Ikalawa: Kulong

671 19 4
                                    

Nagising ako, masakit sa mata. Wala pa rin akong kasama.

Nasa karurukan na ang araw na kumakaway. Pero bakit malumbay? Tila ba madilim pa rin ang kapaligiran. Gusto ko agad magmura bilang pambungad.

Bumangon na at harapin ang lansangan. Maalinsangang daan. Nakakadiring pamayanan. Nakayapak kong tatahakin ang kabaluktutan. Nakakasawang pamumuhay.

Pinaliguan ng karahasan ng mamamayan ang lansangang ‘di ako nababagay. Pagkatapos nito, papaspasan kong hugasan ang aking mga paa. Hindi ako makasalanan.

Kung tutuusin, sampid lang ako dito. Baket ba kasi ako napadpad sa patapong lugar na 'to? Isang bangungot, napakasamang kapalaran.

Malamang hindi ako tao dahil walang kwenta ang mga tao. Mga taong makasarili, mga taong maluluho.

Ano ako? Wala akong ideya pero kawangis ko kayo.

Ah baka nga tao ako dahil hindi ko alam kung ano ako, isang kahangalan. Paikut-ikot na katangahan. Taksil ang mga tao, makasalanan. Pero wala, wala talaga akong kasalanan.

Ang tanging alam ko lang ay mapanghusga kayo!

Pumara ako ng jeep, kulay dilaw siya. Malakas ang tugtugan sa loob, mga bastos na nilalang! Walang galang sa katahimikan! Lalong nag-iingay dahil hindi magkarinigan.

Masama talaga ang mga tao, nakatitig agad silang lahat sa akin.

PWE! Gusto nila akong idura. Nakakadiri ako, mapang-alipusta ang mga titig nila sa akin. May bahid ng dumi ang alikabok na kumapit sa aking damit. Nang lumakbay ako ng ilang metro mula sa bahay-liwanag ko ay nabalot agad ako ng mga dumi.

Isa 'tong pagkakasala sa malilinis na likhain. Nakakahiya ako, hindi ako nararapat na tanggaping muli.

Kailangan kong umuwi. Binabaliw ako ng lansangan. Mabagal ang pag-usad dahil pabigat ang mga kantyawan. Uuwi na ako.

Nakakatanggal balanse ang pagewang-gewang na andar. Pero walang pipigil, tatalunin ko ang isang pagsubok. Tama ka, pagtatagumpayan kong makababa sa jeep na nasa kasagsagan ng byahe.

Akma kong inihakbang ang isang talampakan patungong kalayaan subalit may kumapit sa akin.

Lahat ng mga pasahero ay hinablot ako sa damit. Hindi nila ako pinahintulutang makaalis. Nakakainis. Paano na 'to? May kailangan akong gawen. Ayokong tuluyan na mabahiran ng mga mapanlinlang na katauhan.

Uuwi ako. Sigurado ako, sa iba nila ako dadalhin.

Ka-kailangan ko lang talagang magbuhos ng kaunting kalinisan.

Ang SaykopatWhere stories live. Discover now