Chapter | Sixteen

Magsimula sa umpisa
                                    

            Patay na siya.

Mabuti na lang at kahit papaano ay may alam ako sa martial arts.

            “Emerson,” tawag ni Aleona. Inihagis niya sa’king ang isang patalim at mabilis ko naman iyong nasapo. Pagtayo ko ay isa pang tiktik ang sumugod na nanggaling naman sa’king gilid. Natumba ako sa lupa at medyo nasugatan niya ang aking braso dahil sa matutulis niyang mga kuko. Sinaksak ko siya sa kanyang tagiliran pero parang hindi siya tinablan dahil hindi man lang siya dumaing. Nang mabawi ko ang aking lakas—dahil mas matangkad ako sa kanya—ibinaon ko ang patalim sa kanyang ulo at gaya ng unang tiktik na napatay ko ay mabilis itong naglaho at naging usok at lumisan sa kawalan.

            Narinig ko ang ilang putok ng baril at mabilis kong hinanap kung saan nanggaling iyon hanggang sa masusi ang paningin ko ay Smoke na may duguang binti. Mabilis akong lumapit sa kanya.

            Nang makaluhod na ‘ko sa kanyang harapan ay mabilis namang sumampa sa’king likuran ang isang tiktik na akma sanang ibabaon ang mga kuko sa’king lalamunan pero mas mabilis si Aleona dahil ginamit niya ang kanyang pana para patayin ang nilalang.

            Minasdan ko ang sugat ni Smoke at hindi naman ito ganoon kalalim pero sa itsura pa lang nito ay hindi ito kagat ng tiktik kundi bala ng baril ang tumama sa kanya.

            “Kaya mo bang tumayo?” tanong ko kay Smoke.

Tumango lang siya pero nakabungisngis dahil sa kirot na nanggagaling sa kanyang binti. Sinuportahan ko ang kanyang balikat habang tinutulungan niya ang kanyang sarili sa pagtayo. Lumapit naman agad si Peige upang tulungan akong alalayan si Smoke nang makawala siya sa mga kalaban.

            “Tinamaan niya sarili niya,” sagot ko.

            “Sabi ko sa’yo na iwanan mo na lang ‘yan hindi ka nakinig,” sermon naman ni Peige pero hindi naman galit ang boses.

            Ginuwardiyahan kami ni Aleona habang papalayo kami sa iba pang pasugod na tiktik sa’min. Sumunod naman si Aldrin at Lavinia na patuloy din ang pakikipaglaban gamit ang mga patalim na ibinigay sa kanila ni Aleona kanina.

            Hindi naubos ang mga tiktik pero hindi na nila kami sinunggaban dahil kakaunti na lamang din sila at pinabayaan na nila kaming makalayo sa kanilang lungga.

            “Ano hah!” pagmamayabang ni Aldrin na natutuwa sa ginawang pag-urong ng mga tiktik. “Halika kayo! Ano!”

            “Aldrin,” bawal naman ni Lavinia na halatang pagod na dahil sa kanyang mahinang tinig.

            “Hindi nila tayo pinakawalan,” wika ni Aleona na nasa pinakaunahan namin.

            “Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Peige na tila walang ideya sa sinasabi ni Aleona.

            “Nahahati ang kagubatan sa kanya-kanyang lungga. Ibig sabihin sa bawat galaw natin may mga makakasalamuha tayong mga nilalang.”

            Ang sinabi ni Aleona ay mas lalong nagpa-alerto sa’min sa aming paligid. Ang kaninang pagdiriwang ni Aldrin ay nawala at inihamba ang kanyang patalim sa kanyang paligid.

            “Hunyango ang susunod,” bulong ni Peige.

Tiningnan ko lang siya at alam kong nalaman niyang iyon na ang susunod na susugod sa’min dahil nga pala bumalik na ang kanyang kakayahan.

            “Anong gagawin natin?” tanong ni Lavinia na tila hindi na nagugustuhan ang nangyayari.

            “Huli na,” wika ni Peige.

            Pagtingin ko sa’king likuran ay may apat na Lavinia at apat na Aldrin walang ipinagkaiba sa itsura ng dalawa maging ang dumi sa kanilang mukha at katawan pati na ang suot nilang damit ay gayang-gaya ng mga hunyango. Hinigpitan ko pagkakahawak sa braso ni Smoke para masiguradong hindi ako malilinlang pero nabitawan ito nang sugurin ako nang isang hunyangong Emerson at mabilis akong sinuntok sa mukha at sinipa sa aking sikmura kaya napaigtad ako at bumagsak sa damuhan.  Mabilis kong tiningnan si Smoke pero hindi ko na makilala kung sino ang totoo dahil may apat din siyang kamukha na malapit sa gawi niya.

            Tinadyakan ko ang hunyango na kamukha ko atsaka mabilis na kinuha sa’king tagiliran ang patalim saka isinaksak ito sa kanyang lalamunan. Nabahiran ng pulang aking kamay at ang kidlat ng kunsensiya sa’king budhi ay umakyat sa’king utak.

            Oo nga pala’t—tao rin sila.

Napatigagal ako sa’king kinatatayuan. Hindi ako makagalaw. Ang kasunod na naramdaman ko ay may matulis na bumaon sa’king balikat.

            “Emerson!” sigaw ni Aleona.

Tumingin siya sa tatlong Emerson na nasa kanyang harapan kabilang ako. Isang iglap lang ay pare-pareho na kaming dumadaing  sa sakit dahil sa patalim—lahat kami ay may sugat sa’ming mga balikat.

            “Aleona tulungan mo ‘ko,” ani ng hunyangong nasa kaliwa ko—nasa gitna naming tatlo.

            “Aleona,” wika ko, nanghihina.

            “Peige,” saklolo naman ni Smoke para sa kanyang namamagang binti. Binalingan ko sila ng tingin at ngayon ko lang napansin na nagapi na pala namin ang mga kalaban at ako na lang ang may hunyangong kagaya ko.

            “Ako si Emerson,” wika ng pangatlong hunyango na akmang palapit kina Aleona.

            “Emerson,” wika naman ni Lavinia.

Nang lumapit ang impostor na Emerson at mabilis siyang sinaksak ni Aldrin sa may dibdib at ilang saglit lang ay bumalik na ito sa kanyang tunay na itsura at anyo.

            Si Aleona naman, gamit ang kanyang pana ay itinutok ito sa isa pang impostor na nagmamakaawa para sa tulong kanina at mabilis niya itong pinatay.

            Mag-isa na lamang ako. Wala nang hunyango pero ako na lang ang natitira. Lumapit sa’kin si Aldrin atsaka tiningnan ang aking sugat.

            “Emerson!” tawag ng boses sa’king likuran. Paglingon ko ay si Aldrin kasama si Lavinia, Peige, Smoke at Aleona. Mabilis akong lumayo kay Aldrin na tumitingin ng aking sugat na hindi ko alam kung hunyango o siya ang totoong Aldrin.

            Dalawang grupo—pareho kong kaibigan—pero sino ang totoo?

            “Emerson,” tawag sa’kin ni Smoke mula sa grupo sa aking kanan.

            “Kami ang totoo Emerson,” sabi naman ni Peige mula sa aking kaliwang grupo.

Sino nga ba ang totoo? Hindi ko na alam kung papaano ko makikilala kung sino ba ang sino.

            Parehong-pareho, walang pinagkaiba, walang detalyeng hindi maikakaila. Parang gustong sumabog ng utak.

            “Sino ba talaga ang totoo?” pasigaw kong tanong.

            “Kami,” halos monotone nilang tugon.

Paano ko ba malalaman? Muli kong tanong sa utak ko.

            Pinag-aralan ko sila isa-isa. May sugat si Smoke sa kanyang binti at ang parehong Smoke na nasa aking harapan ay totoo. Ganoon din si Aleona—Aldrin—Peige at Lavinia.

            Hinawakan ko ng mahigpit ang patalim atsaka mabilis na ibinato sa gawi ni Aleona—sa grupo sa’kin kaliwa. Nahagilap kong ngumiti siya at alam kong iyon talaga si Aleona dahil mabilis niyang nahawakan ang dulo ng patalim at ibinato ito sa pekeng Aleona na nasa kana pagkatapos ay sa isang iglap—gamit ang kanyang baril ay napatay na niya ang iba pang mga hunyango.

            “Good,” ani Aleona. “Akala ko ay hindi mo gagawin ‘yon e.” Ani niya habang tinulungan ako sa’king sugat. “Kailangan na muna nating magpahinga.”

            “Mukhang hindi na natin magagawa ‘yon Aleona,” sagot ni Peige. Binalingan ko siya at alam kong may nakita na naman siya.

            Bagong kalaban.

When Forever Ends [SOON TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon