Day 8: Paruparo

20 0 0
                                        

Nagkalat ang mga nabasag na kalasag sa iba't ibang lugar sa Pilipinas. Mga cocoon 'yon ng mga taong nagsa-caterpillar ilang araw lang matapos bumuhos ang lilang ulan.

Nasa rooftop ng isa sa matataas na building si Matthew. Kasama ang iba pang taong nag-aabang ng rescue. Kinakawayan nila ang mga helicopter na lumilipad. Sa iba't ibang bahagi ng building matatanaw ang makapal na usok sa ibang gusali. Ang mga bahay na nilamon ng apoy.

Puno ng kaguluhan ang paligid. May mga sasakyang nagbanggaan. Mga sasakyang di na umusad. Mga sasakyang hindi bumangga sa kung saan ngunit basag ang salamin. Nagkalat ang mga bubog sa paligid.

"Putang ina! Ano na bang nangyayari dito sa Pilipinas!" isang babae ang sumigaw habang umiiyak.

Maraming tao sa rooftop ang abala sa pagtawag aa kung sinu-sinong kamag-anak. Pinapaalalahan na mag-ingat at 'wag lalabas ng bahay. Nagpasalamat si Matthew sa sarili dahil hindi pa rin nawawala ang signal kahit magulo na sa paligid.

Tinanaw niya ang ibaba ng INCHEX TOWER. Nakita niya kung paanong bumuka ang mga kulay kayumangging kalasag. Naglabas ito ng kulay dilaw na usok. Pagkatapos dahan-dahang tumayo ang kung anomang nasa loob. Isang paruparo. Ulo ng paruparo ngunit katawan pa rin ng tao. Naka-office attire ang iba. Ang iba naman na lumabas sa kalasag, nakaunipormeng pang-estudyante. Nakaunipormeng pang nurse. Nakadress. Lahat babae. Nakabagsak pa ang mga pakpak. Sabay-sabay binuka ng mga ito ang kanilang mga pakpak. Naghahanda sa paglipad.

Doon na napanganga ng tuluyan si Matthew. Parang napalitan ng paghanga ang takot niya. Napakaganda kasi ng pakpak ng mga paruparong mariposa.

"Arggggh! Tulong! Puta!"

Nabigla si Matthew nang marinig ang sigaw. Nagkagulo sa rooftop nang may umakyat na paruparo. Kagat-kagat niyo ang ulo ng isang lalaking patuloy pa rin ang pagsigaw.

Nagtakbuhan na ang lahat kabilang si Matthew. Tuluyan na kasing kinain ng taong paru-paro ang ulo ng lalaki. Bumagsak ang katawan nito sa sahig at umagos ang sariwang dugo.

Kinapa ni Matthew sa bulsa ang sigarilyo. Naisip niya na makapag-yosi man lang bago siya mamatay. Lumapit sa pwesto nila ang napakarami pang paruparo. Nagsalu-salo sa mga nahihintakutang tao. Hinahagis nito ang mga katawan ng mga napapatay na parang naglalaro lang ng volleyball. Naghahagikhikan ang mga paruparo kapag hindi nasasalo ang mga katawang walang ulo. Naging lawa ng sariwang dugo ang rooftop.

Pumikit si Matthew bago siya buhatin ng paruparo. Hinigop ng matagal ang usok ng sigarilyo. Nanalangin na sana may malalaking tipaklong na pwedeng kumain sa paruparo.

Dumipa si Matthew. Parang pinauubaya sa mga insekto ang katawan. Dinura niya ang filter ng yosi. Payapa niyang hinintay ang nalalapit na kamatayan.

The Book of Human InsectsStories to obsess over. Discover now