Amara

16 0 0
                                        


Sa kaharian ng Deanora, na malayong malayo na tila nasa dulo na ng mundo, nakatira ang isang dalagang nagngangalang Amara. Siya ay anak ng mayamang pamilya na malapit ang loob sa trono. Matalik na magkaibigan si Ginoong Garen, ama ni Amara, at ang hari ng Deanora na si Haring Tomoe. Maraming kababaihan ang labis na naiinggit kay Amara dahil sa taglay niyang kagandahan, talino at talentong walang makakapantay. Napapahanga ang lahat sa galing niyang sumayaw na tila isang tubig na gumagalaw. Hindi rin siya magpapahuli sa awitan. Mala-anghel ang kanyang boses kapag siya ay umaawit at laging umuuwing luhaan ang mga tagapakinig. Tinaguriang "Kamay ng Diyos" ang kanyang mga kamay sapagkat napakagaling niyang magtahi at magburda ng mga sapin sa katawan at iba pa. Si Amara ay perpekto sa mata ng marami, ngunit, lingid sa kanilang kaalaman ang tinatago niyang alibadbad para sa mga pangit o may kapansanan. Hilig niya ang mga magagandang bagay lamang. Hindi niya mawari kung bakit may mga taong pangit at may kapansanan. Sa isip niya, ang mga taong iyon ay sobrang sama ng mga ugali kaya pati mga itsura nila ay ganoon din.

Buong buhay ni Amara ay wala siyang hiniling sapagkat lahat ng kailangan niya ay naibibigay sa kaniya. Ngunit, noong araw na iyon, nagkaroon siya ng isang bagay na nais niyang makamit, ang Prinsipe ng Deanora. Isang beses napadaan ang hari at ang kanyang pinagkakatiwalaang mga tauhan at ibang kawal sakay ang kani-kanilang kabayo sa kapitolyo mula sa pangangaso sa gubat ng Omaya. Namimili siya ng mga kagamitan para sa kanyang tatahiing damit noong mga panahong iyon. Kadalasan ay wala siyang pakialam sa hari o sa mga maharlika at irerespeto lamang ito kung kailangan. Ngunit, nakuha ng atensiyon niya ang lalaking nakasunod lang sa hari. Isang napakagandang lalaking mala-ginto ang buhok at ang mapang-akit niyang berdeng mga mata ang tumambad sa kanya. Nakasuot ito ng puting tunika sa ilalim ng asul na kamisola na ipinares sa itim na pigi na bumagay naman sa payat at mahaba niyang katawan. Suot ng lalaki ang pares ng bota na umabot hanggang ilalim ng tuhod. Napaka-amo ng kanyang mukha habang kumakaway sa mga tao. Ang ngiti nito ay napakatamis at nakakaakit na tila nakapanghihina ng mga tuhod ng mga kababaihan. Napakaganda naman ng lalaking ito, sa isip ni Amara.

"Napaka-gwapo talaga ni Prinsipe Gavin!" sambit ng alalay ni Amara na si Sanya habang nakapatong ang kanyang baba sa mga kamay niyang kaniyang pinagdikit. Napatingin siya dito at kitang-kita niya ang pagkinang ng mga mata ni Sanya at ang pagkahumaling na bumakas doon. Ibinalik ni Amara ang tingin sa prinsipe at nagulat na lamang siya nang makitang nasa harapan na niya ito. Nakatingala siya rito sapagkat nakasakay ito ng kanyang kabayo. Biglang tumahimik ang mundo niya at tanging ang kabog mula sa kanyang dibdib ang kanyang naririnig at tila bang siya ay nabulag dahil wala siyang makita sa paligid maliban sa prinsipe na nakatingin sa kaniya habang inilalahad nito ang kamay niyang may hawak na pulang rosas. Biglang kuminang ang prinsipe sa kanyang paningin at tila tumigil ang kanyang mundo ng mga sandaling iyon. Hinding-hindi makakalimutan ni Amara ang araw na iyon.

Natapos ang araw na iyon nang hindi linisan ng kanyang isip ang prinsipe. Lagi siyang nakatingin sa rosas na binigay sa kanya ng prinsipe habang nakasakay sa karuwahe nang tinatahak nila ang daan pauwi sa kanilang tahanan. Hindi pa rin niya makalimutan ang ginawa ng prinsipe. Labis siyang nahumaling rito at nakaramdam siya ng kakaibang pakiramdam sa kanyang puso. Gusto niyang makita at makasama ng panghabambuhay ang prinsipe. Hiniling niya sa kanyang ama na ipakasal siya sa prinsipe. "Gusto ko siya, Ama. Siya lang ang gusto ko at wala nang iba. Gusto kong mamuno kasama siya at bigyan siya ng mga anak na katulad niya. Maaari mo bang gawaan ng paraan upang mapasaakin siya?" halos magmakaawa si Amara sa kanyang ama, ilang araw ang nakalipas simula nang makita niya ang prinsipe. Mahal na mahal ni Ginoong Garen ang kanyang anak kaya gagawin niya ang lahat upang matupad ang kahilingan ng kanyang dalaga. Labing-anim na taong gulang na ang kanyang anak, nasa tamang edad na para ipakasal.

AmaraWhere stories live. Discover now