#GPSecretAdmirer
Heto na naman ako
Hindi mapigilang mapatitig sa iyong litrato
Ilang taon ilang pagkakataon na nga ba tayong nagkasama
Ang mga numero sa isip ko'y wala na
Subalit teka lang muna
Ako ay may napupuna
Bakit labi ko'y kusang napapangiti kapag nand'yan ka
At tila ba ang puso ko'y biglang kumakanta
Kapag ikaw ay nasa malapit
Dila ko'y nagkakasabit-sabit
At kung 'di ka nakikita
Lagi ka naman sa aking gunita
Ako ay natahimik
At sandaling napaisip
Isang bagay lamang ang aking napagtanto
Puso ko pala ay umiibig na sa iyo
Sa simula ay hindi pa naniwala
Aking nararamdama'y pilit ipinagwalang-bahala
Ngunit bakit kung kailan ako'y lumayo sa 'yo
Saka naman tila pinaglalapit tayo
Ng tadhanang sadyang mapaglaro
O sinta, hindi ko na kayang itanggi
Na ikaw nga ay aking itinatangi
Ngunit pa'no nga bang pagmamahalan sa pagitan nati'y isisilang
Kung ako sa 'yo ay parang wala lang?
Pa'no malalaman aking pagtingin
Kung presensya ko pa lang ay parang 'di mo na pansin?
At 'di man lang mangitian
Maging saglit lamang
Nangangamba mang makahanap ka ng iba
At ako'y tuluyan nang mawalan ng halaga
Wala namang magagawa
Dahil lakas ng loob sa akin ay wala
Takot na sa iyo'y magpapansin
Baka naman tinig ko'y 'di mo dinggin
Kung kaibigan lang ang tingin mo sa 'kin
Dapat na nga sigurong makuntento sa patingin-tingin
Mukhang sa iyo'y wala talagang pag-asa
Kaya't masakit man ay tatangapin ko na
Na dito pa lang ay magtatapos na
Ang kwento nating 'di man lamang nagsisimula pa
📝💜📝
Laurie Jeanelle
BINABASA MO ANG
Geechan's Poems
PoetryPoem collections from my heart and mind. © Laurie Jeanelle a.k.a. geechan_lau
