"Naku, Nat. Pag-usapan nyo yan," salo ko naman. "Ga'no na ba kayo katagal?"

Ikiniling nya ang ulo na tila nagkakalkula sa isip, "Mag-iisang taon, kung kasali yung malanding ugnayan pa lang."

Natawa kami. Cool naman pala itong kausap.

Di na nga sya umalis. O sa mas tamang salita, parang di na nag-text yung BF nya kung saan sila magkikita.

Naawa naman ako dito kasi halatang tinatago nya lang ang lungkot na nararamdaman sa pakikipag-inuman at pakikipagkulitan sa amin.

Ang nangyari, parang yun ang naging daan para malaman namin ang ilang bagay-bagay kay Nat.

Dun sya nagkuwento na bago pa lang sya sa Maynila. Pangalawang trabaho nya pala yung call center dito sa Metro Manila.

Laking Quezon ito at doon nagtapos ng pag-aaral.

"Dati akong teller sa isang rural bank sa amin. Nung una, ayos lang kahit mababa ang sahod kasi may trabaho din si Papang. Kaso, nung magkasakit at mamatay si Mamang, nabaon kami sa utang. Ayoko namang mahinto yung bunso namin sa pag-aaral. Dalawang taon na lang, may engineer na kami. Kaya pinayagan na 'ko ni Papang na dito sa Maynila magtrabaho."

Lampas isang taon pa lang ito sa Maynila. Sa isang medyo crowded at maeskinitang lugar daw sya dati umuupa. Maingay raw sa umaga kaya lang pinagtyagaan na nya since di kalakihan ang baon nyang pera nung mapadpad dito.

"Nung ma-regular na 'ko sa call center, saka ako lumipat sa maayos na paupahan. Kaso, sobrang pakialamera nung may-ari at tsismosa. Tapos, dito na."

Nagiging madaldal na ito sa standard nang pagkakaalam naming tahimik sya. Dala na rin siguro ng alak at sama ng loob sa boyfriend nya.

Nag-krik uli yung swing door, kasabay nang pagbukas ng maindoor.

Si Vicky at Joey.

Natawa kami.

"Air pressure, guys! Air pressure!" sabi ko.

Na-gets agad yun ni Vicky na kararating lang. Umirap ito tas biglang nanlaki ang mata nung makita si Nat sa sala.

"Aba, Nat! Welcome to the club!" ang bulalas.

Natawa na naman kami. Pero si Nat, saglit lang napangiti.

Napatingin sya uli sa swing nung mag-krik yun na di naman namin pinansin na.

"Nat, bakit?" tanong ko.

Walang emosyon ang mata nya nung tingnan ako, "Wala. Tara, tuloy na tayo."

"Akyat lang kami para magpalit," sabi ni Joey.

Wala pang tatlong minuto umakyat sina Vicky, nagpaalam ako sandali para magbanyo.

Pagbungad ko sa kusina, parang may nakita na naman akong gumalaw sa ilalim ng hagdan. Kinapa ko agad ang ilaw.

Napailing na lang ako pagkalat ng liwanag. Wala naman.

Tinakpan ko muna ang tatlong bandehado ng ulam sa mesa na kinukuhanan namin ng pulutan bago ako magbanyo.

Shocks! Ang dami ko na yatang nainom. Maliban sa ang dami kong inihi, medyo hilo na talaga ako.

Narinig ko na may mahina pero mabibilis na hakbang pababa sa hagdan.

"Victoria, kumain na kayo dyan. May kanin sa kaldero," malakas kong sabi.

Wala akong narinig na sagot. Baka di ako narinig.

Binuksan ko yung pinto papalabas ng banyo. Saglit lang yung umawang tapos parang may tumulak nun pasara sa kabilang side kaya sumara uli.

"Oy, sino yan? Para kang tanga!" natatawa ko pang sabi habang tinulak ko rin pabukas sa side ko.

Sa May Hagdan (Short Story)Where stories live. Discover now