Gusto kong makarating sa dulo ng bahaghari.
Bahaghari na sabi nila matatagpuan ang palayok ng ginto.
Doon sa dulo ng bahaghari maiibsan ang lungkot.
Lahat ng sakit, lahat ng pait, doon ibabaon sa pagkalimot.
Samahan mo naman ako doon sa dulo.
Tayong dalawa, kunin natin ang ginto.
Ginto ng kaligayahan, ginto ng palayok tayo'y magsalo.
Tayong dalawa lang, talikuran natin ang mundo.
Halika! Yan ang sinabi mo.
"Sasamahan kita sa dulo ng bahaghari kung yan ang gusto mo.
Dalhin natin lahat ng kulay mula pula, kahel, dilaw, berde, bughaw, indigo hanggang lila.
Hawakan mo ang aking kamay. Hihilahin kita hanggang sa tayo'y malula.
Malula sa iyong pagmamahal basta't ika'y kasama."
Sumama ako sayo palayo. Malayong malayo hanggang di na natin matanaw ang lupa.
Paangat ako ng paangat, takot na takot, lumilipad na parang lobo.
Lobo na hindi alam kung saan mapupunta pag naubos na ang aso.
Pahigpit ng pahigpit ang kapit ko sayo.
Sabi mo wag ako matakot. Kakapitan mo lang ako hanggang makuha natin ang ginto.
Yan ang pangako mo sakin noon hindi ba?
Sabi mo pa nga ang mahalaga tayo ay masaya.
Walang bibitaw, kapit lang, kapit sa pag-asa.
Ako naman si tanga, umasa ng umasa.
Kampante ako na kakapitan mo ako hanggang makarating sa dulo.
Na kahit di natin alam kung may aabutan tayo.
Sabi mo wag akong mag-alala. Wag akong susuko.
Matagal din tayong naglakbay, matagal din tayong lumipad.
Kasabay natin ang mga ibon na naghahabulan sa ulap.
Malayang malaya, walang inaalintana.
Walang pakialam sa kumpas ng mga pakpak sa hangin na rumaragasa.
Habang nasa taas, biglang nag- iba ang ihip ng hangin.
Nakita ko ang mga ibon nag uunahan pabalik.
Ang kaninang masayang lumilipad ngayo'y nangingilid ang mga luha.
Nanindigan ka at sinabi mo wag akong mabahala.
Ang sandali'y lumipas nawala na ang mga ibon marahil nakababa na sila sa lupa.
Nagdilim ang kalangitan at ang langit ay lumuha.
Nataranta ako, nanlumo sa nakita.
Kasama ka na ng mga ibon at naiwan akong basang basa.
Basang-basa sa luha, nagtataka, humihiyaw.
Sumisigaw, nagtatanong, nanlulumo, nagsusumamo.
Hanggang sa hindi ko na alintana kung anong umaagos sa aking mukha.
Ulan pa rin ba ito o nahaluan na ng aking luha?
Hindi ako nawalan ng pag-asa. Hindi ako bumaba.
Kumapit ako sa mga ulap dahil akala ko babalik ka.
Umaasa akong hihingi ka ng tulong sa mga ibon para muling ilipad ka.
Babalik ka. Alam ko, babalik ka.
Hindi ba't sabi nila pagkatapos ng ulan lilitaw na ang bahaghari.
Titiisin ko na lang lahat ng sakit, lahat ng patak ng ulan na bumubugbog sa buo kong katawan.
Dahil alam ko pagkatapos ng lahat magiging masaya na tayo.
Pagkatapos ng lahat lilisanin natin ang mundo.
Lumipas ang ilang araw, wala pa ring tigil ang ulan.
Hindi pa rin kita makita, siguro nilamon ka na ng kawalan.
Walang paramdam, walang paalam.
Ni hindi mo man lang tinapos ang ulan.
Pakiramdam ko ba parang wala ng katapusan.
Lunod na lunod na ang puso ko sa kalungkutan.
Hindi ka na talaga babalik, hindi mo na ako sasamahan.
Mag-isa na lang pala ako sa huli, wala man lang kalaban-laban.
Tumila na ang ulan at nagliwanag ang kalangitan.
Pinipilit sumilip ng mga mata kong mugtong mugto sa kapaitan.
Alam kong ilang sandali na lamang makakamit ko na ang kaligayahan.
Konting oras na lang, si bahaghari na ay nariyan.
Unti unti ko ng naaninag ang mga sinag.
Marahil ito na ang pag-asang muling magbalik ka.
Pitong sinag ang kumumpas, sunod-sunod na lumabas.
Pero nasan na sila? Nasaan na ang pitong kulay.
Wala palang kulay ang bahaghari.
Sa taong pinaasa na hanggang dulo'y ngingiti.
Wala palang kulay ang bahaghari.
Sa taong sinaktan at walang magawa kundi magsisi sa huli.
Wag kang mag-alala magiging maayos din ang lahat.
Siguro aakyatin ko na lang ang bahaghari na mag-isa.
Kung hindi ka man bumalik dito paakyat sa ating langit, asahan mo lilipad ako na may ngiti pa rin sa labi.
Ngiti na walang pait, ngiti na walang kasamang galit.
Alaala natin kailanman walang makahihigit.
03/28/2018
madam_bipolar
YOU ARE READING
ABAKADA ng PUSO (Spoken Poetry Compilation)
PoetryPara sa lahat ng minahal at nagmahal. Para sa mga iniwan at nang iwan. Para sa mga sumugal at nanalo. Para sa mga sinaktan at nanakit. Para sa mga umasa at nagpaasa. Para sa mga sumuko at pinasuko. Para sa mga niloko at nanloko. Para sa mga lumaban...
