“Sabi n’yo, halikan ko si Ward. Para ligawan na niya ako. Sinunod ko kayo. Kaso, ang nahalikan ko ay yung kakambal niyang si Edge. Malay ko naman na may kakambal pala siya. Wala naman siyang sinasabi.”

Noon lang din pumasok sa isip ko nung kinawayan ko si Ward sa labas ng bookstore at hindi ako pinansin. Hindi si Ward yon. Si Edge. Kaya hindi ako nakilala. Mystery solved.

            Natawa si Ramil. “Oh my God, nakakahiya, Welcome!”

            “Sinabi mo pa. Panay nga ang dasal ko na lumindol no’n at lamunin na ako ng lupa, e.”

            “So, nakadalawang kiss na pala kayo ni Edge.” Iba talaga ang concern nitong si Karen, ano? “Nakakainggit ka.”

            “Ano’ng nakakainggit do’n? Asshole ang lalaking yon! Akala mo kung sino. Daig pa si Brad Pitt kung makaasta na gano’n ka-precious ang halik niya.”

            “Masarap ba ang kiss niya?” kinikilig at interesadong tanong ni Karen. “Nakalabas ba ang tongue niya?”

            “Yuck! Yuck ka, Karen!”

            “A kiss is not a kiss without your tongues touching also,” buong ka-ismartehan na sagot ni Karen na ewan ko kung saan niya napulot ang linyang yon.

            Napapikit ako with matching takip ng tenga dahil ayoko nang marinig si Karen. Ayoko nang ma-imagine ang sinasabi niyang kissing with the tongue. Yuck!!!

            Ikinuwento ko na rin sa kanila ang nangyari sa canteen. Ang banana cue. Ang pagkakabangga ko sa pinto. At siyempre, tawang-tawa si Ramil.

            “Girl, para kang eng-eng! Actually, nakakainggit! Para kang bida sa Koreanovela. Sana mangyari rin sa akin ang ganyan.” Yakap pa ni Ramil ang sarili na parang iniimagine ang sarili sa mga sitwasyong pinagdaanan ko.

            Sabay kami ni Karen na napatingin sa kanya, inimagine din namin si Ramil sa mga eksenang yon with Edge.

            “Hindi bagay,” sagot ni Karen.

            Ako naman, okay lang sa akin na maghalikan si Edge at Ramil. Tingnan ko lang kung ano ang reaksyon ng mayabang na Edge na yon na mahalikan ng isang bading!

* * * * *

            Minsan, parang nang-aasar ang mundo. Kung ano yung iniiwasan mong maalala, yun ang maraming reminder sa paligid. That night, ang palabas sa tv, yung halikan ni Gra-Matt…o Grace at Matthew sa My Destiny, ang nakakakilig na palabas sa GMA. Dati, kinikilig ako sa show na ito, pero ngayon na naghahalikan ang dalawa, may naalala ako na nakakainis. Kaya inilipat ko yon ng channel. Kaya nagalit si Nanay.

            “Ano ka ba, Welcome? Nanonood ang tao e,” sabi ni Nanay sabay agaw sa remote at balik sa Channel 7. “Ito na nga lang ang libangan ko pagkatapos kong magtrabaho maghapon, tatanggalin mo pa,” litanya ni Inang Mahal. Oo na, martir ka na, gusto kong sabihin. See, nagiging masama akong anak dahil sa Edge na yan!

            Lumayo na lang ako sa TV. Ang napagbalingan ko ng tingin ay si Nova na naglalaro ng mga manika niya. Pero ano raw ang ginagawa ng mga manika? Pinaghahalikan ni Nova.

            “Nova! Ano’ng ginagawa mo?” saway ko.

            “Naghahalikan yung mga manika. Parang yung sa tv,” pangangatwiran ng bunso ko ng kapatid.

            “Nay, kita mo yang impluwensiya ng pinapanood mo sa bata o,” buwelta ko sa nanay ko.

            “Nova, takpan mo ang mga mata mo, anak.” Yun lang ang nasabi ng nanay ko na nakapako pa rin ang tingin kina Grace at Matthew. Maya-maya pa ay napatili ito dahil sa sobrang kakiligan sa palabas.

THE WRONG MR. RIGHT  By RJ NUEVASWhere stories live. Discover now