1

17 1 1
                                        

Isa. Sabi ko sa sarili ko isang beses lamang akong magmamahal. Kapag nakita ko na ang aking hinahanap, dapat siya na. Ibibigay ko ang lahat, iaalay ko ang aking sarili para lamang lumikha ang sanlibutan ng isang mundo para sa kanya. Isang mundo na siya ang araw at siya ang hantungan at dulo ng ilog na sinusundo ako pauwi. Isang tahanan, isang bahay na puno ng ngiti at ligaya na walang bahid ng pait.

Isa lang at hindi na maghahanap muli. Sabi ko, ikaw lang. Ikaw lang hanggang sa huli.

Ngunit akala ko'y pag-ibig na tunay ang minumutawi. Napipinta ng iyong mukha ang pagkamuhi sa mundong sumasaklaw sa akin at sa iyo. Maaaninag sa iyong mga mata ang mapanglaw na kulay ng mga ulap ng isang bagyong humahagupit. Ang pag-ibig na hindi pag-ibig ngunit pagnanais ng pagkalinga, pag-aaruga.

At ika'y lumayo. Ika'y umalis at hindi man lang nag-iwan ng huling habilin. Walang paalam, walang pighati. Tumigas na sa lamig ang iyong mga luhang pilit na pilit.

Tinunaw ng tag-init ang bawat bagay na nasa ilalim ng sikat ng araw. Natuyo ang ilog. Natigang ang lupa. Namatay ang mga bulaklak. Naging abo ang isang bahay na dati'y tahanan ng pag-ibig at daan pauwi. Ang pagmamahal kong ito, nauwi sa abo, binawi ng isinumpang mundo.

Sabi ko isa lang. Isang beses lamang akong iibig ng totoo at papatunayan kong panghabangbuhay ang pagmamahal na ito. Ito ang una at ito ang huli. Oo, ikaw ang una, ikaw pa rin hanggang dulo.

Isa. Isang pangalan ang isisigaw. Isang tula ang isusulat. Isang iyak ang ibubulalas. Nag-iisa ka lamang na aking sinisinta.

8/1/17
10:19 p.m.
//17210

30 Gabi ng PagluluksaStories to obsess over. Discover now