"Gusto ko lang ng maayos na matitirhan. 'Yong may tamang CR at tamang kama." Nahihiya kong sinabi.

Ayaw kong i-point out ang kawalan ng ganon sa building pero paano ko ipapaliwanag sa kanya ang punto ko kung hindi ko iyon sasabihin?

"Oh, okay." Tumaas ang kanyang kilay at kumain ulit.

Nawalan na talaga ako ng ganang kumain. Pinilit ko na lang ang sarili kong ngumuya sa steak na nakahain. Ayaw kong isipin niyang sinasayang ko ang pera niya. Isa pa, hindi ako palaging nakakakain ng ganito, dapat ay sulitin ko ito.

"Salamat nga pala sa lunch." Sabi ko para gumaan naman ang hangin sa aming dalawa. "After one thousand years, nakakain na ulit ako ng ganitong pagkain." Tumawa pa ako.

Kumunot ang kanyang noo. "Bakit? Anong kinakain mo?"

"Sardinas lang madalas. Pag maraming pera, Century Tuna." Tawa ko ulit.

Natigilan siya. "Ano? Sardinas?" Parang hindi niya ako narinig.

Tumango ako.

"Are you kidding me, Sunshine Aragon?" Kunot ulit ng kanyang noo.

Umiling ako at nagulat sa galit sa kanyang boses.

"Hindi ba kita siniswelduhan ng maayos para kumain lang ng sardinas?"

"Hindi pa ako na s-swelduhan. Limang araw pa bago ang 15." Sabi ko na agad kong pinagsisihan.

Kung sana ay pwedeng umo-o na lang ako sa lahat ng kanyang sinabi nang sa ganon ay hindi na kami magtalo pa ay ginawa ko na sana.

"You can have your-"

Pinutol ko kaagad siya. "Hindi na. Okay lang ako. May pera ako dahil sa gig nong Sabado. Last week wala, kaya Sardinas lang."

Matalim ang titig niya sa akin at hindi ko alam kung saang banda ko siya ginalit.

"Pag binigay sa akin ng advance ang pera, baka di ko maipon ng maayos. Naghahanap pa naman ako ng matitirhan." Sabi ko.

Nagpatuloy ako sa pagkain at mukhang siya naman ang nawalan ng gana ngayon. Siguro ay ganon ka nakakadiri ang Sardinas kaya hindi niya na magawang kumain ngayon sa harap ko. Nilihis ko ang usapan nang sa ganon ay makalimutan niya.

"Uh, hindi ko alam na nakikipag lunch ka pala sa mga empleyado." Biro ko sa kanya.

Umangat ang kanyang labi. Halos magpasalamat ako sa lahat ng Santo at nakalimutan niya ang pandidiri sa Sardinas. "Nakikipag lunch naman talaga ako. Hindi nga lang palagi." Aniya.

Tumango ako at medyo nabigo. Akala ko ako lang. Syempre, maaaring naka lunch niya na ang mga taga ibang department? Baka nga pati si Mia?

"Nakapag lunch na kayo ng sabay ni Mia?" Tanong ko.

"Oo. Nakalunch ko na ng sabay 'yong halos lahat ng mga kahit saang department. Pero sabay sabay, hindi isa-isa."

"Ahh..." Dahan dahan akong tumango sa sinabi niya.

Halos maghuramentado ako sa hindi malamang kadadahilanan. Basta ang alam ko ay masaya ako dahil mukhang ako lang ang nasolo niya sa lunch!

Every Beast Needs A Beauty (GLS#1)(Published under Pop Fiction, and MPress)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon