Chapter 6: A Tough Deceit

Comenzar desde el principio
                                    

            Lihim siyang napangiti habang tinititigan ito. Siya? Magsasawa kasama si Rachelle? Hinding-hindi.

            "Pero, seryoso, Alfred. Maghanap ka na ng trabaho. Tulungan mo si Tiyang. Huwag ka ng pa-baby at dalawa na nga lang kayo, pinapainit mo pa ulo niya. Tama nga naman kasi na hindi niya ginapang ang pagka-college mo, para lang maging tambay ka," sermon na nito sa kanya.

            Si Rachelle lang ang kaibigan niyang nakakapagsabi sa kanya lahat ng bagay na alam  nitong ayaw na ayaw niyang marinig. Pero alam niyang sinasabi nito ang mga bagay na iyon dahil gusto nitong mapabuti siya. Ito lang ang kaibigan niyang kayang tiisin ang ugali niya.

            Kaya kahit mahal niya ito, hindi niya sinubukang lagpasan ang linya ng pagkakaibigan nila. Ang mga tipo kasi nito ay ang mga katulad ng sinasabi nitong nobyo na nito ngayon na si Terrence. Mabait at masipag.

            Hindi siya masama pero hindi naman din siya masasabing mabait. Lagi niya ngang nakakaaway ang nanay niya. At batugan nga siya. Gusto niyang magbago ngunit... hindi niya talaga mabago. Tamad at tamad pa rin siya.

            "Uy, Fred!"

            "Ano?"

            "Nakikinig ka ba sa'kin?"

            "Oo na. Oo na. Susubukan kong maghanap ng trabaho bukas," sumusukong sabi niya.

            "Ay, wag muna bukas," pigil nito. Sumampa na talaga ito sa papag. Ngumiti ito ng malaki na umabot hanggang pilik-mata. Kaya naman pati mata ay nakangiti na rin sa kanya.

            At alam niya ang ibig sabihin niyon. "Ano na namang gusto mo?"

            "Sama ka sa'kin bukas. Nag-aya kasi si Terrence."

            "Saan?"

            "Sa Batangas. Nagplano ng three-day outing si Terrence. Kasama niya ang mga co-engineers niya. Ako naman sabi ko, dadalhin ko ang besfriend ko. Pagkakataon mo na rin iyon para makilala at magka-bonding kayo ni Terrence. Magkakasundo kayo, promise!"

            "Sandali, sandali! Pumayag kang sumama kay Terrence sa malayong lugar ng tatlong araw?"

            Tumango ito. "Kasi naman pumayag na rin naman sila Mama. Malaki naman na kasi ako. Twenty-seven na'ko, eh. Saka pinagkakatiwalaan ko si Terrence."

            "Sige, sasama ako," pagpayag niya agad. Wala siyang tiwala sa bago nitong nobyo. Lalaki rin siya. At ka-o-on pa lamang ng mga ito ay agad na mag-aaya ang Terrence na iyon sa malayong lugar? Nang tatlong araw?

            "Sabi mo 'yan, ah?" masayang sabi nito. "Punta ka sa bahay bukas ng mga alas-sais. Susunduin kasi ako ni Terrence ng mga alas-sais y medya."

            Tumango siya.

            "Ah, thank you, Alfred!" nakangiting pasasalamat nito sabay yakap sa kanya. "Pag-uwi natin galing sa Batangas, tutulungan kita sa paghahanap ng trabaho." Pinisil pa nito ang magkabila niyang pisngi. "Buti na lang talaga, bestfriend kita! Kahit tamad, guwapo naman."

            Natawa siya. "Huwag mo na 'kong binobola. Alam ko naman na mas guwapo pa rin iyong boyfriend mo."

            Lumabi ito. "Iba si Terrence, iba ka. Don't compare yourself to him. Saka, ako, hindi ko alam kung kailan magiging kami ni Terrence. Pero, ikaw, sigurado ako na hanggang sa pagtanda ko, kaibigan kita."

Love at its Toughest (Love Series #2)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora