[41] The Root of All Evil (Part 2)

Start from the beginning
                                    

Kanina sa headquarters nina Chief Martinez, bawat kasamahan ng dalaga ay nagpamalas ng pag-aalala. Lahat ay halos gustong sumama sa operasyon. Maging si James na kasalukuyan sanang nasa leave of absence dahil sa nalalapit na kasal ay walang pagdadalawang-isip na nagboluntaryong sumama sa meeting matapos makarating sa kanya ang balita. Ipinadala rin ng mataas na pamunuan ng pulisya ang  mga sharpshooters na pulis upang sila ang ipronta sa gagawing pag-atake.

Dinala si Alex sa isang hideout sa kabundukan ng Sierra Madre na nasasakupan ng lalawigan ng Real, Quezon. Pinaghihinalaang ang nasabing lugar ay isang lihim na kuta ng mga illegal loggers na pinamamahalaan din ni Pablo Garcia. Bandang alas onse ng gabi ay napapalibutan na ng mga pulis ang buong hideout. Nakatago ang mga awtoridad sa mga malalaking punong nakapalibot sa lugar. Ingat na ingat at walang ingay na nagmamanman ang mga ito habang naghihintay ng tamang tiyempo o senyales mula sa spy na pwede na silang sumalakay. Bukod sa mga nakaposteng pulis sa paligid, nasa may di kalayuan din ng bahagi ng bundok ang grupo nina Chief Martinez na binubuo ng mahigit trenta pang mga kapulisan.

                                              ------

Tinanggalan ng piring si Blake matapos ang mahigit dalawang oras ng biyahe. Patulak siyang pinababa sa van ng tatlong mga kalalakihang kasama. Ang pakikipagkita niya sa mga lalaki ay isang paraan lamang pala ng pagsundo sa kanya. Pagdating niya sa tinurong Arkanghela Villa ay piniringan, kinapkapan at pinalipat agad siya ng mga ito sa isang van. Itinago rin ang kotseng ginamit niya upang huwag magamit na ebidensiya.

Sa gitna ng masukal na kagubatan, ibinaba siya sa tapat ng isang konkretong pader na may taas na mga dalawa't kalahating metro. Di na siya makahaghintay na malaman kung ano ang nasa likod nito at makita ang kalagayan ng kasintahan. Madilim pa rin ang buong paligid ngunit nakakarinig na siya ng pagtilaok ng mga manok. Naamoy niya rin ang simoy ng hangin na nagmumula sa tila bagong kaingin na bahagi ng kabundukan.

Nahinto siya sa paglinga sa paligid nang itulak siya papasok ng isang malaking gate na gawa sa magaspang at makapal na kahoy. Nagulat siya nang makita kung ano ang nasa likod ng mataas na pader. Isa itong pinatag na bahagi ng bundok na mahigit dalawang hektarya ang laki. May patong-patong na higanteng mga troso sa bawat gilid. May limang maliliit na tambayang kubo kung saan may mga alertong nakatayong armadong kalalakihan at sa bandang kalagitnaan ng lugar ay may isang sementadong bodega na gawa sa pinagdikit-dikit na hindi pa nakakatamang mga tabla ng niyog ang bubungan.

Naglakad sila patungong bodega habang nakatingin sa kanya ang mga armadong kalalakihan. Nakahawak ito sa mga sukbit na mahahabang baril na animo'y handa siyang barilin anumang oras na magkamali siya ng galaw. Papalakas ng papalakas ang kabog ng kanyang dibdib habang papalapit sila sa bodega. Kung hindi lang siya kailangang mag-ingat ng galaw, kanina niya pa tinakbo ito upang makita agad si Alex.

Kinapkapan ulit siya ng mga bantay sa pintuan. Hinubad ang suot niyang sinturon at relos bago siya pinapasok. Nakakailang hakbang pa lamang siya sa loob, nakita niya agad si Alex na nakatali sa silya habang nakatakip ang bibig. Nanlaki ang mga mata nito pagkakita sa kanya at paulit-ulit na umiling bilang pahiwatig ng pagtutol sa pagsama niya sa mga kidnappers.

"A-Alex..." hinihiwa ang dibdib na sambit niya. Tinangka niyang lumapit sa kasintahan subalit pinigilan siya ng mga lalaki.

"Let her go! Andito na ako kaya pakawalan niyo na siya!" pagpupumiglas niya.

Nagbukas ng isa pang ilaw malapit sa mesa kung saan kanina'y nag-iinuman ang mga bantay. Hinawi ang mga bote't upos ng sigarilyo sa ibabaw nito at sapilitang pinaupo si Blake sa isang mahabang silya.

"Hindi pa siya pakakawalan hangga't hindi pa namin nakukuha ang kailangan namin sayo!" sabi ng mamang may bigote. Sa kilos at pagmamando nito sa mga kasamahan halatang ito ang may pinakamataas na posisyon sa mga naroroon.

Ang Syota Kong Astig! (Published Under Summit/Pop Fiction)Where stories live. Discover now