinalubong ako ni Kuya Bal. “Bakit ngayon ka lang. May bisita ka. Kanina pa naghihintay.”

            “Sino?” takang tanong ko.

            “Yung Ward. Kaklase mo raw.”

            Nagulat ako. Si Ward, tinotoo ang sinabi. Dinalaw nga ako. Pero dapat kasi, nasa bahay din ako para maipakilala ko siya nang maayos sa amin. Hindi tulad nito na nauna pa siya sa akin. Baka taray-tarayan siya ni Mader.

            Pero mula sa loob ng bahay, narinig ko ang boses ni Nanay. “Bal, bilisan mo yang coke.”

            Nagpapabili ng coke si nanay? Para kay Ward?

            “Hi, Welcome!” nakangiting bati sa akin ni Ward pagpasok ko. Nasa mesa siya, kasama sina Nova at Nanay. Nakahain sa mesa ang kanin at ang bagong lutong longganisa na pagkabangu-bango.

            “Saan ka ba galing? Bakit ngayon ka lang? Nakakahiya rito sa bisita mo,” sunud-sunod na ratsada ni Nanay. “Pasensiya ka na sa anak ko, Ward.”

            Si Mader, humihingi ng pasensiya sa bisita kong lalaki?

            “Nagpasama lang sa akin si…si Karen,” katwiran ko na lang. Alangan namang sabihin ko na nagpunta ako sa mall dahil yung lalaking nagligtas sa akin sa pambabastos ng mga kaklase ko ay sinamahan ko dahil nagdudugo ang ilong at bibig?

            “Ano pa ang hinihintay mo riyan? Maupo ka na rito at baka gutom na itong bisita mo,” utos ng nanay ko na parang naaaligaga pa.

            Yun ang malaking tanong sa utak ko noong umupo ako sa mesa. Ano’ng nangyayari kay Mader at bakit biglang-bigla okay sa kanya na may bisita ako? Di ba, ayaw pa niya akong paligawan?

            “Ang sarap talaga ng longganisa n’yo, Tita,” sabi ni Ward sabay kagat ulit sa longganisa.

            Tita???

            At ang nanay ko, napahagikhik. Kilig. “Masarap talaga yan. Naku, hintayin mo ang tosino ko. Mas masarap yun. Walang binatbat ang mga tosinong nabibili mo sa supermarket. Walang preservative ang tosino ko.”

            “I love tosino!” dugtong pa ni Ward.

            “Mag-uwi ka ng longganisa, Ward. Ipatikim mo sa inyo. Tapos kapag nagustuhan nila, order ka sa akin.”

            “Sige po, siguradong mapaparami ang order ko sa inyo nito.”

            A, kaya pala tuwang-tuwa si Mader kay Ward. Negosyante talaga ang nanay ko!

At itong si Ward ha, marunong din palang lumaro. Marunong kumuha ng loob ng mga tao. Sabagay, friendly naman talaga si Ward. Bukas ang mukha niya. Maaliwalas. Parang lahat ng sinasabi, sincere. At ang ngiti niya, well, ang hirap idescribe ng smile ni Ward, e. Kapag ngumiti na siya, parang nagliliwanag ang paligid.

At hindi lang si Mader ang natutuwa sa kanya, pati si Nova. “Talaga, Kuya Ward, nakita mo na si Mickey Mouse?” nanlalaki ang mga matang tanong ng bunso kong kapatid.

“Yup. Noong nagpunta ako sa Disneyland. Hayaan mo, balang araw, makakarating ka rin doon,” sabi ni Ward sabay gulo sa buhok ni Nova. Tuwang-tuwa tuloy ang kapatid ko.

            Pati si Kuya Bal, palagay ang loob kay Ward. “O, eto na’ng coke,” sabi niya sabay salin sa baso ni Ward. “Tol, thank you talaga sa pag-ayos ng laptop, ha?” Tumingin sa akin si Kuya, “Okay na yung laptop natin. Inayos na ni Ward.” May laptop kami na hindi na umaandar kaya ginagawa na lang naming patungan ng kung anu-ano.

            So, mabentang-mabenta nga si Ward sa family ko. At napangiti ako. Wala palang problema.

            Si Edge kaya, ano ang magiging tingin ng pamilya ko sa bad boy na yon? Hindi friendly yun e. Baka tingnan lang niya nang masama si Nova. Baka dedmahin si Kuya Bal. O kaya baka pintasan ang tosino’t longganisa ni Mader.

            Pero teka, bakit ba sa gitna ng okay na pagtanggap ng family ko kay Ward ay si Edge ang iniisip ko?

            Tinanggal ko siya sa isip ko. Nag-focus ako kay Ward. Sa masaya niyang pakikipagkuwentuhan sa family ko. At napangiti ako.

            Mukhang hahabol ako sa pact namin nina Karen at Ramil. Mukhang magkaka-boyfriend ako bago grumadweyt ng high school.

            Tooot toot sabi ng cellphone ko. May nagtext. Tiningnan ko.

            Number lang. Sino kaya ito?

            Binuksan ko. At ito ang bumulaga sa akin.

                        YOU’RE A NICE GIRL. I LIKE YOU.

            Sino ang nagtext nito?

            Si Edge ba?

           

           

           

THE WRONG MR. RIGHT  By RJ NUEVASTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon