Sumilip rin sa kabilang bahagi ng puno ang kanyang kasama. "Hindi ko maintindihan kung bakit gayun na lamang ang iyong paniniyak. Malayung-malayo na tayo sa nasasakupan ng kaharian, marahil ay hindi na tayo masusundan ng mga manunusig."



Napalingon sa ikalawa ang nauna. "Hindi ka nakasisiguro riyan. Hangga't hindi tayo nakatatawid sa mundo ng mga mortal, mananatili tayong maging mapagmatyag. Huwag mong kalilimutang nasa loob pa rin tayo ng kaharian ng mga engkantong-gubat, hindi pa tayo ligtas sa kapahamakan"



Napatingin sa malayo ang kanyang kasama, may bahid ng pagtataka sa mga mata. "Ang mga mortal, ano ang mayroon sa kanila at lagi silang bahagi sa mga nangyayari? Hindi ba't sila ang dahilan kung bakit nagkawatak-watak ang mga dakilang kaharian sa sansinukob?"



Pansamantalang napaisip ang nauna sa tinuran ng ikalawa. Ayaw man nitong aminin nguni't may punto ito. Muli nitong iginala ang paningin sa paligid bago nagsalita. "Sapagka't sila ay bahagi rin ng sansinukob. Anumang mga pangyayaring nagaganap sa pagitan ng ating mga daigdig ay may kaugnayan sa kanila, batid man nila o hindi."



Napatango ang ikalawa sa tugon nito. "Paalalahanan lamang kita, upang makatawid sa mundo ng mga mortal, kailangan nating makahanap ang lagusan patawid sa kanilang mundo. Iilan lamang, sa batid ko, ang bukas sa kanila. Ang nalalabi ay sinarhan na nang tuwiran upang hindi na maligaw muli ang mga mortal sa loob ng engkantadong kalupaan nang walang pahintulot. Yaong mga bukas naman ay mahigpit na binabantayan ng mga kawal."



Yamot na napatitig sa kanya ang nauna. "Huwag kang panghinaan ng loob. Makagagawa tayo ng paraan. Parating may paraan sa lahat ng bagay."



"Sinasabi ko lamang," kibit-balikat ng ikalawa.



Sa wakas ay nagkalakas-loob rin lumabas ang nauna sa pinagtataguan nito at naglakad tungo sa masaganang sapa. "Itinadhanang magtagpo tayo. Ang paraan ay darating sa panahong hindi natin lubos na inaakala."



--------



Dahan-dahan ang mga paghakbang na ginawa ni DJ habang naglalakad sa pasilyo. Kung bakit pa kasi siya ang nautusang maghatid ng almusal sa kanyang nakatatandang kapatid. Ingat na ingat siya sa paghawak na tray na may lamang plato ng sinagang na kanin at hotdog, katabi ang isang mug ng mainit-init na gatas.



Pag tapat niya sa silid ng kanyang ate ay nabigla siya nang makitang nakaupo sa labas ng pintuan ang kanyang alaga. Nakatingala ito sa pinto at tila naghihintay na kusa itong magbukas. Napalingon ito sa kanya nang siya ay tumabi rito, hindi malaman kung papaano rin niya bubuksan ang nakasarang pinto gayung may bitbit siyang pagkain.



Sa huli ay pinagbalanse niya ang tray sa isang kamay samantalang pinipihit niya ang doorknob sa kabila. Matapos ang ilang subok ng pag-ikot habang iniiwasang mahulog ang bitbit ay nagawa rin niyang buksan ang pinto.



Naunang pumasok si Mordecai sa kanya. Diri-diretso itong naglakad patungo sa kama at tumalon sa ibabaw nito upang pumunta sa gilid ng unan at doon ay namaluktot.



Marahan niyang isinara ang pinto bago lumapit sa nahihimbing niyang ate. Kaagad niyang inilapag ang tray sa bed side table nito at nag-inat-inat ng brasong nagsisimulang mangalay na.



Inikot niya ng tingin ang simpleng silid. Sa kanang bahagi ng pintuan ay naroon ang bookshelf. Hinati itog sa apat na estante na punung-puno ng mga aklat. Sa ibabaw na bahagi nito ay nakapatong ang tatlong biligang plorerang ng mga handicraft na bulaklak. Ang una ay yari sa niyog, ang ikalawa ay gawa sa ni-recycle na papel at ang panghuli ay gawa sa straw. Napatanong siya sa sarili kung ang mga iyon ay ginawa ba ng kanyang ate, yaman lang rin at mahilig ito sa handicrafts.



Katabi ng bookshelf ay ang tukador nito kung saan nakalagay ang mga beauty products na ginagamit ng kanyang ate. bilang lamang ang mga ito at noon niya pagtantong natural pala talaga ang gandang taglay ng nakatatandang kapatid at hindi asa kung sa anu-anong mga pampaganda. Ang oblong na salamin ng tukador ay napapaligiran ng maliliit na mga buskay sa hugis ng mumunting mga isda.



Sa kanang dingding ay naroon ng pinto ng banyo, katabi ang isa pang side table kung saan nakapatong ang iba't ibang mga larawan ng kanilang pamilya. Mayroon ring mga paso ng succulent plant sa magkabilang bahagi ng side table.



Nakasabit sa katapat na dingding ang malaking underwater painting. Sirenang may puting buntot ang subject nito, na tila, kung susuriin, ay kahitsura ng kanyang ate. Sa nakaangat nitong kamay, isang nilalang na kulay asul ang nakaupo. Mistula itong pinaghalong grey alien dahil sa malalaking mga mata nitong hugis almond, maliit na katawang kawangis ng sirena, maiigsing mga braso at antenna gaya sa mga insekto. Nasa gitna sila ng coral reef at tila naglalaro habang nasa background nila ang malaking anino ng mistulang bundok na may mga tore.



Inaagaw ng pag-ungol ng kanyang ate ang kanyang pansin. Nakakunot ang noo nito, mahigpit na makalapat ang mga labi at kapansin-pansin ang pag-aalalang nakalahad sa mukha nito.



"Nanganganib si Managat, Sadi."



Nagulat siya nang magsalita ito ng mga pangalang kakaiba sa kanyang pandinig, puno ng pangamba ang himig.



"Kailangan ko silang tulungan."



Sa kanyang uluhan, napabangon ang kanyang alagang si Mordecai. Napatitig ito sa kanya at ngumiyaw nang pagkahina-hina, animo'y naiintindihan nito ang mga nangyayari.



Nag-angat siya ng hintuturo at inilapit iyon sa kanyang mga bibig. "Shhh. She's dreaming."



Nguni't hindi na nagsalitang muli ang kanyang ate matapos iyon. Guminhawa muli ang hitsura nito pagkalipas ng ilang segundo. Subali't sapat na iyon upang mag-iwan ito ng karagdagang tanong sa kanyang isipan.



Sino si Managat at Sadi?

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Where stories live. Discover now