Chapter 1

13 1 0
                                    


Year 2019

Miyerkules. Nakangiting pinagmasdan ni Rodgine ang grupo ng mga kapitbahay nila sa bintana ng kanyang silid. Tipikal na hapon iyon para sa kanya at ang tagpong kanyang nasasaksihan nang mga sandaling iyon ay hindi na rin bago sa dalaga. Makikita sa kalsada ang grupo ng kalalakihan na nag-iinuman. Mukhang nag-uumpisa na ang tensyon sa mga ito sapagkat nakita niya ang biglaang pagtayo ng isang may malaking tiyan at hubad na lalaki. Hindi ito matangkad, mukha itong dugong kung titingnan. Kalbo at halatang sanay na sanay ang katawan sa alak.

Paglingon naman niya sa kanang bahagi ng kalsada ay namataan niya ang grupo ng mga kabataang kababaihan. Sa tantiya niya, nasa labindalawa ang pinakabata sa mga iyon at anim ang bilang ng grupong iyon. Halos lahat ng mga iyon ay panay maiiksing shorts na tila hindi pa yata nakaabot sa gitnang bahagi ng mga hita ng mga ito ang suot na pang-ibaba. Base sa obserbasyon ni Rodgine, mukhang ang anim na grupo ng mga kababaihang iyon ay nagpapa-cute sa grupo ng mga kalalakihan na nakatambay sa harap ng tindahan ni Aling Molly.

Sa kasamaang palad, katapat ng nire-rentahang bahay ng pamilya nina Rodgine sa kabilang kalsada ang nasabing tindahan. Hindi lang iyon sapagkat mismong katapat rin ng bintana ng silid niya sa ikalawang palapag ang tindahan. Awtomatikong umikot ang mga mata ni Rodgine nang makita ang grupo ng mga kalalakihang nakatambay sa harap ng tindahan. Tipikal na tambay ang hitsura ng grupong iyon. Panay malalaking pang-itaas na damit, nakabaliktad na paraan ng pagsuot ng sumbrelo, malalaking pang-ibabang short na kung ilalarawan ay hindi man lang nasasapatan ang kalahati ng pang-upo ng mga ito at hindi mawawala ang mga pantambay na kanta ng mga ito. Kung ano mang klase ng kanta iyon ay hindi niya alam at wala siyang balak alamin kung ano iyon.

Tipikal na sandali. Tipikal na tanawin. Napabuntong-hininga na lamang si Rodgine. Rinig na rinig ng dalaga ang ngayon ay nagkakagulo ng grupo ng nag-iinoman. Tulad ng hinala niya, mukhang nagkainitan na nga ang mga ito. Sumilay ang kakaibang ngiti sa mga labi niya. Tuluyan nang nakuha ng pangyayaring iyon ang atensyon niya.

Mataman niyang pinagmasdan ang nagkakagulong grupo ng kalalakihan. Sa kabila ng distansya niya sa mga ito, rinig na rinig pa rin niya ang malulutong na mura na pinakakawalan ng lalaking nakita niyang biglaang tumayo kanina. Mas lalo pa niyang pinagbuti ang ginagawang pakikinig. Hindi niya mawari kung bakit kahit hindi umiimik ang ilang taga-awat sa dalawang lalaki ay tila naririnig pa rin niya ang nasa isip ng mga ito.

"Tama na 'yan." Sa pagkakataong iyon ay nakilala na niya kung kanino nangmula ang tinig na iyon. Sa tatay niya.

Sa ikalawang pagkakataon ay muli na naman siyang napabuntong hininga. Kung kailan nag-eenjoy na siya sa nasasaksihan ay saka naman umeksena ang tatay niya sa pag-awat sa mga ito. Parati na lamang gano'n ang nangyayari.

Nang mahagip ng kanyang mga mata ang tatay niya, nakita niya kung paano nito kinausap ang dalawang kanina lang ay nag-aaway. Nakita niya kung paano kumalma ang mga ito sa paraan ng pagsasalita ng ama niya. Subalit ang hindi niya maintindihan ay kung bakit hindi na niya marinig ang nagaganap na palitan ng salita ng mga ito. Nangyayari lang iyon sa tuwing darating sa eksena ang tatay niya.

Muntik nang mapatalon si Rodgine nang makita ang mabilis na tinging ipinukol sa kanya ng ama. Naramdaman niya na tila na-kuryente ang buo niyang sistema sa naganap. Mabilis siyang umalis sa kinaroroonan at umupo sa gilid ng kama.

Hindi maintindihan ni Rodgine ang nangyayari sa kanya. Nagsimulang magbago ang pakiramdam niya mula noong humantong siya sa disiotso noong nakaraang taon. Pakiramdam niya, nagbago ang lahat sa kanya paggising niya kinabukasan. At hindi niya mawari kung ano ang nangyari sa kanya. Nasa ganoon siyang pag-iisip nang gisingin ng sunod-sunod na pagkatok ang diwa niya.

La MemoireWhere stories live. Discover now