PANIMULA

325 0 0
                                    


Ang mga pagsasanay na nakapaloob sa koleksiyong ito ay ang mga pinaghirapan ko sa loob ng limang buwan ng semestreng pagkuha ng Fil150, o pagsulat ng kwentong popular. Pinasok ko ang kursong ito sa pag-asang mapabuti pa ang pagsusulat ko sa Filipino dahil hindi iyon ang nakasanayan kong lenggwahe. Ang totoo nyan ay mangilan-ngilang beses pa lamang ako nagsimulang magsulat sa Filipino bago ang semestreng ito, at hindi ko pa ito naipakita sa ibang tao. Kaya naman at ganun ang saya ko nang totoo nang nawo-workshop ang mga gawa ko at nakikita ang mga dapat pang hasain.

Lahat ng mga pagsasanay dito ay may kanya-kanyang kaakibat na hamon, lalo na iyong unang-una, ang interbyu, kung saan kami ay gumawa ng mga karakter na malayo sa aming kinagisnang buhay at sinubukan silang—siyang—bigyan ng buhay sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanya sa loob ng limitadong espasyo na isang pahina. Pinaniniwalaan ko na ito ang isa sa pinakamahirap na papel na dapat gampanan ng isang manunulat: ang paglalagay sa kanyang sarili sa paa ng ibang tao, gaano man kalayo ang buhay nito sa kanya. Dapat ay magaling siyang magsinungaling. Ang natutunan ko sa pagsasanay na ito ay kung gaano kakumplikado ang pag-iisip ng isang tao, at kung paano nagiging repleksyon ng kanyang isip ang kanyang mga gawain. Dito ko unang nakasalamuha si Iramadi, ang aking karakter mula sa India.

Para naman sa aking mga sumunod na pagsasanay, ang kababalaghan at krimen, ay ang hamon na hindi pa ako kailanman nagsulat para sa mga genre na ito, kung kaya't kapa kung kapa talaga. Madalas akong nagbabasa ng mga libro tungkol sa mystery at mga crime novels, ngunit kahit kailan ay hindi pa ako sumubok sumulat ng gano'n dahil sa takot na hindi ko mabigyang hustisya ang mga kwentong dapat kong isulat. Gayunpaman, ay naging magandang karanasan ang pagsusulat para sa dalawang nasabing genre, lalo na sa kababalaghan kung saan mas naging kumportable akong mag-eksperimento ukol sa mga paglalarawan.

Ang mga pagsasanay ko sa romansa at dalawang erotika ay ang mga pinaka-na-enjoy ko. Iyong romansa ay na-enjoy ko dahil syempre, iyon ang lagi nating nakikita sa mga libro. Wala naman atang librong hindi humapyaw sa konsepto ng pag-ibig. Ang naging hamon dito ay paano nga ba nakakapagpakilig ang manunulat? Ano ang mga dapat kilitiin? Paano ito nalalaman? Para naman sa dalawang erotika, hindi na ako magmamalinis: mahilig talaga ako sa green jokes kung kaya naman ay natuwa ako at may ganitong pagsasanay. At parehas kong isinulat ang dalawa habang umiinom ng bote ng beer, dahil tunay na mas malikot ang imahinasyon kapag may tama ka na. Isang fun fact: ang isa sa mga erotika ko ay may pagdampi (dampi lang naman) sa konsepto ng pagsisimba, dahil lang sa nafa-fascinate ako sa konsepto ng kalapastangan sa Diyos (hehe).

Nandito rin ang aking analisis ukol sa walong kuwentong popular kung saan sinubukan kong tignan ang mga senyales ng pagkahulog ng damdamin ng mga karakter. Hindi man ako sobrang matagumpay dahil sobrang nahirapan ako sa bandang ito, ay syempre may baon pa ring mga tips & tricks mula sa assessment na naganap matapos ito ipasa ('yun nga lang, hindi ko na ito na-edit).

Sa kabuuan, naging masagana ang semestreng ito base sa mga output at mga natutunan, at nagpapasalamat ako sa aming guro para doon.

Ang huling nakapaloob sa Wattpad na ito ay ang aking maikling kuwento, at syempre may sarili itong hamon. Kung ano 'yon? Basahin mo na lang para malaman mo.

Mga Pagsasanay at AnalisisWhere stories live. Discover now