FRIENDS.

4 0 0
                                        

"Friends?"

Bata pa lang tayo nung nagkakilala tayo. Magkakilala ang mga magulang natin, dahil hindi maipagkakaila na magkatulad sila ng hilig. Sugal. Alak. Bisyo. Nandoon ka lang sa gilid, may luha sa pisngi. Pitong taon gulang ka noon at ako'y walo. Dun nagsimula ang lahat.

Simula noon, lagi na tayo magkasama. Naging sandalan natin ang isa't isa. Naging kapatid kita, hindi man sa dugo ngunit alam ko na gusto kitang alagaan at mahalin bilang kuya mo. Labing isang taon gulang ka noon, habang ako'y labing dalawa. Hindi ko alam na nagugustuhan na kita.

Nagpapasalamat ako sa pagsusugal ng tatay ko dahil kung hindi, hindi ko makikilala ang babaeng tulad mo. Napagtanto ko na gusto na kita. Hindi bilang kapatid ko, pero bilang isang babae. Labing limang taon gulang ka noon, habang ako'y labing anim. Tangina, hindi ko alam. Mahal na pala kita.

Natatakot ako. Oo, natatakot ako. Paano kapag nalaman mo? Ano sasabihin mo? Lalayuan mo ba ako? Labing anim na taon gulang ka noon, habang ako'y labimpito. Inamin ko sa'yo ang nararamdaman ko.

"Ang saya ko... Mahal din kita." Ang tatlong salitang na hindi ko akalaing sasabihin mo ay lumabas na mismo sa sarili mo'ng labi. Labing anim ka pa rin noon, habang ako'y labim pito. Inalay ko sa'yo ang buong pagmamahal ko.

Isang araw nung minsa'y naglalakad tayo sa dalampasigan. Nabigla ako ng bigla mo akong hinalikan sa pisngi. Labingwalong taong gulang ka noon, habang ako'y labing siyam. Naging akin ka at ako'y naging iyo.

Hawak kamay, kinaya natin ang lahat. Ang lahat ng pagsubok, unos at dagok sa ating relasyon. Sa tagal ng panahon, ikaw ang tanging kasiyahan ko. Ang mundo ko. Labingsiyam taong gulang ka noon, habang ako'y dalawampu. Ang saya natin... Bakit biglang naglaho?

"Maghiwalay na tayo," iyan ang mga katagang ni minsan ay hindi ko aakalaing manggagaling sa'yo. Bumaha ang mga tanong sa isipan ko.

"Bakit?"
"Hindi ka na ba masaya?"
"Hindi mo na ba ako mahal?"
"Nagkulang ba ako?"
"Nakahanap ka ba ng iba?"

Ang sandamakmak na tanong ay nasagot sa isang tingin sa tiyan mo, sa sinapupunan mo. Dalawampung taong gulang ka noon, habang ako'y dalawampu't isa. Nawala sa akin ang pinakamamahal ko.

Dalawang taon ang lumipas, unti-unti ko nang nalilimutan ang sakit na dulot mo sa'kin. Naging matatag ako para sa'yo, para sa magiging anak mo. Pinakawalan kita. Kahit masakit, kahit mahirap. Ayokong makasira ng pamilya, ayokong humadlang. Hinayaan kitang lumakad papunta sa altar, sa altar na kung saan ako dapat ang nakatayo. Kung saan dapat mangagako tayo sa harap ng lahat, at sa harap ng Diyos. Dalawampu't dalawang taon gulang ka noon habang ako'y dalawampu't tatlo. Nagkita tayong muli.

Nagkita tayong muli sa isang parke, kasama mo ang anak at asawa mo. Habang ako? Kasama ko.. kasama ko ang wasak kong puso at madilim na mundo. Lumapit ka sa akin, at naalala ko ang lahat.

Bata pa lang tayo nung nagkakilala tayo. Magkakilala ang mga magulang natin, dahil hindi maipagkakaila na magkatulad sila ng hilig. Sugal. Alak. Bisyo. Nandoon ka lang sa gilid, may luha sa pisngi. Pitong taon gulang ka noon at ako'y walo. Dun nagsimula ang lahat. At sa isang salita lang din matatapos ang lahat.

"Friends?".

--

Walong taon ang lumipas ay nagkita tayong muli. Hindi ko alam kung ano ang aking dapat na maramdaman. Saya? Lungkot? Galit? Takot? Saya dahil sa wakas ika'y muling nakita? Lungkot dahil kahit anong mangayari, ika'y di na magiging akin pa? Galit dahil ni minsa'y di ka humingi ng tawad? O Takot dahil hanggang ngayon ay mahal parin kita?

Napatingin ka sa aking kasama. Gano'n rin ako sa iyong bunsong anak. Nasa iyong gilid, may luha sa pisngi. Pitong taong gulang ito, habang ang kasama ko'y walo. Sila'y nagtitigan at napangiti.

"Friends?"

"Friends."

Ngayon labinlimang taon ang lumipas mula nong huli  nating pagkikita, alam ko na kung bakit ito nangyari. Habang pinagmasdan kitang umiiyak nang ibinigay mo ang kamay ng iyong anak sa aking pamangkin. Apatnapu't limang taong gulang ka na habang ako'y apatnapu't anim. Dahil sa iyong luha, naalala ko lahat.

Bata pa lang tayo nung nagkakilala tayo. Magkakilala ang mga magulang natin, dahil hindi maipagkakaila na magkatulad sila ng hilig. Sugal. Alak. Bisyo. Nandoon ka lang sa gilid, may luha sa pisngi. Pitong taon gulang ka noon at ako'y walo. Dun nagsimula ang lahat. At ngayon ay kailangan nang matapos. Upang magsimula ang bagong istorya...

"I do."

...kung saan hindi na tayong dalawa ang bida.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 30, 2019 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

FRIENDSWhere stories live. Discover now