Pulang pula ang aking pisngi nang makauwi ako sa bahay. Hindi ko na namalayan ang dumaang oras at doon lamang napagtantong masyado na pala akong matagal na nawawala dahil sa nag-aalalang mukha ni Kuya Bram.

"Kuya-"

"Saan ka ba nagpunta, Trace?" Sinalubong niya agad ako.

"A-Ah... 'Di ba may ginawa kaming project sa bahay nila R-Rinka?" Hindi ko maipanatili ang aking mga mata sa kanya. Lumilihis talaga iyon.

"Hindi kita pinayagan kanina ah? Bigla bigla kana lang nawawala!"

"Kasi Kuya tulala ka. Nagpaalam kami ng maayos," paliwanag ko sa kanya pero hinila na ako nito papasok ng bahay.

"'Di ba may usapan kayo ni Mama na pupuntahan mo siya sa bayan ngayon at tutulungan sa pagtitinda ng bulaklak?" paalala niya na ikinalaki agad ng aking mga mata.

"Oo nga pala!" Natataranta kong nahubad ang aking maliit na bag at gusto ng magpalit para makahabol sa bayan.

Hinawakan ni Kuya ang aking braso at ipinirmi ako.

"Anong oras na oh? Mapapagalitan ka lang doon kaya dumito kana. Gawin mo ang assignment mo. Ako na ang mag-aalibi mamaya..." sabi niya at binitiwan ako.

Nagtungo siya roon sa lamesa at pinaghahandaan na ako noong nilagang saging. Naglagay siya ng dalawang kapiraso sa isang pinggan saka niya ako sinenyasang lumapit roon.

Nagtungo ako at umupo sa upuan. Naguilty agad ako sa aking ginawa. Gusto kong sabihin sa kanya na nagtungo kami sa lupain ng mga Buenaventura pero natatakot ako baka magtanong siya kung anong ginawa namin roon.

Ngunit palaisipan sa akin bakit hindi naniniwalang mga nalalaglag naman talaga sa puno ang kinukuha ng mga kaibigan ko. Isa pa, ang lawak ng lupain nila ng mga mangga. Ganoon ba siya ka... madamot?

Si Kuya mismo ang nagbalat noong saging sa akin lalo na't mainit init pa iyon. Tiningnan ko siya ng maigi. Nagkakasalubong ang kanyang kilay at seryosong seryoso sa pagbabalat.

"Kuya... Crush mo ba si Ate Rici?" biglaan kong tanong na ikinatigil niya sa pagbabalat.

Mabilis na nalipat ang kanyang mga mata sa akin. Gulat na iyon at medyo natigilan.

"Huh?"

"Si Ate Rici... Iyong Buenaventura... Iyong mayaman at maganda na Grade Eleven, kuya..."

Ngumiti siya sa akin. "Ang ganda niya 'no?"

Tumango agad ako. "Opo! Para siyang naliligo palagi sa gatas. At ang bango bango rin noon, Kuya! Sikat na sikat siya sa eskwelahan at maraming nagkakagusto sa kanya. Ikaw rin ba?"

Imbes sumagot ay tumawa siya. Hindi ko alam kung biro ba iyong naging tanong ko o ano.

"Mayaman sila, Trace. Para na rin akong naghangad na makalipad para maabot ang langit na dapat ay tingalain ko lang." Nagkamot siya ng batok.

"Pero mabait ka naman ah? Maalaga ka pang kapatid! At guwapo! Pera nga lang ang kulang sa'yo pero okay ka naman Kuya..."

Nailing siya at ngumisi lamang sa akin. Magsasalita pa sana ako nang may biglang pumasok sa hamba ng pintuan namin.

"Bram? Si Tracy nasaan?" tanong ni Mama na kakadating lamang.

Mabilis akong napatayo at binalot agad ng takot ang mukha.

"Ma." Lumapit si Kuya sa kanya at tinulungan ito sa mga dala. Nagmano siya kaya nagtungo na rin ako doon.

Medyo nalalaglag ang iilang hibla niyang buhok at bakas sa mukha ang pagod. May dala itong balde na supot na ang laman kung nasaan niya nilalagay ang mga bulaklak niya. Mukhang naibenta niya iyon lahat...

Shade of Love (Buenaventura Series #4 Ineryss' Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon