Palakol

32 4 7
                                    

Maingay sa loob ng inyong silid-aralan, usapan dito.. usapan doon.. tawanan dito.. tawanan doon. Hindi magkamayaw ang lahat maliban sa’yo. Tulala ka lang, ang mga mata mo’y nakatingin lang sa kawalan. Nakapatong lang ako sa silya mo’t masusi kang pinagmamasdan. Halatang malalim ang iniisip mo at alam kong ako ang dahilan. Nagsimulang lumipad ang isip mo nang makita mo ako kani-kanina lang, ngunit ang kaibahan sa ibang nakaugalian nating pagkikita ay may bahid ng kulay pula sa aking katawan.

Ako man din ay nalulungkot hindi nga lang dahil sa kulay pulang ito kundi sa iyong reaksyon. Alam ko namang sa oras na makita mo ako, ikaw’y magkakaganyan pero sana lang sa nangyaring ito hindi ka mawalan ng pag-asa at basta sumuko na lang. Kung pwede lang kitang tapikin sa likod mo, ginawa ko na. Kung pwede lang kitang sigawan at sabihang ‘Hoy! Hindi pa katapusan ng mundo kaya ‘wag kang mabahala!’ edi kanina pa sana. Kaya lang wala akong magawa. Hiling ko na lang ay mapilit mo ang sarili mong ibalik ang dating siglang bigla na lang nawala.

Nasa loob na tayo ngayon ng jeep, pauwi na sa inyo. Siksikan at napakaingay sa loob ngunit ganoon pa rin ang sitwasyon, parang wala ka pa rin sa mundo; utak mo’y ‘di ko mawari kung saan nakatuon. Hindi nagtagal, ako’y iyong pinagmasdan nang matagal at pinadaanan mo ng iyong mga daliri ang parte ng katawan kong may kula pula, matagal mo ‘yong ginawa hanggang sa huminga ka nang malalim at biglang nagsalita.

“Paano ko ba maipapaliwanag ‘to? Ginawa ko naman ‘ata ang lahat ah?” Tanong mo habang nakatingin pa rin sa’kin. Nailabas mo rin sa wakas ang tanong na kanina pang nagpapagulo sa’yo. Nang wala kang makuhang sagot mula sa’kin, bumuntung-hininga ka muna’t saka bumalik sa pag-iisip.

Anong kailangan mong gawin? Gawin mong inspirasyon ang nangyari sakin. ‘Wag kang tuluyang magpaapekto, mas marami pang bagay ang mas malala pa sa sinapit ko. Ginawa mo naman ‘ata ang lahat? Bakit may tila may pag-aalinlangan sa’yong tanong? Hindi ka sigurado o sadyang nagkulang ka lang sa pagtitiwala sa sarili mo? Na akala  mo hanggang doon na lang ang kaya mong gawin para masagip ako, ‘yon pala e may mas matapang, malakas ang loob at responsableng ikaw diyan na nakatago sa kaloob-looban mo.

Dumating tayo sa bahay niyo nang wala ka pa ring imik. Nagulat ka pa dahil sa pagbukas mo ng inyong pinto’y nanay mo agad ang bumungad sa’tin. Agad mo akong itinago sa iyong likuran, gumawa ka pa ng mga rason na nagmamadali ka at agad na pumasok sa ‘yong kwarto.

Tandaan mo, hindi mo ako habang buhay na maitatago. Darating at darating din ang panahon na malalaman ako ng mga magulang mo. ‘Wag ka sanang matakot magsabi sa kanila ng katotohanan, hindi sila magagalit sa’yo, bagkus ay bibigyan ka nila ng payo na talaga namang makakatulong sa’yong pagbabago. Isa sila sa mga susi upang maayos mo ang problemang ‘to, ‘wag mo sana silang gawing bulag sa mga bagay na nangyayari sa buhay mo lalong-lalo na sa aspetong kinabibilangan ko.

Pinabayaan mo lang akong mahiga sa kama mo. Nakaupo ka naman sa’yong study table, nakatingin lang sa’yong mga gamit. Maya-maya’y halos isa-isahin mo naman silang haplusin. Tila ba’y inaalala mo ang mga panahong nagpuyat ka dahil may test o exam kinabukasan, ‘yong nagbibitbit ka ng mga librong animo’y encyclopedia sa laki, ‘yong mga panahong imbes na manood ka ng tv o mag facebook e iginugol mo lang para sa’yong pag-aaral.

Alam ko kung ano ang ‘yong iniisip. Alam kong iniisip mong nag-aral ka namang mabuti, nagbasa ng mga libro kahit na limampung porsyento lang halos ng mga nabasa mo ang lumabas sa test niyo. Nakinig ka naman sa teacher niyo kahit na halos basahin niya na lang lahat ng nakasulat sa power point presentation niya’y tango pa rin ang tugon mo. Mahirap nga ang subject pero nagsikap ka pa ring matutunan ito pero parang nauwi lang din sa wala ang pinaghirapan mo. Dahil heto na nga, may pulang marka na sa katawan ko. Ako na simpleng report card mong kulay itim lang sana ang tintang nakasulat, biglang nagkaroon ng kulay pulang tintang kinaiinisan ng lahat.

Kaibigan, ikaw na nagmamay-ari sa’kin, ang pagkakaroon ng mala-palakol na grado, pulang marka, singko o kaya pasado pero mababa pa rin sa inaasahan mo, hindi nangangahulugang itigil mo na ang ‘yong pag-aaral o ang pag-abot sa’yong mga pangarap. Hindi ka rin dapat mawalan ng tiwala sa sarili mo matapos ang pangyayarig ito. Tandaan mo, hindi ka bobo. Hindi lahat ng bumabagsak bobo, at hindi lahat ng pumapasa matatalino. May bumabagsak dahil sa guro nila, katamaran at pagkakaroon ng mababang tiwala sa sarili at may pumapasa naman dahil sa pangongopya, pag-asa sa ibang tao at iba pang illegal na bagay. Tanggap mo bang mapabilang sa panghuli o makasali sa una pero babawi rin sa huli?

Hindi sa taas ng grado nasusukat ang kakayahan ng isang tao. Nasa katatagan ‘yan, tiwala sa sarili at pagkakaroon ng solidong pananalig na kaya mong abutin ang ‘yong mga pangarap. Kaya kung may pulang marka ka man ngayon, ‘wag mong kalilimutang marami pang pagkakataon ang naghihintay para sa’yo at ‘wag na ‘wag mong sasayangin ito. Kaya imbes na matulala ka lang diyan at paulit-ulit na isipin ang nakuha mong marka, tumayo ka na at simulang gawin ang solusyon sa’yong

WL EntriesWhere stories live. Discover now