BATANGGENYO AKO

46 2 12
                                    

BATANGGENYO AKO
ni Samuel Bathan de Ramos

Kung walang malimi at mapaglibangan
Kayo'y pumarine't aking tuturuan
Ng mga salitang tuong kainaman
'Pinagmamalaking salitang Batangan

Sa inyo'y kiliti, sa ami'y LIGAWGAW
Sa inyo ay malat, sa amin ay PAGAW
Ang luto ay PANGGANG pag sobra ang ihaw
At ang batang tandang, sa amin ay TATYAW

Tawag sa gagamba, sami'y ANLALAWA
Gamit pambalagwit, sa amin ay PINGGA
Dine po ay BILOT ang tawag sa tuta
MAAMOS ang tawag sa may duming mukha

Ang asong naulol, ang tawag ay BANG-AW
Ang malaking langaw, sa amin ay BANGYAW
Malakas na boses, dine po ay LAAW
Malamig na kanin, kung tawagi'y BAHAW

Mabilis ang takbo, sa ami'y PATIKAD
Taguri ay PANGKAL pagka ika'y tamad
Kulungan ng manok, sa amin ay TANGKAL
Ang lalagyang sako, ang tawag ay KUSTAL

Pag-inom ng alak, sa amin ay BARIK
Dine po ay HAROK ang tawag sa hilik
Malalaking langgam, sa amin ay HANTIK
At iyang kutsilyo, dine po ay KAMPIT

Sa amin ay DAG-IM pag itim ang ulap
Pag tanggal ang balat, dine po ay TUKLAP
Kapagka hinabol, ikaw ay PINAGAT
At ang walang alam ay walang MUTAKTAK

Iyang mga barya, tawag sami'y MULAY
Dumaan ka muna, ikaw ay SUMINSAY
Ginataang malagkit, sa amin ay SANGLAY
Ika'y nakaTANGLA, kung naka-istambay

Ibabaw ng ilong, sami'y BALINGUSAN
Ang gilid ng bahay, dine'y BALISBISAN
Dine po ay KITSE ang tawag sa tansan
Ang banga ng tubig, tawag ay TAPAYAN

Iyon pong butones, sa amin ay TIPAY
Kapag dahan-dahan, dine'y UTAY-UTAY
Ang tawag sa lolo, sa amin ay MAMAY
AMPIYAS ang ulang napasok sa bahay

Ginataang bilo-bilo, sa ami'y PININDOT
Kapag nagkagulo, dine'y NAGKARIBOK
Ang ihing mapanghi, sa ami'y MAPALOT
At kapag kulelat, ang bansag ay PUTOT

Ang mga nabanggit ay ilan po lamang
Sa mga salitang kinaugalian
Ikinararangal ng lahing Batangan
Huwag ikahihiya at maaasbaran

Saan man mapadpad, saan man tumungo
Yaman ang salitang kinasanayan ko
Gagamitin lagi, umaraw, bumagyo
'Di ikakailang ako'y Batanggenyo!

Please visit, like and share my page:
www.facebook.com/thefrustratedpoet

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 14, 2017 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

BATANGGENYO AKOWhere stories live. Discover now