"Saan ka ba nanggaling, Burt?" tanong ni Urbino. "Urbing" ang palayaw nito. Ito ang pinakapayat sa grupo. Kahit bata pa ay palaging may itim na nakapalibot sa mga mata nito, tanda na hindi gaanong nakakatulog sa gabi.

"Sa bahay. Nakuha na ni Lola ang card ko. Pasado sa lahat! Ikasa mo, Wulfredo!" Inilahad niya sa kaibigan ang kamay na pinalo naman nito.

"Ayos!"

"Kayo, nakuha na ba ninyo ang card n'yo?" tanong niya, sabay kuha sa nalalabing tira-tira mula sa bulsa at ipinasa sa mga ito.

"Pasado naman," sabi ni Wulfredo.

"Pasado," sagot din ni Cholo.

"Hindi ko alam, eh," sabi naman ni Urbino na naging mailap ang mga mata. Wala pang anim na buwan nang mamatay ang nag-iisang kapatid na babae nito. Pinaslang iyon sa Maynila pagkatapos magahasa. Magmula noon, parang namatay na rin ang mga magulang nito, nagkaroon ng sariling mundo.

Sa pagkakaalam ni Burt ay second year college na ang kapatid ni Urbino nang mamatay. Hindi niya eksaktong alam ang mga detalye. Hindi kasi palakuwento si Urbino tungkol doon sa kanila, maliban na lang kay Wulfredo, ang pinakamatalik na kaibigan nito sa grupo.

Sapat na ang nalalaman niya para malamang hindi na inaasikaso ng mga magulang si Urbino. Kung noon, palagi itong may bagong damit, madaldal, sobrang palatawa, ngayon ay nabawasan na iyon. Minsan nga bigla na lang itong natutulala. Alam nilang lahat, hindi man direktang sinasabi ni Urbino, na apektado ito sa nangyari sa kapatid, lalo na at mukhang hindi na ito pinapansin ng mga magulang.

"Pasado 'yan, ikaw pa ba?" sabi ni Wulfredo kay Urbino na agad naman nilang sinegundahan ni Cholo.

"Hindi ko alam kung sino'ng kukuha ng card ko. Sino'ng kumuha ng sa 'yo, Burt?"

"Ipinakuha ko sa tita ko." Minsan lang kung umuwi sa kanila ang tiyahin niya, pero nagpapadala naman buwan-buwan ng pera. Kapatid ito ng kanyang ina.

Namatay na raw ang ina ni Burt, sabi ng lola niya. Ang kanyang ama naman, kahit na anong pilit niya ay ayaw ikuwento ng matanda. Hindi rin daw kasi nito alam ang tungkol doon.

"Mestisong bangus" ang tawag sa kanya ng ilan. Hindi niya alam eksakto ang ibig sabihin niyon pero naiintindihan niyang iyon ang itinatawag sa tulad niyang halatang hindi purong Pilipino. Halata iyon sa kulay ng kanyang balat, mga mata, at buhok. Banyaga rin ang kanyang apelyido. Pero hindi na niya iniinda iyon. Mabait naman ang lola niya kaya hindi na niya kailangan ng mga magulang.

"Ako, kinuha ng nanay ko," sabi naman ni Cholo.

"'Yong sa 'kin dinaanan ng kuya ko." Tumawa si Wulfredo. "Crush n'on si Ma'am, eh. Yosi?" Naglabas ito ng sigarilyo at inabutan silang lahat.

"Saan mo na naman nakuha 'to?" nakangiting tanong ni Burt. Para sa kanila, walang kasinsarap manigarilyo nang patago. Mga haring naninigarilyo habang pinagmamasdan ang kaharian nila, iyon sila.

"Sinabi ko na sa kanila, eh. Hindi lang siguro naalala ni Mama," sabi ni Urbino. Sa kanilang apat, ito ang inakala niya noon na malayo ang mararating. Hindi kaila sa buong bayan na maykaya ang pamilya ni Urbino. Kaya nga sa Maynila nag-aral ang kapatid nito. Sila nina Wulfredo at Cholo, baka sa nag-iisang vocational school sa Pakyit-pakyitan bumagsak pagka-graduate ng high school. Magse-second year na sila sa pasukan.

"'Wag kang mag-alala, kukunin din niya 'yon," muling sabi ni Wulfredo.

"Hindi ko alam. Kung may pera lang sana ako."

"Mayaman naman kayo, ah," sabi ni Burt. May-ari daw ng isang pagkalaki-laking grocery sa Maynila ang pamilya ni Urbino. Hindi pa siya nakakapunta roon pero iyon ang balita sa kanila.

Territorio de los Hombres 1: Burt Sullen (Published by PHR, COMPLETED)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora