Handa Na

9 1 0
                                    

Handa Na

"Derelle, gusto kita." Hindi ko mahanap ang mga tamang salita na dapat mamutawi sa aking mga bibig nang marinig ko ang sinabi ni Erika.

"Erika... patawad, pero hanggang kaibigan lang ang maibibigay ko sa iyo." Nakita ko ang kalungkutan sa kanyang mga mata. Ngunit sa kabila ng kalungkutan ay nakuha niyang ngumiti upang sabihin na, "Ayos lang, tanggap ko naman."

Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman noong umalis na siya sa harap ko. Dapat ko ba siyang habulin? Hindi ko alam. Ngunit ramdam ko ang sakit sa aking dibdib dahil sa maling desisyon ko sa buhay. Hindi ko dapat siya itinaboy... gusto ko siyang habulin ngunit alam kong huli na.

Simula noon ay naging malayo na sa akin si Erika. Walang araw na hindi ko hinanap ang presensiya na... sabi na nga ba at buong buhay kong pagsisisihan ang desisyon kong iyon.

Nagkamali ako. Maling-mali.

***

Unang araw sa klase at nakikiramdam pa lang ako sa mga bago kong kaklase. Hindi ako sanay na ganito katahimik, pero paano naman ako makakapag-ingay kung wala akong kasundo?

"Ang tahimik mo ah?" Nakatayo ngayon sa harap ko ang isa sa pinakamagandang babae sa loob ng klase. Hindi ko inakala na magiging ganito siya kaganda. Naaalala ko pa dati, hindi man lang marunong mag-ayos si Erika Mendoza pero ngayon ay ang kapal na ng kilay.

"Ganun talaga, hindi nga rin ako sanay e."

Nagpatuloy ang mga araw at mas lalong naging malapit ang loob namin sa isa't isa. Siya ang nakakasama ko araw-araw at unti-unti na akong nasasanay na lagi siyang nand'yan. Minsan napapatanong na lang ako sa aking sarili kung ano na nga ba kami. Pero siguro magiging masaya na lang ako sa kung anong mayroon kami ngayon.

"Mendo, tara kain tayo."

Habang nasa harap kami ng pagkain ay hindi ko mapigilang hindi titigan ang kanyang mukha. Marami na talaga ang nag-iba sa itsura niya ngunit nakikita ko pa rin ang dating siya. Oo, siguro naging marami ang pagbabago sa kanyang panlabas na anyo ngunit ang kanyang ugali ay nanatili. Iyong ugali at pagkatao niya na nagustuhan ko.

"Hoy natutunaw na ko ah, nagkakagusto ka na siguro sa'kin." Napuno naman ang lugar ng kanyang tawa at naradaman kong bumilis ang tibok ng aking puso. Parang musika ang kanyang tawa na bumubuhay sa pagkatao ko.

"Luh, hindi ah. May tanong lang ako, kahera ka ba?"

"Bakit?"

"Kasi mukha kang bayaran!" Nakita ko ang pagkunot ng noo niya at pagkainis sa mukha.

"Nakakainis ka talaga Derelle! Bahala ka na nga d'yan." Nakita ko naman ang paglayo niya sa akin at paglapit kay Robert. Hindi ko man inaasahan ngunit naramdaman ko ang pagkabog ng aking dibdib na waring nagsasabing may mali.

Muli ko silang tiningnan at naramdaman ang selos na unti-unting bumabangon sa sistema ko. Gustong-gusto ko silang paglayuin kaya naman... "Uy ano ba yan!" Tinabihan ko sila upang mas masubaybayan ang kanilang ginagawa.

"Tigil nyo daw yan, nagseselos si Derelle!" Narinig ko ang tawanan ng buong klase. Hindi ko hahayaang makita ng lahat kung ano ang tunay kong nararamdaman kaya naman... "Oo nagseselos ako." Nagtilian naman sila kaya agad ko itong sinundan ng, "Gusto ko kasi si Robert."

Pero hindi... kung alam lang nila. Gusto kong ako lang, ako lang ang pwedeng humawak kay Erika. Hindi ko na kayang itago pa sa sarili ko kung ano ang tunay kong nararamdaman. Alam kong mali na hindi ko siya binigyan ng pagkakataon dati pero ngayon ay handa na akong itama ang lahat. Handa na akong ipagpatuloy ang kung ano man ang naudlot sa amin dati.

Mahal ko na si Erika Mendoza at hindi ako tanga upang tumigil na lamang at hayaan siyang makahanap ng ibang lalaking mamahalin niya. Ako 'yon, ako lang dapat ang mahal niya at mamahalin niya. Hindi ko hahayaang mauwi ang lahat ng napagsamahan naming sa wala.

Sa pagkakataong ito ay wala nang makakapigil pa sa akin.

Handa na akong totohanin ang lahat.

Handa Na (One Shot)Where stories live. Discover now