Hanggang gabi, maski nasa bahay na ako, siya pa rin ang iniisip ko.

            “Hoy, Welcome! Nakatunganga ka na naman. Tulungan mo ako dito sa longganisa.” 

            That’s my mom. Mom talaga o hahaha! Nanay ko yan. Tindera siya sa palengke. Maghapon siya sa nagtataga ng pata at tadyang at naghihiwa ng laman at taba ng baka, baboy at manok. At pag-uwi, gumagawa pa siya ng longganisa at tocino. Sipag no? Kaya pinagbubuti ko ang pag-aaral ko. Ayokong magbulakbol. Gusto ko makatapos, makapagtrabaho at maging rich. Para titigil na sa pagtitinda sa market si Mader. Itu-tour ko na lang siya balang araw sa Asia, America and Europe. Bongchi, di ba?

            Kaya rin tumutulung-tulong ako sa paggawa ng longganisa at tocino. Kahit nakakapudpod ito ng kuko dahil sa ingredient na asin. Kaya kayo, kapag kumakain kayo ng longganisa at tocino, isipin n’yo ang hirap na dinadanas ng gumagawa nito, ha? Huwag n’yo na lang isipin na kahit paano, may nakakain kayong kinaskas na kuko.

            “Bakit ka ba nakatulala?” tanong ng nanay kong hindi sanay na tahimik. Gusto niya, laging may lumalabas na salita sa bibig niya. Bungangera, in short. Pero advantage yon sa market, market lalo na pag sumisigaw siya ng Bili na! Bili na kayo!

            “Iniisip niya yung dyowa niya, Nay,” hirit ni Kuya Bal. Actually, ang palayaw niya: Balintawak. And you guess it right, ipinanganak siya sa Balintawak dahil again, hindi na naman umabot ang nanay ko sa ospital. Malaki kasi ang sipit-sipitan ng nanay ko kaya walang hirap sa panganganak. Kung saan abutan, doon na. Welcome to the world and babies.

            Heniwey, ang sabi ko kay Mader: “Hindi no. Wala pa po akong boyfriend. Imbento lang yang si Kuya Bal.”

            “Dapat lang. Nagpapakahirap ako sa palengke, gumigising ako nang maaga, at pag-uwi ko, trabaho ulit. Para ano? Para makapag-aral kayo. Para magkaroon kayo ng magandang kinabukasan. Para hindi kayo matulad sa amin ng tatay n’yo na dahil walang natapos eto, kayod marino! Sumalangit nawa ang tatay n’yo.”  

            Yes, single mother si mader at alam naman naming ang paghihirap niya kaya matino kami. Lalo na ako. Gusto ko lang magkaboyfriend ngayong fourth year hehe. Itatago ko na lang kay Mader. What you don’t know, won’t hurt you naman.

            “Wala po akong boyfriend,” sabi ko sabay bato ng basahan kay Kuya Bal na natatawa-tawa lang. Si Kuya Bal ay second year college, kumukuha ng Engineering sa F.E.U. Full scholar. Galing no?

            “Ako ho, may boyfriend na,” hirit naman ng bunso naming kapatid, si Nova. Kailangan ko pa bang pahulaan kung saan naman inabot ng panganganak ang nanay ko? Tumpak! Sa Novaliches. Pero Aurora ang true name niya. Nova lang ang nickname para pare-pareho kami.

            Nagtawanan na lang kami sa sinabi ni Nova kasi 6 years old lang siya. Grade one. Layo ng agwat namin, no?

            “Good evening po.”

            Napatingin kami sa pinto, kay Jerson, kapitbahay namin, barkada ni Kuya. May dala siyang gitara. Mahilig sila ni kuya na magbasketball at maggitara. Madalas siyang pumunta sa amin dahil daw kay kuya. Pero ang totoo, may gusto siya sa akin. Paano ko nalaman? Dahil pag naggigitara siya at kumakanta ng love sone, sa akin siya nakatingin. Halos magkandaduling siya sa pagpapapungay ng mga mata.

            May itsura naman si Jerson, pero walang effect sa akin yon. Dahil halos sabay kaming lumaki ni Jerson. Kilala ko ang likaw ng bituka niya. Nakita ko ang puwet niya at pototoy noong naliligo kami sa ulanan noong mga bata pa kami. Pero sorry siya, hindi niya nakita ang pichichay ko dahil mahilig akong mag-shorts, maski naliligo sa ulan.

            Kilala ko rin ang pamilya ni Jerson. Mababait din naman ang tatay at nanay niya, masikap din para sa mga anak. Pero tipikal na pamilya, nag-aaway ang magulang niya. Naghihiwalay. Nagbabalikan. Ilang beses na yatang naghiwalay at nagkabalkan ang parents niya. At kaming mga kapitbahay ang parang audience na nanood lang sa kanila.

            In short, walang mystery.

            Ang gusto ko sa magiging jowa ko, yung may air of mystery naman. Yung hindi mo kilala, pero ang journey ay yung unti-unti mo siyang kikilalanin. Getting to know each other ba? E, di sa amin ni Jerson, wala na yon dahil nga kilala na namin ang tabas ng buhay ng isa’t-sa.

            Ang gusto ko talaga ay yung may mystery.

            Parang yung lalaking nambatok kay Ramil sa sinehan.

            Pero paano ba yan, hindi ko naman na makikita ang cute guy na yon!

* * * * *

            But I was wrong!

            (Of course, this is a love story, di ba? Boy meets girl ek-ek).

            Kaya we met again.

* * * * *

            Second day of school. Late ako. Dahil nagpasama pa ang nanay ko sa palengke. Nagpatulong sa pagbubuhat ng mabibigat na bayong na may lamang longganisa.

            Kaya ayun, late ako sa school. Kaya zombie run ang drama ko. Para talaga akong hinahabol ng mga zombies sa World War Z sa bilis ko tumakbo. Halos dala-dalawang steps sa hagdan ang ginawa ko. Kaya noong pagliko ko sa hagdan, may nakabangga ako. Isang lalaki.

            Kung sa pelikula nangyari ang nangyari sa akin, slow motion yon. At kahit nagulat siya, sasaluhin niya ako, hahawakan sa bewang, pipigilang bumagsak. At magkakalapit ang mga mukha namin. Magkakatitigan. Mukhang magki-kiss. At ang audience, magsisigawan. Kikiligin.

            Pero sorry, hindi ito movie. Walang slow motion. Hindi niya ako sinalo.

            Bumagsak ako sa sahig na semento. Mabilis. Masakit. Wa poise!

            At ang mga estudyanteng nakakita, nagtawanan. Nag-apiran.

            Inis ako. Gigil. Gusto kong awayin ang lalaking nakabunggo sa akin.

            Pero pagtingin ko, siya yun, yung lalaking nambatok kay Ramil sa sinehan.

            My Mr. Right.

THE WRONG MR. RIGHT  By RJ NUEVASTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon