Diary
Naglalakad ako sa ilalim ng malakahel na ulap sa pinong buhangin at mala-kristal na linaw ng tubig sa baybayin ng Torrejos, Beach sa isla ng Marinduque. Tuwing Mayo ay nagbabakasyon kami dito sa bayan nila Papa. Payapa at maaliwalas ang simoy ng hangin dito sa aplaya na tila naghahatid ng ibang sensasyon na makakapagpalinaw at makakapagpagaan ng mga agam-agam. Sa bawat hampas ng mga alon sa karagatan ay tila isang musikang maaaring maging daan upang makatakas sa mapanakit na mundong ating ginagalawan.
Dahil sa pagkalibang ko sa mga tanawin at sa pagtanaw ko sa perpektong paglubog ng araw ay di ko na napansin na nagtatalo na ang dilim at liwanag kaya napagpasyahan ko ng umuwi. Katatapos ko lang magbabad sa tubig matagal ko narin na di ito nagagawa dahil sa abala ako sa pag-rereview noong nakaraang bar- exam.
Mula sa aking bintana sa kwarto ay tanaw ko ang mga nag- gagandahang pagkinang ng mga bituin sa kalangitan at ang mga tunog ng mga kuliglig na nagpapaalala sa akin na malalim na ang gabi.
Natatandaan ko pa kung paano ako kainin ng inip dahil malayo ang nakasanayang buhay ko dito sa isla kumpara sa Quezon dahil mahina ang signal dito, kung di lamang dahil sa magagandang tanawin ay baka diko na nakayanan, baka bigla nalamang akong lumangoy sa dagat patungong Quezon.
Matutulog na sana ako ng mapansin ko ang isang lumang kuwaderno na nagkakahuyag- huyag na ang mga parte at isang medyo bago, at kasabay ng paglipat ko sa mga pahina ang pagkurba ng aking labi habang sinasariwa ang mga alaala.
March 2008
Dear Diary,
Hehe, hello diary! Wala kong maisip na sasabihin uso kasi ngayon ang diary e, nakikita ko sa kanila nagtanong ako kay Aling Ising kung anong dapat ilagay dapat daw ang nilalagay pangalan ng mga lalaking magaganda ang katawan, pero sabi ni Mama dapat daw ang mga ilalagay ko dito ay yung mga bagay na di ko masabi, alam mo ba diary kanina naglalaro kami nila Pina kakasura nga e, sabi ko gusto ko ako ang leader ng majorette kaso sabi nila sakin di daw pede, paputi daw muna ko si Beverly daw kasi maputi sya, e diary maputi lang naman sya muka naman syang bagong silang na kuting, sabi ko sa kanila bibigyan ko sila ng Aratilis pag ginawa nila kong leader pag nalibot kami sa signal, sawa na kasi akong maging drummer.
Magiging leader na sana ko diary kaso bigla na kong pinauwi ni Nanay sinisigawan nya pa ko kasi pinipilit nya kong magshort e ayaw ko nga e gusto ko nakapanty lang ako diary hihihi, kasi binabanas ako saka pag laging nakapanty lang ako pinagtitinginan ako pati ng mga kalaro ko feeling ko naiingit sila sakin diary hehehe, pero wag kang mag-alala nagpapajama naman ako pag gabi na kasi baka kagatin ako ng lamok ayoko namang magkapeklat ako o rashes gusto ko ang legs ko ay flawless.
Sige na diary alis na ko kasi kukutuhan pa daw ako ni nanay wag daw akong gagaya sa mga apo ni aling Ising na mga kutuhin.
PS. Ay wait lang pala hehe isusulat ko lang ang natutunan kong lesson ngayon na kapag may gusto kang bagay dapat pagsikapan mo kaya tandaan tayong mga kababaihan dapat perla lang ang sabon sa katawan!
Nanghihinayang,
Kheizel
