Chapter 8: Going back

1.5M 40.6K 5.3K
                                    

MAAGA AKONG NAGISING kaya nag-iwan na lang ako ng note para kay Marky dahil ayoko na siyang maabala pa.

"Sir Jeydon, hindi na po ba kayo kakain?" tanong sa 'kin ni manang.

Umiling na lang ako. "Salamat, manang, pero sa bahay na lang ako kakain." Kung may aabutan pa ako roon.

Agad din akong lumabas ng bahay. May gusto rin kasi akong makita sa labas at no'ng nasa labas na ako ng bahay nila Marky, hindi nga ako nagkamali. Nakita ko ulit si Tyler. Iyong dating boss ni Candice. Ano kayang ginagawa ng mokong na 'yon dito?

Gusto ko sana siyang lapitan kaso nagdalawang-isip ako. Hindi ko na siya dapat pag-aksyahan ng oras, wala na namang koneksyon sa kaniya si Candice. Isa pa, hindi na dapat ako nakakaramdam ng selos o takot dahil magiging asawa ko na si Candice.

Napangiti ako. Kusa na lang akong napapangiti kapag naiisip kong magiging asawa ko na si Candice. Ang sarap sa pakiramdam na ako 'yong pinili niya para mapangasawa.

Sumakay ako ng taxi papunta sa bahay. Matagal ko nang hinanda 'yong sarili ko para makita ulit si Dad at ngayon. Handa na ko. Handa na ulit akong harapin siya.

Bago pa man ako makapasok, sinalubong na ako ni Sunny. Mukhang wala siyang pinagbago.

"Young Master!" sigaw niya habang tumatakbo siya papalapit sa 'kin. "Buti naman at bumalik na kayo!" tuwang-tuwa niyang sabi.

"Nasaan sina Mom?" tanong ko.

"Nasa loob po silang lahat, kumakain," masigla niyang sabi. Parang kumikinang 'yong mga mata niya. Ganiyan ba 'yong nagagawa sa kaniya ni Baron?

"Sige, salamat at congrats sa inyo ni Baron." Bigla siyang nanigas sa kinakatayuan niya kaya natawa ako.

Habang naglalakad ako papunta sa dining area, sumalubong sa 'kin si Princess. Ang tagal na panahon ko na rin siyang hindi nakita. Hindi siya napabayaan ni Grandma. Mahaba pa rin 'yong mga balahibo niya at mataba pa rin siya.

"How are you, my princess?" Hinawakan ko 'yong maputi niyang balahibo. I miss this cat. "Wish me luck."

Binaba ko siya pagkatapos unti-unti kong binuksan 'yong pintuan ng dining room. Agad na bumunga sa 'kin si Dad. Para akong bato na nanigas hindi dahil sa nakita ko na ulit siya kung hindi dahil sa nakita ko silang nagtatawanan nina Mom.

Napatayo si Ate Jaycee. "Jeydon?"

"I'm back," sabi ko habang nakatingin pa rin ako kay Dad. Kung kanina nakangiti siya, ngayon seryoso na siya. "How's everybody?"

Tumayo si Dad. "Busog na ako. I should go." Umalis siya ng kwarto nang hindi man lang siya tumitingin sa 'kin at nang hindi man lang ako binabati. I guess he's still a bastard.

"Hyung!" Lumapit agad sa 'kin si Jayshin. "Are you back for good?" Hindi agad ako nakasagot sa tanong ni Jayshin. Dito na nga ba ako titira ulit? Kung sabagay, hindi rin naman magtatagal, doon na kami sa sarili naming bahay titira ni Candice.

"I'll be here for a short period of time or until Mom is okay." Kahit papaano sumigla 'yong mukha niya dahil sa sinabi ko.

"Anak, masaya ako na nandito ka na." Lumapit ako kay Mom at niyakap ko siya habang nakasakay siya wheelchair niya. "Sana nga lang dumito ka na talaga."

"Mom, 'wag ako 'yong isipin mo. Isipin mo 'yong sarili mo."

"Kumain ka na ba?" tanong ni Ate.

"Plano ko talagang dito na kumain dahil miss ko na ang luto dito. Mayroon pa bang pagkain?" nakangiti kong sabi.

Umupo ako sa upuan na palagi kong inuupuan. Habang nandito ako, hindi ko maiwasan na maisip lahat ng mga alaala na meron ako dito dati.

Kumain ako nang kumain hanggang sa mabusog ako. Ngayon lang ulit ako nakakain ng steak. Sa mga taon na mag-isa akong nabubuhay, hindi ako nagkaroon ng kahit anong luho maliban na lang kung para kay Candice.

The Bad Boy's Love (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon